Saturday, April 13, 2024

Bakit mahirap para sa Pinoy ang tumigil sa pag-inom ng alak?

Bago ang lahat, SALAMAT sa mga nagpaabot ng suporta at encouragement! Mahal ko kayong lahat!

For today's topic, pag-usapan natin kung bakit nahihirapan ang isang "machong Pinoy" sa pagtigil sa pag-inom ng alak? Sa salitang "macho" pa lang, may idea na tayo sa bagay na yan. Sa sosyolohikal na opinyon, ang mga Pinoy ay heavily influenced pa din ng kulturang namana natin sa mga Kastila na kung saan, party is life! At i-combine mo yan sa patriarchal culture na impluwensya din ng nasabing mga dayuhan at meron kang perfect recipe para sa hindi masasawatang pag-inom lalo na ng mga kalalakihan. Ayokong magpaka-academic dito dahil topic ko yan sa mga susunod ko pang entries pero just in a nutshell, sa society na dominated ng mga lalaki, kakaunti lamang ang cases na tumigil sa adiksyon (alak in particular) ang isang lalaki dahil sa impluwensya ng babae. Ire-realtalk kita at sasabihin ko to hindi galing sa aklat kungdi sa sarili kong experience at observation. 

Titigil sa pag-inom ang Pinoy kung:

1. May health problems na (high blood, liver disease, stroke etc.)

2. Naging relihiyoso at nakilala si Jesus.

3. Be-breakin na ng gf o asawa dahil hindi na lang sya ang naaapektuhan kungdi pati sila.

Sa tatlong nabanggit, yung unang dalawa lang talaga dyan yung madalas na dahilan. Yung pangatlo, pinapaabot na nila yan sa hiwalayan kase malamang sa malamang, may mga pisikal at verbal nang violence na involve dyan at talagang di na kaya. Habang meron namang iba na naaagapan pa at nasosolusyonan bago pa humantong sa hiwalayan. Btw pag naghiwalay na, lalo lang lumalala ang pag-inom. Maswerte na kung marealize nya agad na ginagago nya lang sarili nya at kelan nyang magrecover at magkaron ng redemption.

Sa kabilang banda, madami pa din naman na nagkakaroon ng internal realization at sa pagputok ng salitang "mental health" na bihira namang mabanggit kahit nung early 2000s, e nagkaroon na ng awareness ang madami na kapag itinuloy tuloy nila ang pag-inom e lalo lang lalala ang depression nila hanggang hindi na sila mag-function ng maayos lalo na sa pakikipagrelasyon sa kapwa mapa-intimate o iba pang uri ng relasyon. Pero sa kulturang Pinoy na wala naman talagang alcoholic dito, lahat ay moderate lang, wala tayong mental health problem. May mga nagsesuicide, may mga naaksidente, may mga nakakagawa ng krimen pero chill lang. Sa sobrang chill natin, may presidenteng nanalo dahil sa pag-exploit ng kahinaan natin sa mga nakakaadik na substance na kung tutuusin, kung karamihan saten e hindi addicted sa kung anuman at nakakapag-isip nang maayos, hindi natin kelangan ma-impress sa sinumang pulitiko na isho-showcase yung abilidad nya na pahintuin yung adiksyon natin samantalang kaya naman natin yung baguhin sa mga sarili natin. Alam mo yung alam na nating yung mga personal nating problema pero ayaw nating tanggapin na kelangan pang maging pulitikal bago tayo mamulat.

Moving on, in comparison sa ibang nation sa kaka-browse ko na din ng mga alcoholic confessions at mga inspirational videos, mas malalim ang mga dahilan nila kung bakit humihinto sa pag-inom. Karamihan sa kanila ay hindi na umabot sa mga worst scenarios para magbago although madami din na naabot na yung sukdulan pero nakakakuha pa din ng second chance. Pero iba kase talaga ang Pinoy. One time, may nakakwentuhan ako tungkol sa kung paano namatay ang partner nya sa alcoholism at inamin nya kung ano yung naging mali nya. Tinolerate nya only because, "parang normal lang naman daw". Eto rin yung nangyari sa relative ko na sumakabilang buhay dahil sa kumplikasyon sa atay na tinolerate din ng pamilya nya lalo na ng asawa nya dahil nakakapagprovide naman. I mean dahil siguro sa pagiging 3rd world country natin na immune na tayo sa katoxican ng mga sitwasyon, nanormalize na natin yung mga negative na epekto ng pakikipagrelasyon sa isang "machong Pinoy" na kung behaved naman e sige ok lang. May mga post pa nga sa social media na ang reward ng asawa sa partner nyang matino naman ay ang payagang uminom o maglasing. Kase unlike sa mga first world country, ang isa sa common nilang concern e yung productivity. They are mainly about brain function sa mga kabuhayan nila and with alcohol, ang bilis makita ng epekto sa mga performance nila na nagtatranslate sa mga hindi nila kanais-nais na asal pag-uwi nila ng bahay. Ang mga Pinoy ay hindi naman lahat blue collared employees na madaming stress na dinadala from work. Karamihan saten ay "masa" na madaming time at may simpleng hanapbuhay. At dahil majority nga ng mga trabahador ay nasa parehong bracket ng mga hanapbuhay, hahanapin nila yung isa't isa at sa pamamagitan ng alak na pagsasaluhan para mararamdaman nilang hindi sila nag-iisa at madami silang may parehong mga pinagdadaanan. Bilang epekto, hindi na narerealize yung malalim pang epekto ng alak sa mental na aspeto dahil sa katwiran na bakit yung mga tropa nila e ayos lang naman. Ok na sila sa estado ng buhay nila at wala na sila gustong baguhin so wala na ring pressure sa pagbabago. So bakit pa nila iisipin yung pagbabago o innovation sa takbo ng buhay nila kung immune na sila sa kasakuluyang sitwasyon na mabuhay lang sa kasalukuyan at mairaos ang maghapon. Again, I'm talking about "masa", hindi ko nilalahat.

Ngayon, may mga intervention naman sa iba na nagiging reason ng paghinto nila sa pag-inom ng alak either napalapit sila sa diyos dahil naging Christian o Iglesia ni Kristo etc. Ang nakakatakot lang sa reason na to ng paghinto e, paano kung subukin na naman sila ng tadhana at may malaki na namang dagok na dumating sa buhay nila? Kekwestyunin nila yung pananampalataya nila at muli na naman silang babalik sa nakagawian. Although this is very effective sa setting ng Pinas na heavily religious at madami akong kilala na nakalaya sa bisyo dahil kay lord. Amen.

Pero bakit nga ba nahihirapang huminto sa pag-inom ng alak ang karamihan sa mga Pinoy? Kase generally, hindi naman kelangan huminto. May problema ba tayo sa alcoholism? Wala! Katulad nga ng nabanggit ko, walang alcoholic sa Pinas, moderate drinkers lang. At sabi nga ni dok, basta wag lang sobra. Mahalaga ba ang paghinto sa pag-inom ng alak? Hindi! A wise kainuman once said to me, "uminom ka lang pag masaya ka, wag pag may problema ka". E wala naman tayong problema e (karamihan ganito mindset). At kahit meron, hindi naman natin pinoproblema so umiinom tayo ng alak parati dahil masaya tayo. I guess simulan nating isipin at seryosohin yung mga problema natin at baka dun tayo magsimulang matauhan at maisip na may mas mainam pang gawin kesa maglasing. Baka dun lang tayo hihinto sa pag-inom ng alak.

Sa mga partner naman o kahit sinong nagmamahal (mapa-kapamilya o kaibigan) sa isang meron nang alcohol drinking disorder kung tawagin, wag nyo nang kunsintihin. Sang ayon naman ako sa occasional  na pag-inom na ok lang yun pero ang Pinoy ay hindi nawawalan ng okasyon. Kung walang okasyon, gagawa yan ng okasyon. Kung walang magawang okasyon, maghahanap yan ng may okasyon. Ang problema dito, wala sa mindset ng machong Pinoy na makinig at sumunod sa pagbabawal o restriksyon ng kahit sino lalo na ng opposite sex. So dahan dahan nilang imamanipulate hanggang madominate ang sinuman na nagtatangkang kumontrol sa kanila. Madalas nagtatagumpay sila pero sa huli, sila din naman ang talo.

Mga obserbasyon ko lamang ito at hindi ako specialist. Ang totoo, nasa proseso pa din ako ng paglaban sa toxic na alcohol at araw-araw kong isine-celebrate ang hindi pagtikim nito. Naisip ko, sa paghinto sa pag-inom ng alak, wag mong isipin yung future, isipin mo yung ngayon. Talunin mo yung tukso ng alak kada araw. Parang kadena kumbaga na araw-araw mong dinudugtungan hanggang makabuo ka na ng solid na tanikala na matibay at sya mong gagawing tulay patungo sa mga level up pang chapter ng buhay mo. Unlike sa alak na tanikalang igagapos mo sa sarili mo ang mabubuo mo, sa pag-quit ng alak, makakabuo ka ng daan tungo sa mas maayos pang bersyon ng pagkatao mo.

I keep pushing myself everyday to be a better person by starting from quitting alcohol na syang nagpalugmok saken. One day, babalikan ko ang mga isinulat ko dito at sasabihin kong hindi ako nagkamali sa desisyon ko. I still have friends na walang indikasyon ng paghinto sa alak and I still love them but I want to love them more once na buong buong na din yung pagmamahal ko sa sarili ko.

Share