Tuesday, April 2, 2024

After Break-up: Ano na? Part 2 - Depression at Acceptance

 Sa nakaraang post ay ibinahagi ko ang karanasan at mga ilang matututunan tungkol sa anong gagawin sa mga unang bahagi ng break up (eto yun: After Break-up: Ano na? Part 1 - Denial, Anger at Bargaining). Dahil sa holy week break e hindi ko agad nasundan ang nasabing post dahil I spent sometime sa lugar na malayo sa kabihasnan. Pero eto na nga at itinuloy na natin.

Sa sarili kong karanasan, may pagkakataon na bumabalik ako sa pinaka unang phase ng pag-move on o minsan nakakaramdam ako ng galit at minsan naman ay sinusuyo ko ang ex ko na para bang nakikitapagtawaran ako tulad nang nagbabakasali ako na imaintain naman namin yung koneksyon kahit simpleng magkaibigan na lang...sinasabi ko yan while under the influence of alcohol. Kapatid, ang depression po kapag naging talamak na at sinamahan mo pa ng adiksyon sa mga substance tulad ng alak o kaya droga, hinding-hindi ka magpo-progreso sa mga steps para maka-move on. Yan ang eksaktong nangyari saken nung tuluyan na kong nalulong sa alak nung na-depress na ako. 

Itinuturing kong pinaka malala ang naging break up sa buong kasaysayan ng pakikipagrelasyon ko itong most recent ko.Alcohol ang naging kasangkapan ko sa naturang hiwalayan at tulad nga nang nabanggit ko na, hinding hindi mo gugustuhin na mapunta sa sitwasyon na napuntahan ko dahil hindi lang pisikal kungdi pati mental mong kalagayan ang sisirain ng alcohol kapatid. Irereset ng alcohol lahat ng progreso mo sa pag-move on at magpapaikot ikot ka lang na parang loop at hindi ka makakarating sa last stage which is yung acceptance. Sobrang lala ng naging alcoholism ko na isusulat ko sa bukod na posts ang karanasan ko tungkol dyan.

Para bigyan kita ng konting pasilip sa perwisyo na nagawa saken ng alcohol after break-up, nakapagsalita ako sa ex ko ng mga bagay na nakakastress at nakakabahala sa parte nya. At one point ok ako at magrereach out sa kanya telling her na positive ako na malalampasan ko at nagpapasalamat ako na nagkaroon kami ng memories and then iinom ako, malalasing at makakaramdam na naman ako ng strong denial na susundan ng sobrang anger na ilalabas ko lahat sa kanya. Nung una nakokontrol ko pa pero kalaunan nung tuluyan nang sinira ng alcohol ang mental state ko, tuluyan na ko naging delusional at nagtagni-tagni ng mga bagay na ikaka-stress din ng ex ko. I'm talking about empty threats na nabuo sa isip ko dahil naging bayolente na ko kapag nalalasing. Yung pakiramdam na parang galit na galit ako sa mundo at ibinubuhos ko yun lahat sa ex ko na ang tanging naging kasalanan lang ay buksan pa din ang channels ng komunikasyon namin at subukan pa din akong pakinggan kahit sobrang toxic ko na. Mangyari ay may suicidal tendency ako at alam nya yun (na mas lalo pang pinalala ng alcohol) pero at that point na gusto ko na wakasan ang buhay ko at ibinuhos ko na lahat ng galit ko sa kanya pati ng mga pagbabanta kasama ng plano ko na wakasan na din ang buhay ko nung araw ding iyon, tuluyan na rin syang gumive-up at ipinakita nya saken kung gaano na ako ka-helpless at tuluyan na nyang isinara lahat nang komunikasyon namin. Thankfully nang makita kong blocked na ko sa lahat ay wala na rin akong lakas nun para kumilos at isakatuparan ang binabalak kong pagputol sa buhay ko. Iyon na yata ang pinakamatinding pag-inom ng alak na nagawa ko at yung quantity pa lang ng alak na tinake ko nung araw na yun ay sapat na para ikamatay ko. Luckily nagising pa din ako at nanlumo sa nagawa ko. I feel disgusted to myself for being so weak like "pagpapakamatay na lang ba ang talagang solusyon?" Obviously, hindi ko itinuloy pero natatakot ako kung magpapatuloy ang ganitong routine ko. Humingi ako ng paumanhin sa kanya at sa araw ding yun, nagdesisyong akong humingi na ng tulong sa natitira pang mga tao na may malasakit saken. Nag-open up na ko sa pamilya ko.

Mataas ang pride ko at ayokong ipakita sa mga malalapit saken kung gaano ako kahina. Ngunit ang nasabing mindset din ang naglugmok saken at nagpahirap nang husto. Natagpuan ko na lang ang sarili ko nung araw na yun na nasa harap ng kapatid ko at tuluyan ko nang inamin sa kanya ang mas matindi pang depression na pinagdadaanan ko na akala nya ay nahahandle ko nang maayos pero obviously, hindi. Hindi ako nakarinig ng panglalait sa kanya o pangmamaliit bagkus ay sinserong pag-unawa at pagdamay. May konting panic sa side ng kapatid ko nang makita nya ang kalunos lunos kong kalagayan at alam nya na hindi malayong gawin ko ang binabalak ko base sa history ko ng suicide na minsan ko nang ginawa at pinalad lang akong makaligtas isang dekada na din ang nakakalipas. Inamin ko sa kanya na sagad na ang pag-kaadik ko sa alak at hindi na talaga ako ok. Daglian nyang kinontak ang nanay ko at iba ko pang kapatid na sa una'y hindi ko ikinatuwa at nagkaroon ako ng pagsisisi dahil mawawala ang respetong pinaghirapan kong i-earn mula sa kanila. Ngunit nagpakita sila ng buong suporta at muli ay ipinabatid nila saken na ang pamilya and pinaka the best na tutulong at dadamay sayo.

Para maredeem ko ang respeto saken ng pamilya ko, nagdesisyon na akong tumigil sa pag-inom ng alak. Tulad ng sinabi ko sa unang bahagi ng post na to, isusulat ko din ang aking paglalakbay tungo sa "alcohol-free" lifestyle. Nakatulong ang pag-block saken ng ex ko sa lahat ng channel dahil sa unang lingggo ng pagiging alcohol free ko, nagkaroon na agad ako ng clarity na wala na talaga. Wala pa ring paglagyan ang pagsisisi ko sa mga stress na naibigay ko sa kanya. Walang pagsidlan ang paghingi ko ng tawad sa kanya na marahil ay hindi ko na naipaabot dahil sa kawalan ng instrumento ng komunikasyon pero kung magawi sya dito, sana mabatid nya ang sincere na paghingi ko ng kapatawaran.

This is my testament of full acceptance sa break-up na to. Medyo matagal na din akong walang kontak sa alcohol at bagamat mahirap, nagiging maayos na ang mental state ko at itutuloy-tuloy ko to. Self love muna at tuloy-tuloy na pag-improve sa physical at mental health ko. Lastly, nakikiusap ako sa makakabasa nito, iwasan ang alak sa estado ng pag-move on. Kahit anong substance (lalo na drugs) o habit na maaaring sumira ng mental health mo lalo sa panahon ng depression mapa-break up man yan o anupamang life problems na meron ka, iwasan ang anumang kemikal na maghahari sa pagkatao mo. Hinding hindi ka ka makakarating sa acceptance stage dahilan para hindi mo maresolba ang problema na pinagdadaanan mo. Maraming instrumento para maayos mo ang gusot sa buhay mo at wag mong i-underestimate ang magagawang tulong ng mga malalapit sa'yo, magtiwala ka sa kanila. Pero tandaan na ang malaking bahagi ng recovery mo ay manggagaling sa iyo kaya samahan mo ng tiwala sa sarili at determinasyon. Katulong ang time, slowly but surely, go on each day kahit sa maliliit na hakbang patungo sa tuluyan mong paggaling.

Kita kita tayo sa next.

Share