Walang alarm clock, bunganga lang ng nanay mo sapat na. Tuwing alas-singko y media ng umaga, kelangan mo bumangon para pumasok sa eskwela. Maswerte ka sa umagang iyon dahil hindi ka ginising ng hanger. Tumulala ka muna ng 10 seconds bago pumunta sa hapag kainan. Sinalubong ka ng umuusok pang isang tasang kape, tuyo, pritong itlog at sinangag. Daglian kang pumwesto sa mesa at nagsimulang kumain. Habang ngumunguya ay pinilit mong alalahanin kung kelan ka huling nakatikim ng gatas o milo sa almusal. Pero nagkibit balikat ka na lang kase sabi ng nanay mo, walang budget para dun kaya nescafe na walang creamer na lang ang inumin nyong magkakapatid. Minsan kapeng bigas pero Ok na rin at least may almusal.
Natapos kang kumain at tumakbo ka na sa sapa para maligo. Hindi ka magliligong uwak ngayon dahil Lunes at nakatulog kang puro putik pa ang paa dahil sa panghuhuli ng gagamba kagabi kasama sina Babalu. Lumangoy ka na parang hito at umahon ka sa tubig na umuusok pa ang katawan. Wala kang idea na sa 2020s, ginagawa lang ito ng mga youtuber para sa views pero sa panahon mo, wala kang choice kundi gawin ito tuwing umaga kahit kulay-ube na ang labi mo sa ginaw. Sana nga sabi mo ipag-init ka naman ng tubig ng nanay mo. Pero nagtitipid kayo ng panggatong at hindi ka naman mahinang nilalang. Napatingin ka sa iba pang mga batang kasabay mo maligo sa sapa. Kaygandang pagmasdan ng mga kulay ng balat nyo na nahiya lang ng konti sa kulay ng pwet ng kawali, kumikintab pa sa itim.
Sa wakas ay handa ka nang pumasok sa paaralan. Heto ang checklist mo:
-Isang bundle na teks na may pamato na nilagyan ng mantika? Check!
-Kadenang lastiko o goma na inipon nyo ng kabakas mong si Junjun? Check!
-Isang supot na holen? Check!
-Tatlong trumpo na gawa sa puno ng bayabas na mahal na mahal ng lola mo? Check!
-Isang posporo ng gagamba na sa loob ay kasama ang pambato mong "lawang number 1" na nakuha mo sa dahon ng sili? Check!
-Makapal pa ba ang rambo mo? Kaya pa ba para sa finishan ng tsinelas? Check!
-Pitong notebook at pitong libro? Check!
Maglalakad na kayo papuntang school. Dumating na ang mga kasabay mong sila Tipoco. Nagsawa ka nang kalaban sya sa teks habang papunta sa school dahil lagi lang naman nauuwi sa suntukan. Hindi kayo magkaaway sa araw na yun kaya pinagkwentuhan nyo na lang ang palabas sa betamax kagabi na pinagbibidahan ni Ace Espinosa. Tumatambling kayo sa kalsada habang dala ang mabibigat na aklat at notebook pero di kayo nag-alala na baka mabali ang balikat nyo sa bigat kundi baka masira ang bag.
Ilang kilometro na lang at malapit na kayo sa school. Napansin nyong hitik sa bunga ang santol ni Nana Leni. Dagliang nyong inakyat at kumuha ng ilang piraso, sapat na para kainin hanggang makarating sa eskwelahan. Subalit naglaway kayo sa malig-ang at hindi nyo napigilang kumuha rin nito. Ilang sandali pa ay puro mantsa na ang inyong mga damit. "Ok lang" sambit mo sa sarili. "Kayang-kaya ng tops at chlorine yan". Ngunit sa pagkakataong ito, makakaya mo kaya ang palo ng nanay mo? Isang palaisipan pero mamaya pa yan malalaman pagdating mo sa bahay. Enjoy now, worry later.
Ang buong tropa ay loaded na ng vitamin C sa katawan dahil sa mga prutas na kinain. Nagtatawanan, nagkukulitan. Ang mga girls ay nagtsitsismisan sa murang edad habang ang mga boys ay busy sa paglagay ng bato sa bag ni Jay-ar. Punumpuno na ng mga gamit sa school tapos kanda-kuba na rin dahil sa dami ng graba sa loob ng bag nya. Later pa nya yun madidiskubre.
Umulan habang umaaraw at lumabas ang bahaghari. Nagdrawing ng malaking araw na nakangit si Onyo sa gitna ng kalsada. Di mo alam kung anung konek pero para daw manaig ang araw at wag nang umulan. Ilang sandali pa at maaraw na ulet. Itinapon nyo na ang mga dahon ng saging at galyang.
Nakarating na kayo sa eskwelahan. Flag ceremony time. Ang itsura ng mga klasmeyt nyo ay naaayon sa oras habang ang sa inyo ay pang-uwian na. May natira ka pang malig-ang at likas kang mapagbigay kaya shinare mo kay Jayson. Mabait din si Jason at shinare nya kay Alvin. Ilang sandali pa, tatlo na kayong dugyot na puro mantsa ang puting damit sa pila habang nanunumpa sa watawat ng Pilipinas. Salamat sayo, hindi na lang iisa ang mapapalo ng nanay sa araw na yun.
Nagsimula na ang klase. Nakagawa ka ng assignment kagabi kaya hindi ka pinalo sa kamay. Pero hindi ka nakaligtas sa sili ng ilista ka ni Jessica na "noisy" sa blackboard. Hindi naman masyado sumama ang loob mo dahil sa daming beses mong pinakain ng sili, parang kendi na lang sayo. Ang hindi mo ma-take ay ang pa-squatin dahil nauubos ang enerhiya mo na sana ay para sa agawan base mamayang recess.
Tang! tang! tang!. Ang pinakahihintay ng lahat, recess! Takbo sa tindahan ni Tsang Conching para kumain ng sopas pagkatapos ay ihahanda ang mga teks para sumagupa sa mga mortal na kalaban. Buo na ang tropa, heto na't sasagupa na pero kelangan muna manggulo sa mga babaeng nagteten-twenty at chinese garter. Makakatanggap ka ng mag-asawang sampal kay Rosalyn pero di ka magagalit, crush mo e.
Ilang sandali pa at umaatikabo na ang labanan sa teks. Parehong teknik, parehong panggugulang. Ang dami mo nang teks , makapangyarihan ka na. Marami ka nang kabakas, marami nang nangangailangan sayo. Isa ka nang mafia boss ngayon. Ngunit natuklasan nilang bukod sa may mantika ang pato mo, meron ka ding isang pato na ginagamit mo pag dehado na. Ang pato na to ay espesyal...pareho kase silang ibabaw...walang likod. Natuklasan ni Tipoco ang iyong lihim at muli na naman kayong nagkagalit. Nakita kayo ng Grade 4 na si Ayan at hindi nya pwedeng palagpasin ang pagkakataong makapanuod ng Pacquiao vs. Marquez.
Ayan: Hawakan mo nga sa kamay...Hawakan mo nga sa tenga...Hawakan mo nga sa pisot...
Tang! tang! tang! natapos na ang recess. Balik na naman sa silid-aralan. Nawalan ng gana si Ayan dahil hindi natuloy ang suntukan habang sa kabilang banda ay puno ng pagbabanta mula sa kampo ni Tipoco. Saan kaya hahantong ang tapatan na ito? May trilogy kaya? Abangan sa lunch break.
Maganda naman ang naging performance mo sa classroom at hindi ka nadistract sa amoy nyong magkakaklase. Sanay na rin ang teacher nyo pati sa itsura nyong parang mga gremlins na nakipag breed sa "Anak ni Janice". Ganun kayo kadugyot.
Muling tumunog ang bell at lunch break na. Wala kayong imikan ni Tipoco hindi dahil bati na kayo, kundi dahil pareho kayong walang lakas ng pa-squatin ni Maam dahil sa ingay ng bantaan nyo. Kapwa na rin kayong gutom at tanging pagkain ang naglalaro sa isip nyo. Ceasefire.
Sa dating venue, sa puno ng katmon ang paborito nyong lugar upang mananghalian. Inilabas na ang mga baong kanin at ulam. Hindi kelangang maganda ang lunch box, hindi ito pagandahan. Kalidad ng pagkain ang pinag-uusapan dito. Si Marcelo nga na dahon lang ng saging ang lalagyan ng pananghalian ay hindi tinutukso. Lahat kayo ay nakapaligid sa kanya dahil sa ulam nyang bayawak na adobo sa gata. Inofferan mo sya ng pritong hito at noodles na malamig na agad nyang tinanggap kapalit ng kapirasong adobong bayawak. Nakita kayo ni Tipoco at agad nag-offer ng ulam nyang kinunot na pagi kay Marcelo kapalit ng bayawak. Naglaway ka sa ulam ni Tipoco kaya nag-offer ka rin ng hito kapalit ng kanyang kinunot. Ilang sandali pa, pinag-uusapan nyo na naman ang pelikula ni Ace Espinosa nung nakaraang gabi. Ang bilis nyong makalimot sa hidwaan. Salamat sa adobong bayawak ni Marcelo.
Tapos na ang pananghalian at tumatakbo na si Eumito sa agawan base na walang pakialam sa apendisaytis. Nag-stretching ka muna gamit ang tali ng trumpo habang naghahanap ng kalaban. Nakita mo si Tipoco na kaumpukan ng iba pang kaklase mo. Mangyari ay naglalaro sila ng trumpo pero ayaw ka nilang pasalihin. Masyadong delikado ang trumpong bayabas mo na ilang trumpo na ang sinira. Medyo may kirot sa puso mo dahil sinakripisyo mo ang unli supply ng bayabas para lang sa trumpo mo plus ikaw na rin ang paboritong paluin ng lola mo sa inyong magpipinsan. Ganunpaman, hindi ka nawalan ng pag-asa. Nakita mo sa di kalayuan sina Richard na naglalaro ng finishan ng tsinelas. Sumali ka pero umayaw ka din dahil ilang beses kang natalo at masakit na ang kamay mo sa palo ng tsinelas nila. Naisipan mong magteks pero kumalat na ang balita na scammer ka sa teks kaya ayaw ka na nila kalaro. Mabuti na lang at naalala mo ang "lawang number 1" na nasa bahay na posporo at kelangan na rin nitong mananghalian.
Sumugod ka sa mga nagsasabong ng gagamba upang pakainin ang iyong alaga. Ganun ka kakumpyansa na mananalo ka. Hawak na ni George ang tingting at lahat ng tambay sa silong ng bahay nila Joan na malapit sa school ay nakafocus sa laban ng gagamba nyo. Ngunit ilang saglit ay natigilan ang lahat. Oh no! nahuli ng kalaban si Pipoy! Inihinto nyo muna ang sabong para tapusin ang episode ng Kapitan Pinoy sa araw na yun.
"Red, white and blue! Stars over you! Nanay said, Tatay said I love you! Kapitan Pinoy!"
Sabay sabay nyo pang binigkas ang mga katagang yan nang makawala si Pipoy at makatakbo sa sagingan para magtransform sa pagiging Kapitan Pinoy. Tutok na tutok kayo sa programa at nasambit mo na lang sa sarili "sana hindi lang ito sa radyo".
Natapos ang programa at walang gusto makinig kay Tiya Dely. Ilang salpukan lang ang itinagal at nakita mo kung paano balutin ng sapot ng kalaban ang gagamba mong si #1. Wala ka nang nagawa kundi gunitain na lang ang masasayang ala-ala nyo ni #1. Pero ganun kase talaga. Sa laban ng gagamba, may nananalo, may natatalo. Move on.
Masama ang loob mong iniwan sina George na maligayang maligaya sa tanghalian ng gagamba nya. Nakita mo si Junjun sa di kalayuan na nakikibaka para sa kaban ng lastiko nyo. Wala kang gana maglaro ng goma dahil namatayan ka ng paborito mong gagamba kaya tamang cheer ka na lang sa kaibigan.
Natapos ang lunchbreak at muli na naman kayong nasa silid aralan. Mas matindi na sa pagkakataong ito dahil nanununtok na ang mga amoy nyo. Si Ernestong may kwintas na libag, si Jayson na may dugo sa damit, si Richard na wasak ang short, si Sharon na nanigas na ang buhok sa pisngi dahil dumikit sa sipon at marami pang iba. Oh napakasaya ng tagpong iyon lalo na nang makakuha ka ng 100% sa short quiz sa Sibika at Kultura.
Dumating na ang pinaka-aasam ng lahat, ritera na, uwian na. Sa araw na ito ay hindi kayo maglalakad pauwi dahil pasasakayin kayo ni Digoy sa bus nya. Mukhang palagi na kayong makakasakay sa bus pauwi simula nung ilang beses nyong pakuin ang gulong ng kawawang sasakyan.
Palihim mong binuksan ang tsitseryang "Basta Pinoy" na binili mo sa Tindahan ni Nana Saling. Iniiwasan mong may makakita sayo pero nadistract ka sa laman ng bag ni Jay-ar. Puno na naman ito ng bato at nagsimula ka ng magduda kung may nangbully na naman ba sa kanya o sadyang nangongolekta talaga sya ng graba. Napansin ka ni Benhur na agad nanghingi sayo. Binigyan mo naman dahil tropa pero sinigurado mong hindi yung laruang sundalo ang makukuha nya sa loob ng tsitserya. Napatingin sayo si Mayong na noo'y kumakain ng gumihan. Sinubukan mong alukin ng "Basta Pinoy" sa pag-asang sana ay mabahaginan ka ng buto ng gumihan pero muntik na nyang ipalo sa ulo mo yung prutas na hawak nya. Mas malaki sya sayo at madami sila, di mo sya kaya, nastress ka. Malayo ang kinauupuan ni Tipoco, wala kang mapagbabawian kaya nanahimik ka na lang hanggang makarating sa bahay nyo.
Dumaan ka sa kusina ng bahay para di makita ng nanay mo kung panu naging brown-violet yung dating puti mong damit. Nagtagumpay ka at nakapagpalit ng damit. Pero alam mo sa sarili mong nadelay lang ang paluan. Malalaman pa rin nya yun.
Ikaw na lang ang iniintay sa basketball court. Ang buong tropa ay nandun na pati mga babae na naglalaro ng bakya, chinese garter at tsismis-tsismisan.
Nene 1: Di kita bati.
Nene 2: Di rin kita bati!
Joven: Bati nyo ko?
Sariwa pa sa ala-ala nila ang pang-iiscam na ginawa mo sa teks kaya walang gustong makipaglaro sayo. Buti na lang may naglalaro ng saparilya o tansan na pinapaikot sa tali. Daglian kang sumali pero nabored ka kagad. Walang thrill ang magputulan lang ng tali. Kelangan mo ng mas maaksyon. Sa di kalayuan ay naglalaro ng tumbang preso sina Mark. Kaagad kang sumali at hindi sila nagprotesta. Makailang ulit kang naging bayani nang mapatumba mo ang lata nung ikaw ang huling tumira. Mangyari ay tsinelas kase tatay mo ang ginagamit mo na mas malaki at mas malapad. Teknik na hindi alam ng mga kalaro mong tyupol. Naging boring ang laro dahil kahit bantay-suka ay hindi ka kayang hulihin. Level 999 ang skill mo sa tumbang preso.
Bang! bang! Hindi ito tunog ng baril, tunog ito ng bunganga ni Ronnie na seryosong nakikipagbarilan kay Ruel. Hindi sila makamove on sa pagka-idolo kay Ronnie Rickets na kailangan nilang magbarilan gamit ang sanga ng ipil-ipil o kung anuman na hugis baril. Boring na ang tumbang preso kayat sumali ka din sa kanila. Sa barilan na to, walang kahit sinong kailangang masaktan. Basta magaling ka lang magtago at umakting kung sakaling matamaan ka ng inbisibol na bala, pasok ka sa larong ito.
"Sumuko ka na Ronnie!"
"Hindi ako susuko Ruel! Magkakamatayan muna tayo!"
Sabay silang lalabas mula sa mga puno na pinagtataguan habang hawak ang kalibre 45 na ipil-ipil sa parehong kamay. Pareho silang tatamaan ng bala at mangingisay ng mga isandaang beses bago tuluyang babagsak. Pero buhay pa pala ang isa at babangon upang iputok ang huling bala sa ulo ng isa pa. Malaking misteryo para sayo kung panu naging masaya ang laro na ito pero wala ka nang pakialam, basta masaya sya.
Nasa ganun kang pagmumuni muni ng biglang lumitaw si Babalu sa harapan mo. Naglitanya muna sya na parang si Romy Diaz ngunit ng akmang puputok na, nawalan sya ng bala. Alam mong senyales ito na eksenang suntukan naman ang gusto nyong maging ending ng sa inyo at kelangan mong ipaghiganti si Ronnie na nakahandusay at akting na akting. "Klik! klik!" Wala ka na ring bala. Isa lang ang ibig sabihin, martial arts time. Lumilipad ang mga sipa nyo. Sunod sunod ang mga suntok! Ngunit kelangan nyong mag-usap kung panu tatapusin ang kahibangang yun lalo na't lumulubog na ang araw kaya't pagdedesisyunan nyo kung sino ang mananalo. At dun na matatapos ang laro.
Natapos ang moro-morong barilan at makikita mong si Juvy ang taya sa tagu-taguan. Sumali ka din dahil...bakit naman hindi? Masaya ang naging takbo ng laro pero kumakagat na ang dilim. Bumalik na si Ronnie sa basketball court matapos utusan bumili ng paminta ng nanay nya. Sumali din sya at sya ang naging taya.
"Makabilang akong tatlo nakatago na kayo! Isa! Dalawa! Tatlo!"
Ngunit wala syang na-pung o nahanap. Nagsiuwian na kayong lahat sa kanya kanyang bahay. May pag-uusapan na naman kayo kinabukasan habang naglalakad papunta sa eskwelahan.
Ilang dekada na ang nakakalipas at ngayo'y matanda ka na. Alam mo sa sarili mo na walang kasingsaya ang naging kabataan mo at hindi mo ito ipagpapalit sa trip ng mga kabataan ngayon. Gintong kumikinang na walang katumbas na halaga ang alaala ng batang 90's.