"Nagmamahalan na ang mga bilihin, tayo na lang ang hindi."
Sa panahong mahal ang karne at isda, makakatipid ka ba kung magluluto ka ng: Sinigang na Bangus? Sinigang na Baboy? Sinigang na Hipon? Naaahhhh... Eto try mo-Sinigang na (Century) Tuna! Ano ang lasa ng sinigang na canned tuna? Gaano ito kadaling lutuin? Gaano ito katipid at paano nito mapapasaya ang araw mo?
Mahabang intro:
4:30 am. Nagising na medyo masakit pa ang leeg dahil nakatulog na naman ako ng pitong oras sa kawayan na sofa sa aking sala. Wala pang laman ang aking tiyan dahil mas inuna ko ang tulog kesa pagkain nung nakaraan gabi. Buhay call center talaga pag weekend, mas gusto mong matulog kesa kumain. Anyway, hinigop ko muna ang mainit na kape para magising ang aking diwa kasabay na kinain ang left over na pandesal na pinainit lang sa rice cooker dahil wala naman akong microwave (merry christmas and thanks in advance sa magreregalo saken ng microwave sa pasko. nyahaha..). Habang nasa ganung posisyon ako at iniisip kung gaano kamiserable ang kalagayan ko na kumakain ng lumang pandesal na may peanut butter, naitanong ko sa sarili ko, "may magagawa pa ba ako para gawing interesting at masaya ang araw na to?"
Tumingin ako sa kanan kung saan nandoon ang mga grocery items ko na pinamili ko isang dekada na ang nakakalipas (actually few weeks ago lang). Kinapa ko ang nasa loob ng eco bag at kung anuman ang makuha ko sa loob ay gagawan ko ng kagimbal gimbal na recipe na maaaring magpabago sa buhay ko (tatanghalin akong "best PATSAM cook of all time". pero alam kong walang ganung award giving body kaya itutuloy ko na lang ang patsambang recipe na naglalaro sa isip ko.) Nadaklot ko ang nagmamakaawang "century tuna hot and spicy" at kahit ayaw nyang mainvolve sa karumaldumal na patsambang luto ko, wala na syang magagawa dahil desidido na kong lutuin sya bago pa sya mag-expire. Lumabas ako ng bahay at ilang hakbang lang ay nasa harap na ko ng tindahan ng gulay na kung saan ay mukang di pa nakakabalik sa reyalidad ang diwa ng tinderong si Manong dahil kakagising lang. Heto ang mga binili ko kay Manong para sa napagpasyahan kong iluto sa umagang ito:
Ingredients for my "Sinigang na (Century) Tuna":
1 talong
5 piraso okra
1 big green sili
1 taling kangkong (na di ko alam kung sa Marikina o sa Pasig river nanggaling. pero mukang malinis naman)
1 taling sitaw
1 maliit na labanos
5 pirasong siling labuyo (maliliit)
1 pack sinigang sa sampaloc mix
1 kilo bigas (na mukang kulang sa timbang pero ok lang, di ko naman nakita)
1 classic piece of advice mula kay Manong tungkol sa pagluluto ng sinigang (actually libre yung advice)
(More or less 60.00 kasama na yung century tuna. good for 3-4 people.)
Lumakad na ko pauwi habang dala ang mga item para sa aking love potion este sinigang. Dali dali kong kinuha ang kutsilyo at chopping board para hiwain at itransform ang mga gulay sa isang "state of the art delicacy". Hinugasan ko na rin ang bigas at inilagay sa kaserola ang pinaghugasan (up to 800ml) para magsilbing sabaw ng aking sinigang(take note: hugas bigas ang dapat isabaw para mas malapot at mas malinamnam ang sinigang). Isinalang ko sa gasullete ang sinaing at sa rice cooker ang pinaghugasan ng bigas. Baliktad ba? Actually, napansin ko rin pero mas trip kong lutuin sa rice cooker yung sinigang kase perfect na ang init ng rice cooker at di na kelangang iadjust para sa recipe kong ito. Habang nakasalang ang sinaing at epic na hugas bigas sa kanilang respected na lutuan, huminga muna ako ng malalim bago ko binuksan ang noo'y nagpupumiglas na 155 grams na century tuna, hot and spicy. Kinuha ko ang sabaw o tubig nung tuna at inilagay sa separate na lalagyan. Piniga ko pa ang tuna hanggang sa wala na itong katas at isinet aside ang tuna meat. Ini-honda (inihabol) ko ang katas ng tuna at ibinuhos sa malapit nang kumulong hugas bigas habang naka-set aside pa rin ang tuna meat. Inihalo ko na rin ang sinigang mix kasama ng tuna juice at hugas bigas at tsaka nilagyan ng konting patis para magblend na ang lasa nila at tsaka tinakpan ulit ang rice cooker. Habang hinihintay kong kumulo ang sabaw, eto muna ang mga ginawa ko:
Nag-good morning kay Honey at nag-update ng status sa facebook
Nanuod ng HBO
Nanuod ng CNN
Nanuod ng Hisory Channel
Nanuod ng...nanuod nghh...(dahil sa anti-cybercrime law, hindi ko pwedeng sabihin)
May nag-comment na sa tanong ko sa FB wall ko na
Ano ang translation sa english ng "pang-ilan ka sa pila?" at tyempong kumukulo na ang hugas bigas. Mamaya ko na ko magcocomment sa wall ko at ikoclose ko na yung isa pang window na ipinagbabawal ng batas.
Heto na nga at inilagay ko na ang mga gulay na chinap-chop ko kanina sa kumukulong hugas bigas. Hiniwa ko rin ng pino ang siling labuyo at inihalo sa mga gulay (pwede nang hindi lagyan ng siling labuyo kung hindi ka true-blue Bicolano na tulad ko. hehe..) Tinikman ko ang sabaw at inihinto agad ang pagtikim bago ko malimutan ang aking pangalan dahil sa sobrang sarap nung sabaw (wala pa yung tuna meat nun). Dinagdagan ko pa ng konting patis para mas malasa. Di ko ginamitan ng asin ang sinigang ko dahil yun ang payo ni Manong..."only use patis". Samantalang, luto na ang sinaing ko at inalis ko na sa gasullete. Pinalitan ko naman yun ng kawali at pinainit at tsaka inilagay ang tuna meat. Pwede mo namang hindi na initin ang tuna meat pero dahil sabi ng nanay ko mas ok na initin ang mga canned goods, ininit ko na rin pero di ko muna hinalo sa sinigang mismo kase madudurog ng husto.
After ko magcomment sa makukulit na sagot para sa FB question ko, bumalik na ko sa sinigang ko na ilang minuto nang kumukulo. Hindi pwedeng maover cook or else mawawala sustansya at papangit ang lasa. Perfect! Luto na ang "Sinigang na (Century) Tuna" ko at ready na kong kumain!
Inilagay ko na sa ibabaw ng sinigaw ang tuna meat. At dahil mag-isa lang ako, ako lang din ang naghain sa sarili ko. Mamaya ko na lang bibigyan si Richie na kapitbahay ko dahil tulog pa sya. Naappreciate ko talaga ang umagang ito dahil sa aking "Sinigang na (Century) Tuna" na mura na, masustansya pa dahil puro gulay, less fatty at di macholesterol tulad ng ibang sinigang. May omega 3 pa daw sabi ni Angel Locsin. Time saving din dahil di mo na kelangan magpalambot ng karne o maghintay nang matagal para maluto ang isda. Makakatipid ka din ng energy dahil ambilis lang lutuin. Sa lasa, hindi ka kelangang magworry dahil yung tuna juice ay sapat na para magkaroon ng malinamnam na lasa ang sinigang mo at ang tuna meat ay sadyang huli nang inilalagay para hindi magmukang kaning baboy ang sinigang mo.
Salamat sa Sinigang na (Century) Tuna. Ngayon interesting at masaya na ang araw ko at nakagawa pa ko ng blogpost after 10 years dahil dito. :) Salamat pala sa
flavoursofiloilo.blogspot.com para sa perfect picture at few tips. Try nyo na Sinigang na (Century) Tuna. Sobrang dali lang lutuin at napakasarap!
Reminder: Sa bawat pagluluto, tiyaking may kasama itong pagmamahal. Puso ang pinaka-nagpapasarap sa mga lutuin at dahil hindi literal na pwedeng isama ang puso mo sa bawat lutuin, lagyan mo lang ito ng pagmamahal at siguradong sasarap ito. ;)