credit to Barcenas Francis
Isa nang kaligayahan na maituturing para sa isang guro ang igalang, ang irespeto ng kanyang estudyante. Pero ayon sa larawan na ito, mahalagang isipin ng makakakita kung ito ba ay sa pagitan ng isang college student o highschool o SHS at ng kanyang guro.
Kung ito'y asal ng isang non-college student, masasabi kong hindi ito tama. Sa hayskul or SHS, mahalagang ipamulat sa kanila ang paggalang sa kanilang guro. Hindi dahil importante ang gumalang kungdi importanteng matutunan at ipraktis mo ang paggalang.
Sadyang may mga tao na hindi biniyayaan ng natural na kakayanan na rumespeto. Sadyang bastos sila na kelangan pa nila pag-aralan sa school ang tamang pag-uugali. Kung kaya naman, ang mga natural na bastos na mag-aaral ay marapat na i-take advantage ang pagkatuto na gumalang sapagkat ito'y mapapakinabangan din nila sa mga susunod na yugto ng buhay nila.
Meron din namang estudyante na natural na magalang, sobrang effortless nila sa pagrespeto. Hindi nila kailangang turuan kung paano rumespeto dahil natural ito sa kanilang pagkatao. Ngunit saang yugto nga ba nagkakatalo ang mga magalang at ang mga hindi?
Sa college. Ang punto ng buhay mo na dapat ay alam mo na kung paano gumalang at kung kelan mo babawasan ang stress mo sa pamamagitan ng "pagkawala ng galang". Mangyari ay hindi lang paggamit ng po at opo ang porma ng paggalang sa pinakamataas na antas ng edukasyon. Ang paggalang sa yugtong ito ng edukasyon mo ay mas masusukat sa tamang asal mo sa pagsunod at paggawa ng mga requirements na ibinigay sayo ng iyong instructor o propesor. Ang sukatan ng respeto sa higher education ay ang kakayanan mong iprisinta sa mukha ng propesor mo ang pinagpuyatan at pinagpaguran mong asignatura. Ang paggalang sa kanila ay masusukat kung paano ka umasal sa harapan nila habang under pressure. Ang paggalang sa kanila ay hindi masusukat kung paano mo sila kausapin kungdi kung ano ang sense ng pinagsasabi mo.
Sure may mga guro talaga sa college na masasabing kupal in all sense. Yung mga tipong feeling diyos na huhusgahan ka kung panu mo sya kausapin. Yung mga tipong hindi ka pwede magpaliwanag sa kanya. Ngunit as long as hindi mo sya minumura, hindi mo sya pinepersonal, as long as may sustansya ang paliwanag mo at nananatili ka sa edukadong katwiran, hindi ka dapat maging sensitibo sa nararamdaman nya dahil sa totoo lang, siya ang mas nakakaunawa at dapat mag-adjust sayo bilang estudyante nya. Ito yung point na pwede ka nang kumawala sa tradisyunal na nakamulatan mong paggalang. Ito na yung simula na nag-iipon ka na ng panibagong rekado sa karakter mo, ang pagiging matapang at palaban.
Not to the sense na aktibista type ka kaagad but to the sense na sa bawat challenge na nalalampasan mo sa higher education ay nagiging matibay ka ng ilang porsyento hanggang maging kumpleto patungo sa totoong laban ng buhay pagkagraduate mo. Hindi mo kailangang mag-asal anghel sa harap ng propesor dahil pakiramdam mo obligado ka. Ipakita mo sa kanya kung anong totoong kulay mo as long as relevant sa subject matter ang inaasal mo.
Maraming porma ang paggalang pero wag mong papayagan na mag-convert ito sa takot at panghihina ng loob. Ang buhay after college ay puno ng deception at kailangan alam mo kung ang paggalang ay nasa iyong advantage o wala.