Tirik na tirik na ang araw pero hindi pa rin ako nakakapasok sa
BDO. Hindi naman ako manghoholdap although mukha na akong holdaper dahil
lumalampas na sa facemask ko ang mahaba kong balbas, dagdagan pa ng
nanglilimahid kong kasuotan at shades na ala Romy Diaz. Magdedeposito lang ako
ng perang pambayad utang pero hindi ko inexpect na extended din ang lenten
season hanggang August. Ito na marahil ang pinakamahabang Biyernes santo
ngayong taon. Nagsimula ang araw na yun na puno ng sigla pero mukhang disaster
ang kahihinatnan.
Nang tumilaok ang manok ng kapitbahay ay gising na ako. Mangyari
ay susugod ako sa mga bangko sa kabisera hindi para magkamal ng salapi, kungdi
para magbayad ng utang. Sinabi ko na nga sa unang paragraph pa lang.
(paulit-ulit nu). Wala nang ligo-ligo, mumog lang, hilamos nang konti at isang
dakot na tiwala sa sarili na kasing fresh pa rin ako ni Kwon Sang-woo. After
all di naman ganun ka-crowded ang mga bangko dito sa probinsya.
Naghintay ng medyo matagal then nakasakay din sa bus papuntang
sentro. May nakatabi akong dalaga sa upuan na parang hindi kumportable sa
pagkakakupo. Nais kong sabihin sa kanya na ako lang to miss, wag ka magpanic.
Hindi araw-araw na may nakakatabi syang oppa.
Narating ko ang BPI branch pagkatapos ng halos isang oras na bus
ride. Masyadong maaga ang dating ko at mainam yun dahil walang pila. Lingid sa
aking kaalaman, may pila pala, hindi ko lang napansin dahil nagsisiksikan ang
mga tao sa kakapirasong lilim ng building na para bang mga bampirang ayaw
maarawan. “Welcome po sa tropical country na Pilipinas!” gusto kong ibulyaw sa
kanila.
“Brod andun ang pila. Pila tayo ha.”sambit ng mamang mukhang
stress na mula nang ipinanganak sabay turo ng dulo ng pila.
“Sensya na sir” at tumalima ako sa pagpunta sa dulo ng pila. Gosh,
8 am pa lang at ganito na ang pila at 9 am pa magbubukas ang bangko? “This is
unbelievable” ang nasabi ko na lang sa sarili. Wala naman nakarinig so ok lang
mag-English.
Nag-iinit na ang mukha ko. Pwede ko nang pigain yung facemask sa
dami ng pawis tapos iwiwisik ko sa kasunod kong bading na andaming hanash.
“Panu na lang ang mga shampoo commercials na pagmomodelan ko
kung magkakasplit ends ako dito?” complain ni ateng na hindi ako sure kung sa
tao ba yung commercial na tinutukoy nya o sa livestock. Basta, hindi talaga
kumportable pumila lalo na nang marealize ko na labindalawang bayan nga pala
ang pinagsisilbihan ng iilang mga bangko dito at talagang dadagsa sila lalo
pa’t holiday nung nakaraang araw. Hindi rin umuusad ang pila dahil pinaghalo ng
mga henyong sekyu ang pila ng papasok sa bangko at gagamit ng atm. Very
organized. Pero tahimik lang ako, composed, inisip ko na lang na para sa mga
Kadamay to.
Umusad ang pila past 9 am na. Ito yung mga time na magiging
proud ka sa pagiging senior citizen dahil priority ka sa pila. Isa rin sa mga
perks na fronliner ka kase dire-diretso ka lang din sa transaction. Pero sa mga
karaniwang maglulupa na tulad ko, kelangan ko manatili sa pila at isipin na
lang na may talent scout na makakadiscover saken. This time ay hindi na ko
stress sa haba ng pila kungdi sa pagsusuot ng mask. Kase nga panu ako
madidiscover ng talent scout?
Magte-10 am at malapit na ko sa entrance. Pinafill-up ako ng
form na katunayang hindi ako posibleng covid carrier. Buong sigla kong
sinulatan ang form at dahil pabibo ako, nakipagkwentuhan pa ako sa gwardya. Ang
inakala kong smooth lang na kwentuhan ay naging abala pa nang punahin ng
gwardya ang punto o accent ko.
“Ay galing ka po bagang Manila sir. Kailan ka pa po dito?
Patingin daw po ng quarantine cert ninyo kung mayroon?” in a split second
naging detective Conan si manong.
“Ay meron po. Naito baga po o.” nagkumahog akong ipakita ang
quarantine cert at kinausap sya sa puntong hindi ko naman talaga kinalimutan
pero “Kuya, hindi katulad ng ex ko, babalik din ang punto ko, bigyan mo lang
ako ng panahon.” gusto ko sanang sabihin sa kanya.
Nasa ganun kaming tagpo nang pinauna na nilang papasukin ang
becky na kasunod ko. Hindi naman sa pag-aano pero sumingit na lang sya sa pila
e tapos nauna pa sya saken dahil lang TH si kuya guard? Masama rin ang tingin
ng isa pang babae na siningitan ni ateng. “Hayaan mo na ate, di natin sya bati”
napangiti si ate ng bahagya lang. Asawa nya yata kase yung pinabili nya ng
palamig na kasama nya sa pila. Bago pa ako mapa-trouble pumasok na ko sa
bangko.
“Walang kikilos ng masama! Ilagay ang lahat ng pera sa bag!”
gusto ko sanang isigaw nang masayaran ng aircon ang perfectly tanned kong balat
nung nasa loob na ko ng bangko. Nakakainit ng ulo ang hassle na dala nitong lintek
na pandemyang ito. Buti na lang medyo mabilis ang transaction sa loob, kudos
BPI. Pero yun din pala yung time na gusto kong huminto ang oras.
“Hi sir, anu pong sa atin?” tanong ng binibining teller na may
pinakamagandang mata na nakita ko sa araw na yun (mata-mata na lang ang labanan
dahil sa facemask). Para makasiguradong hindi lang puro mata ang dalagang nasa
harapan ko, tiningnan ko ang ID nya at kumpirmadong marikit nga talaga sya.
“E miss gusto ko sanang malaman kung available ka after ng shift
mo. Yayain lang sana kita magpahangin sa Bagasbas.” yun sana ang gusto ko
ibulalas, pero hindi kase kami ganung mga taga-Paracale.
“Sir, ok ka lang po? Patingin na lang po ng transaction slip
nyo.” follow up ng dalagang nasa 25 yata ang edad na nahalatang na-starstruck
ako. Iniabot ko ang slip para iwithdraw lahat ng laman ng account ko. Habang
pineprepare nya ang pera ay naisip ko, anung plano ng mga bangko sa mga
naggagandahang mga teller na to? Balak ba nila magtayo ng pageant agency? Gosh.
Nang maiabot ni binibini ang pera sa akin ay parang ayaw ko pa
umalis. Hindi man matuloy na holdapin ko yung bangko pero at least yung puso
nya na lang sana. Ngunit kelangan ko na umalis, magpipenetensya pa ko sa BDO.
Paalam binibini, hanggang sa muli.
Paglabas ko ng BPI ay dumiretso ako sa Jollibee. Ahh… Jollibee
you never let me down, ang paraiso ng chickenjoy at pambansang CR.
“Masain ka po sir?” tanong ng gwardya ng Jollibee.
“Mabakal lang sana ng sarong hot fudge” sagot ko.
“Ay sige sir pero bago ka maglaog magfill up ka muna ning form”
utos ng gwardya. Form na naman?!!! Medyo kumplikado ang form ng Jollibee. Para
bang kahit wala kang covid ay gusto nilang magkaroon ka. Sa dami ng tanong
parang gusto mo na lang mag “yes”. Anyway, finill-up-an ko ang form at hinulog
sa drop box. Iraraffle daw yun tapos kung sino mabunot ay ipapadala sa
isolation facility. Then dumiretso na ko sa CR na sya naman talagang sadya ko.
At dahil wala ngang hot fudge sa Jollibee, dirediretso na ko sa labas. Btw,
bago mo ko i-judge, gusto ko talagang kumain na nung mga oras na yun, hindi pa
ko nag-aalmusal pero nagmamadali kase talaga ako.
Merong dalawang BDO (o tatlo, di ako sure) sa kabisera na pwede
ko pagpilian. Ang gameplan ay simple lang, piliin ang may kokonting pila. Sa
isang branch na napuntahan ko, sa sobrang haba ng pila, parang gusto mo na
magdala ng kumot at unan pati supply ng pagkain. Sa sobrang haba ng pila, gusto
ko itanong kung magsasara na ba yung bangko bukas. So chineck ko ang isa pang
branch at narealize ko ang plot twist ng kung bakit sobrang haba ng pila sa
unang branch, kase dun ay malilim habang dito sa pangalawa ay gagawin kang
solar panel.
“Ate san ang dulo ng pila?” tanong ko kay ateng nakashades na
parang vocalist sa banda.
“Mag-e-atm ka ba o over the counter?” tanong nya na medyo smart
ang dating.
“Over the counter teh” sagot ko.
“Dito lang ang pila. Sira ang ATM”.
Di ko alam kung naluto na ng araw ang parte ng utak ni ate kung
bakit tinanong pa nya yung sa ATM e sira naman pala. Pero cool lang ako, pila
na lang ako. “Pero bakit tatlo ang pila teh?” curious na tanong ko kay ate.
“Zigzag kase yan. Pero magkakadugtong yan. I-confirm mo na lang
sa gwardya. Basta pumila na lang ako dito” paliwanang ni ate. Ang problema sa
ting mga Pilipino kung ano yung nadatnan nating sistema, ayun na lang ang
ina-adopt natin. Hindi na ko nagconfirm sa gwardya dahil medyo malayo sa
entrance. Isa pang problema nating mga Pilipino, tamad.
Time check, 10: 45 am. Literal na nakabilad kami sa araw na
parang dilis. Parang gusto ko magchange career at magtraining bilang bumbero.
Kaya kong tiisin yung haba ng pila pero parang bibigay ako sa tindi ng sikat ng
araw. Tama nga yung becky na nakasabay ko sa pila ng BPI, ang lakas maka-split
ends. It’s a disgrace na ang dating leading man sa Stairway to Heaven ay heto’t
sinasangag ng buhay. Hindi ito maaari, kelangan meron akong gawin. Ngunit
walang salitang namumutawi sa king bibig, ako’y Pilipinong matiisin. Kakayanin
ko to.
Marami na kaming napagkwentuhan ni ate. Puyat lang daw sya kaya
medyo sabaw yung sagot nya saken kanina. Sabi ko di naman nya kelangan magpaliwanag,
di pa naman kami. Pero di ako makafocus sa mga kwento nya, lagi ako
nadidistract tuwing nag-aalis sya ng mask para uminom ng tubig. Haysss sana
bottled water na lang ako. Perfect teeth at may biloy sa pisngi (di mo alam
yung biloy nu? I-google mo). She has a very charming personality. Mage-11:30 na
nun at nagbeastmode na sya at napagpasyahang kumprontahin ang gwardya. Gusto ko
sya, fierce.
Pinabantayan nya saken ang pila. Babalik din daw sya. Sabi ko
naman “Sige lang te, ako’y maghihintay”. Habang nakikipagdiskusyon si ate kay
kuya guard na aking natatanaw, pinagmasdan ko ang usad ng pila. Sobrang bagal
at bagama’t kalahati lang ito nung sa isang branch, ay ito pala ang paborito ng
mga senior citizens at frontliners. Teka lang, mukang mali ang desisyon ko.
Isang oras na nakakalipas pero isang dipa pa lang ang iniuusad ko. Panay-panay
ang paalam saken ng mga kalapit ko sa pila para bumili ng tubig, snacks, diaper
etc. Ginawa nila akong Guardian of Pila. Pero ok lang, mahalaga bumalik si
ateng perfect teeth.
20 minutes ago na, mukang di na babalik si ate, nakitang kong
pumasok pero di ko napansin lumabas. Ang dami kaseng kwento nung ale na nasa
likuran ko. Ginawa akong Tiya Dely. Wheww…akala ko pa naman babalikan nya ko sa
pila. Heto ako, sinusunog sa ilalim ng araw, nauuhaw at pinaasa.
Lumapit ang gwardya sa pila mga bandang 12:15. Kinumusta ang mga
kalagayan namin na parang pulitiko at humingi ng paumanhin. Pinagfill up na
naman kami ng form. Wow, unli form nang araw na yun. Maingay na rin sa pila.
May mga nag-iiskandalo na dahil sinisingitan sila, mga nagcocomplain dahil sa
kondisyon nila etc. All eyes sa entrance ng bangko dahil everytime na may
pumapasok na hindi pumila ay mistulang asin na ibinubudbod sa sugat, ganun
kasakit na nauna pa sila samantalang kami ay nagpapakahirap sa pila. Tapos from
time to time, dumarating ang mobile ng pulis para paalalahanan kami ng social
distancing. Gusto ko na nga sigawan na hulihin na yung magdyowang
naglalampungan dun sa pila hindi dahil lumalabag sa protocol kung di dahil ang
lakas makapa bitter. Get a room!
Mag-aala una y media at malapit na kami makapasok. Nakilala ko
si Paul na nagtitinda ng isda sa palengke na tinorotot ng asawa kamakailan
lang. Si Tiyang Sita na treasurer sa baranggay na professional na sa pilahan sa
dalas nyang pumila dun at unli din ang bunganga sa kwento. Si Carol at Lyn na
mga kolehiyala na dun na lang din naging friends sa pila dahil pareho silang
hater ni DJ Loonyo at si Mang Oka na hater ng DDS pero di daw sya dilawan.
Naging close na kaming lahat dahil sa tagal ng pila.
Nang makapasok na kami, napansin ko na may lalaking bigla na
lang din pumasok at lumapit sa deposit machine. Di ko napigilan magtanong sa
guard.
“Kuya, pwede pala dumirestso na sa loob pag gagamit ng deposit
machine?”
“Oo. Bihira naman may gumamit nyan. Pag nakita mo available,
pasok ka na agad kase isa lang allowed sa loob para sa machine” buong bibong
paliwanag ni kuya guard.
Parang nagsaklob ang langit at lupa sa narinig ko. Gusto ko
manakit ng gwardya pero ayoko ma-Tulfo so kalmado ko lang din syang kinausap.
“E kuya sana inannounce nyo kanina sa mga nakapila na available
ang deposit machine at pwede na sila dumiretso. Nagmuka akong tanga na pumila
at nagpakahirap para magdeposit tapos eto at maluwag naman pala sa deposit
machine” ang dismayado kong pahayag. “May napansin ka bang babae kanina na
pumasok na naka-red at nakashades?” tanong ko na lang kay kuya guard at
tinutukoy ko si ateng smart na sinabing babalik sya pero hindi naman. “Ah oo
yung palung-palo? Nagdeposit yun dyan sa machine.” nakangiting sagot ng
gwardya.
I felt betrayed. Paano nagawa ni ate na iwan ako sa pila
pagkatapos nya akong pagbantayin. Hinintay ko pa naman sya. Wala na ko pakialam
kung hindi man lang nya ko ininform na pwede na pala ako gumamit ng deposit
machine. Pero sana binalikan man lang nya ako at nagpaalam ng maayos para
nakapagdesisyon ako kung pipila pa ba ako or magpapahangin na lang kami sa
Bagasbas!
Successful kong naideposit ang pera. Almost 2pm na nang makauwi
ako sa bahay. Makakaligo na rin sa wakas. Pagod, haggard, hopeless at naging
disater nga ang araw na ito. Yan ang nararamdaman ko habang pumapatak ang tubig
sa tustado kong balat. Sana maisip ng mga bangko yung convenience ng mga
clients nilang nakiki-cooperate naman at naiintindihan ang kasalukuyang
sitwasyon sa gitna ng pandemya. Lahat ay hindi gustong maglaan ng ganung
katagal na unproductive hours sa pila. Sana ayusin din yung porma ng pila at
hindi yung parang snake and ladder ang sistema. Sana rin consistent yung
komunikasyon ng mga nag-oorganize ng pila para updated ang mga nakapila sa
cause ng delay at kung merong mga exemptions. At sana din yung mga nangakong
babalik ay bumalik. Masakit umasa at maghintay sa wala.