Saturday, April 27, 2024

Walang magrerelapse! (My Anti-Tagay Journal) Alcohol free - Week 5

Isang malungkot na balita ang nakarating saken. Isang kaibigan na naman ang namaalam dahil sa alcohol abuse. I met him back in 2015 at kasama ko sya palagi sa inuman. Dati syang relihiyoso at dedicated sa christian church nila hanggang nagkanda letse buhay nya dahil sa family problem. Dahil sa alcohol addiction, nakita syang nakabulagta sa dating riles ng tren sa lugar namin na wala nang buhay. Kinakitaan sya ng sintomas ng epilepsy dati at marami ang saksi kung gaano sya kadalas inaatake nito. May suspetsang inatake sya sa lugar na yun at walang nakakita kaya hindi sya agad narescue. Nakakalungkot pero hindi nagkulang ang mga nagmamalasakit sa kanya sa paalala na tigilan na ang alcohol pero sadyang hindi sya huminto. Totoo naman kaseng napakahirap iwanan ng adiksyon lalo na kung hindi ka 100% na desididong iwan ito. Nawa'y nasa matiwasay na syang lugar.

Sa mahigit isang buwan ko nang pagtigil sa pag-inom, araw-araw pa rin akong nakikipaglaban sa relapse. Nung una e sadyang pure defensive ako at talagang very by the book sa pag-iwas sa alak pero nang marating ko ang milestone na ito, naramdaman kong unti-unti akong nagiging relaxed. Relaxed in a way na parang nagiging over confident ako na kayang kaya ko at hindi na ko babalik sa pag-inom. Wrong. Hindi ako dapat maging complacent at dapat laging aware na nandyan lang ang mga triggers para magrelapse. Kapag may attack ako ng temptation, ipinikit ko mata ko at humihinga ng malalim at sinasabi sa sarili ko na vulnerable ako at kelangan ko maging matibay. Kinakausap ko sarili ko at ipinapaalala ang mga kumplikasyon na nakuha ko sa alak at kung bakit hindi na dapat ako bumalik sa habit na yun. My inner demon will sometimes try to convince me na "Ok na naman pakiramdam mo, wala na acute gastritis mo, di ka na highblood, inom ka na ulet brod. Kundisyon na naman ang bahay alak mo.". Then suddenly mumurahin ako ng isang parte ng utak ko,"tang-*** ka wala ka na ba talagang respeto sa sarili mo?" na siyang magtataboy sa demonyong bumubulong saken. Respeto sa sarili ang pinaka key word ko tuwing nakabitin ako sa pisi ng tukso papunta sa pag-inom muli ng alak. Sa alak, mapapraning na naman ako at makakagawa ng mga stupid na mga bagay. Mawawala na naman ako sa focus at kung anu-ano na naman ang makokompromiso ko, hinding hindi na ko babalik dun. Kaya naman eto at mas lalo kong pinapalalim ang pag-intindi ko sa sarili ko. In particular, pinag-isipan ko kung ano nga ba yung mga matitinding triggers na dapat kong labanan at ano pa yung mga solusyon na nagwowork saken na dapat ko pang pagtibayin? So far heto yung mga narealize ko nagsesave saken at sure nagwowork:

Isolation - By nature, loner talaga ako. Mula pagkabata ko, I enjoy solitude. I have a rich imagination at masaya ako pag nakakagawa ako ng mga bagay-bagay sa imahinasyon ko, sa sarili kong mundo. Sa pag-iisa, narerecharge ako mula sa pakikisalamuha sa mga tao sa mahabang oras kaya kadalasan nasa bahay lang ako or anywhere basta alone. Ang problema, minsan, nasosobrahan ako ng isolation. This was my habit na nag-introduce saken sa mundo ng paglalasing mag-isa. At kahit netong mga nagdaang linggo nagdecide ako tumigil sa pag-inom, unconsciously, bumabalik na naman ako sa masyadong isolated lifestyle. Ang napansin ko, social media ang alternative na pwede mong gawin pag tamad kang lumabas. Pero hindi healthy ang social media. First it will trigger your negative emotions mula sa past. It can remind you of bitter experiences na unang titirahin yung emosyon mo then magiging moody ka and on my case, napakadali lang nito maglead sa pag-inom ng alak. Therefore, nilimitahan ko ang pagscroll-scroll and when it comes to communicating with people, I'd rather do it face to face.

Go out and interact with people. Makipagkwentuhan ka like its 1990s or early 2000s. Talk to people kahit sa strangers and see their realtime and genuine reactions. Kahit mga small talks lang pero positive at in the end e magdudulot ng ngiti e sapat na. Nabanggit ko na tumatakbo ako sa village at minsan nagiging conversation piece yung ginagawa ko like lalaban daw ba ako ng boxing. Tatawa lang ako, hihinto saglit at makikipaghuntahan tapos tatakbo na ulet. Kapag tumakbo ako sa hapon, andyan yung mga nagtitinda ng barbecue na paborito kong tambayan at yung mga nanay na magiliw na kahit di ko naman kelangan yung mga marites insiders nila e nakikinig ako at nagrereact. Syempre di maiwasan yung mga marites na medyo makati at kung hindi sila e yung anak nila ang irereto saken, yung mga ganung tipikal na Pinoy laptrip moments? Priceless yun. This is actually me revisiting and reembracing my old self. Ganito ako kagiliw dati sa mga tao nung hindi pa ko lango at nararamdaman kong narerestore ko na naman ang positive character na ito. Therefore, pag ramdam mo na na masyado kang isolated, wag social media ang gawin mong outlet. Walang katumbas ang aktwal na pakikipag-socialize sa tao.

Stress - Kahit manginginom ka ng alak or hindi, pag na-stress ka, makakaapekto yun sa kakayanan mong magdesisyon. What more kung bago ka pa lang humihinto sa pag-inom ng alak at nastress ka? Iinom ka na lang ulet para labanan yung stress? Ang stress ang pinaka nagchallenge saken sa mga unang linggo ng pag-stop ko sa pag-inom at bagamat naiintindihan ko na ang sarili ko tuwing umaatake ang stress na dapat kalmado lang ako, hindi pa rin ako nagpapaka-kumpyansa. Sa psychology, may tinatawag na fight or flight na kung saan pag dinatnan ka ng stress, lalabanan mo ba or tatakasan mo na lang? Pag pinili mo yung huli, maaaring gumawa ka ng mga bagay na extreme tulad nga ng pag-inom ng alak na ibig sabihin e hindi ka nag-fight. Sabi nga ng tropa mong concern di ba, "iinom lang natin yan tol". Its bullsh*t kase bilang isang dating manginginom, lalo lang tataas anxiety mo plus di naman nawala yung problema pagbaba ng tama mo. Kaya nanghinayang din ako sa mga pag-takas na ginawa ko sa stress sa pamamagitan ng alak. Ang dami kong nasayang na oras na sana ay ginugol ko sa paglaban at pagresolba ng mga naging stress ko. So paano ba lalabanan ang stress?

Sa tulad kong nais mamaintain ang alcohol-free lifestyle, hindi ko mairerekomenda ang paglamon. Para saken ang pagkain ng madami ay isa ring uri ng pagtakas sa stress. Ang the best na gawin ay mag-exercise at subok ko na yan. Kahit anong magpapapawis sayo, magbabawas ng stress mo yan. Then magbasa ka or makinig or manuod ka ng mga pang-may utak na podcast or vids at hindi yung mga gawa ng mga Pinoy content creators na puno ng kabobohan. Iwasan mo din yung mangalap ng mga tsismis kase sa totoo lang san mo ba gagamitin yung mga impormasyong nakalap mo tungkol sa buhay ng iba? Sa madaling salita, i-train mo yung katawan at isipan mo. I'm not saying na hindi nakakawala ng stress yung panunuod ng mga nakakakaaliw kahit hitik sa kabobohan. Relatable, catchy at madaling i-absorb ng utak di ba kaya nakakawala ng stress. Ang tanong e anong parte ng utak mo ang kayang patibayin ng mga kabobohan na yun? Try mo kayang magbasa o makinig sa mga motivational topics. Try mo kayang alamin kung paano mo pa maeenhance yung skills mo or tumuklas ka kaya ng bagong skills or hobbies. Kumanta ka kung mahilig ka kumanta. Sumayaw ka kung mahilig ka sumayaw. Mag-gitara ka kung gusto mong tumugtog. Anything na makakatulong sayo to have the mental toughness. Ang narealize ko sa stress, utak talaga ang pinaka panglaban dyan. Sa alcohol, pumurol lang nang pumurol ang utak ko hanggang hindi na ko makapag-cope up. Ngayon, ginagawa kong sandata ang tibay ng pag-iisip para labanan ang stress at para labanan ang tukso na dala ng alak.

Mga pagbabago- Breakups, single ka na naman, di ka makamove-on ay ilan lamang sa mga pagbabagong masasabi kong common na nagtetrigger ng alcoholism. Syempre andyan yung pagbabago sa trabaho or at worst nawalan ka ng trabaho at marami pang ibang halimbawa na nagtetrigger ng stress pero mainly ay cause ng pagbabago na ang ilan ay hindi natin control. May mga positive din na mga pagbabago pero hindi positive ang epekto lalo na sa mga nagnanais huminto sa alak. Tulad ng bagong kaibigan na bad influence or bagong grupo na kelangan mong pag-adjust-an. Marami pang halimbawa na hindi ko na iisa-isahin bagkus ay i-check natin paano ba tayo mananatiling alcohol free sa kabila ng nasabing trigger?

It took me months to cope up sa break up na pinanggalingan ko. Within those periods, nagtry akong tumigil sa pag-inom ng alak kase alam kong yun ang lumalason sa akin at nagko-cause ng pagbagal ng recovery ko pero bigo ako. Nung finally tumigil na ko sa pag-inom, unti-unti na kong bumalik sa normal. Sobrang bilis ng pagbalik ng ulirat ko sa reyalidad and without a single drop of alcohol sa sistema ko, nakamove on agad ako. Saan pumapasok yung relapse dito? Papasok ang relapse kung hindi mo eenjoyin ang transition na ginawa mo from being broken to being ok. Ito yung isang pagbabago na kaya mong kontrolin sa pamamagitan ng hindi muna paglandi. Dahil sa break-up, naging alone ka. E di enjoyin mo yung pagiging single. Gawin mong normal na single ka sa mahabang panahon. Kung magbago man ang takbo ng sitwasyon at magka-lovelife ka ulet, make sure na hindi mo finorce mangyari at nangyari yun naturally. Ninamnam mo yung bawat aspeto ng change na yun at alam mo na ang dapat gawin sa sandaling mangyari ulet yun. Hindi ka na magrerelapse.

Yung mga pagbabago na hindi mo masyadong kontrol or wala ka talagang control at all, hindi yun dahilan para magrelapse ka. Dyan na papasok yung disiplina na applicable naman sa lahat nang sitwasyon pero mas kailangan mo sa mga bagay lalo na di mo kontrol or di mo gamay. Manatili kang compose, pag-aralan mo with clear mind at hindi lasing. Kung may mga bago kang kelangan pakisamahan na malakas mag-impluwensya, magpakilala ka na agad sa kanila at kunin mo yung respeto nila. If the change is triggered halimbawa bigla kang nabunkrupt, stressful yan. Dyan na papasok yung binanggit ko sa taas na mag-ipon ka ng knowledge and learn how to bounce back. If the change is positive at halimbawa bigla kang sumikat as influencer at nagkaron ka ng madaming pera, nagkaroon ka ng matinding pressure sa circle ng mga kalevel mo, prove to yourself na may paninindigan ka at respeto sa sarili na hindi ka na babalik sa pagiging gumon sa alak.

Ang mga nabanggit ko ay nag-aapply lamang sa mga taong nasadlak sa adiksyon at umiiwas sa tinatawag ngang relapse. Ang moderate drinkers siguro ay hindi makakarelate pero congrats sa pagmaintain ng pagiging moderate drinker. Wala akong against sa inyo, just keep it up. Basta wag nyo kalimutan na lahat ng heavy drinkers ay nagsimula sa moderate.

Sa ngayon, yan ang mga ideas na naisip ko kung paano ako mag-cope up at nasa process pa din ako ng pagpapatunay na effective yang mga yan at magwowork yan. Nakasalalay ang credibility ko sa mga nasabi kong yan pero higit sa lahat ay ang self-respect ang nais ko talagang i-establish dyan. Its another set of challenge na dagdag sa kuleksyon ng mga hamon na nais kong pagtagumpayan. Sa puntong ito, ineencourage ko pa din ang kahit sino na magsaliksik para sa mga sarili nyo kung ano ang best methods ng alcohol abstinence na pwede nyo i-adopt kase iba-iba naman tayo ng hugot. Basta ang masasabi ko lang, seryosohin natin to. Sana paglaon, magkita-kita tayong nasa mas maayos na kalagayan na may pride at taas noong ipinagmamalaki na nagtagumpay tayo sa hamon na to.

Share