Wednesday, December 5, 2012

Ang Bubuyog

Ang bubuyog, ang insektong palaging abala. Insektong walang gustong gawin kundi magtrabaho at kumayod buong araw. Walang sinasayang na oras at hindi nagliliwaliw para makaipon ng sapat na pagkain para sa kanilang kolonya. Ito ang buhay na gusto kong mangyari ngayon.

Masyadong maraming bagay ang nangyari sakin nitong mga nakaraang araw. Mga bagay na nagbigay sakin ng depresyon na hindi ko naramdaman sa nakaraang halos tatlong taon. Frustration na hindi ko inakalang darating sakin lalo na't magpapasko pa naman. Hindi ko maipaliwanag pero bakit tuwing ganitong season, sumasablay at tuluyang nawawala ang bagay na lubos na nagpapasaya sakin. Bagay na inakala kong magtatagal kahit paano sa kabila ng pagiging kumplikado nito ngunit bibigay at matitibag din pala agad-agad.

Ilang araw na ang nakakalipas nang tuluyan kong tinapos ang ugnayan namin ng taong sobrang naging espesyal sakin. Ang taong hindi ko maikakaila na mahal ko at ang naging siyang laman lang ng puso ko. Ngunit ngayon, pilit ko na syang kinakalimutan dahil sa pangyayaring sadyang hindi karapat dapat at wala akong magagawa kundi ang magpaubaya. Ito ay sa kadahilanang sa una pa lang, ang ugnayan na meron kami ay nakatadhana nang masira. Pareho naming alam yun pero hindi ko alam na sa ganung paraan pala magtatapos ang lahat. Hindi ko alam kung anung naging pagkukulang ko. Alam kong may naging pagkukulang ako pero hindi ko na naramdaman man lang na ganito ang magiging kapalit nun. Hindi ko naman matawag na ako ay pinagtaksilan dahil sa una pa lang, ako ay isa nang "other man". Samakatuwid, ako'y walang karapatan para angkinin sya dahil naging akin man sya, meron pa ring tunay na nagmamay ari sa kanya. Andito nga at kelangan kong mag-give way. Aminado ako na ipinangako ko sa kanya na sa sandaling darating ito, kusa akong aalis. Ngayon ay magagandang ala-ala na lang ang tangi kong kasama at wala na kong alam at hindi ko na pakikialaman ang buhay niya/nila.

Mabigat sa pakiramdam kapag may bagay na nakasanayan mo nang nandiyan na nagpapangiti sayo, nagbibigay sayo ng saya at sa di inaasahang pagkakataon ay mawawala. Pero sabi nga, walang permanente sa mundong ito. Ang lahat ay maaaring magbago at kahit ang mga pangako na kala mo'y matutupad ay maaaring maging kasinungalingan na lang. Napakahirap magtiwala at mas lalong nagpapahirap dito ay ang mga karanasang nagbigay sayo ng hapdi na sa paglipas ng panahon ay halos maging parte na ng sistema mo. Gusto mong makalimot pero hindi mo maisip kung paano. Sa isang iglap pag wala na siya sa tabi mo, magiging para kang estranghero sa mundong nabuo mo kasama sya. Mundong una'y hindi mo matatanggap na pakawalan pero wala kang choice kundi hayaan na lang gumuho dahil anu pa ang saysay nito kung mag-isa ka na lang na mananatili dito. Minsan kapag hindi mo na kaya, pati ikaw at ang reyalidad sa buhay mo ay gusto nang bumigay. Pero kelangan mong maging matapang, kelangan mong tumayo, kelangan mong magkaroon ng bagong pag-asa.

Kaya ngayon, katulad ng isang bubuyog, nakakapagod man, isinusubsob ko ang sarili ko sa trabaho, pag-aaral at sa isa pang trabaho. Kelangan kong maging busy, kelangan kong may pagbalingan ng atensyon. Atensyon at ang pinakamalaking bahagi nito na sana'y sa kanya ko lang ilalaan pero hindi na maaari. Nangungulila man ako sa kanya at inaamin kong hinahanap ko ang bawat minuto na kasama sya, ngayon, pipilitin ko na lang na ituon ang buong atensyon ko sa mga bagay na bagamat hindi kasingsaya kapag kasama ko siya ay tiyak na magbibigay sakin ng personal na satisfaction at magpapaluwag sa nararamdaman ko sa pagpalipas ng panahon.

Nawalan ako ng "matamis na pulot" ngunit alam kong iyon ay hindi sakin. Ganunpaman, nandyan pa rin ang mga bulaklak na naghihintay na galugarin ko upang makagawa ako ng mas matamis na pulot at matatawag kong akin lamang.

Share