"Ang comedy natin, puro slapstick. Ang horror natin puro visual. I’m sensing a pattern here… Nabuo ang paniniwala ng mga producer na ang average IQ ng mga manunuod ay pang-grade four lang." ~ Bob Ong
Ang quote sa taas ay mula sa kaprangkahan ni Bob Ong na walang duda na totoo naman talaga. At hindi lang yan patungkol sa entertainment like movies kundi pati na rin sa mga ine-ere sa TV. 21st century na tayo at habang tuloy tuloy na ang asenso ng sining ng mga kalapit na bansa, tayo ay nananatili pa ring mga fanatics.
Ang media, puro profiteering lang ang iniisip. Anything na hindi ikakataas ng rating nila, hindi nila ie-ere. Kahit ang tinutukoy dito ay mga bagay na educational, informative at kapupulutan ng aral ng mga manunuod. Hindi ko tuloy alam kung ano ang kulang. Ang advocacy ba ng mga media company na sa ngayon ay nakafocus sa malayang pamamahayag (na puro naman mainstream at demagoguery ang ipinapahayag) o ang media companies mismo na obviously ay pagmamay ari at kontrolado ng iilan lang simula nung unang panahon pa. Pansinin nyo, naisisingit pa nila ang pag-aangas sa mataas na rating nila during the news program. Ang mga viewers naman na sinabi ni Bob Ong na pang grade four lang ang IQ, ay hindi affected kahit harap harapan na ipinapamukha sa kanila kung paano sila nagagamit sa kumpetisyon ng mga businessman na dapat ay nagbibigay benepisyo din sa publiko sa pamamagitan ng tunay na public service. Nabanggit ang public service at hindi ko sinasabing wala sila nun pero sana naman, huwag laging business motivated ang tema ng mga idinideliver nila sa mga viewers.
Kaya tuloy ang nangyayari, nahahati ang function ng media at entertainment sa bansa natin. Una, tagabigay ng libangan at impormasyon sa mga kaganapan sa bansa (na hindi naman palaging transparent). Pangalawa, taga-distract ng reyalidad sa isip lalo na ng mga kabataang Pinoy. Yung pangalawang nabanggit ang sana ay mas bigyan ng atensyon. Kelan lang, sinimulan ang K to 12. Ito daw ay para tulungang umangat ang kalidad ng edukasyon sa bansa. Pero sa nakikkita ko, kailangan din ng malaking partisipasyon ng media dito. Knowing na hindi naman nakakahiligan ng batang Pinoy ang manuod o magbasa ng mga balita (dahil halos gawin na nilang relihiyon ang Facebook at DOTA), dapat tulungan natin sila makialam sa mga kaganapan sa bansa nila. Sa paanong paraan? Magproduce ng mga programa na hindi lang puro pantasya at walang kwentang kwento ng mga kalandian. Sasabihin nila, "ginagawa namin yun". Alin? Asan? Yang mga walang kwentang retelling at revival ng mga kwentong dati pang nandyan? Wala bang bago? Ilang milyong beses nyong gagawan ng pelikula at telenovela ang buhay ni Rizal? Wala akong remorse o anupaman sa mga artista pero instead na ulit-ulitin ang buhay ni Rizal na isang henyo, bakit hindi tayo mag-encourage o gumawa ng mga henyo, less traditional, innovative at fresh na mga writers para gumawa ng mga brilliant at tunay na creative at educational na mga kwento? Ang tanong, may encouragement ba? May suporta ba? Wala! Kaya ang mga bagong putahe sa Pinoy entertainment na magbibigay ng ibang flavor sa nakagawian ay nasa Quiapo, sa tindahan ng mga pirated at nilalangaw. Kokonti lang ang interesado at may access sa kanila dahil como revolutionary, walang malalaking media companies na nagrerisk para ibuild up ang mga masterpiece na ito.
Sabi nga, ang edukasyon ay hindi lamang natatagpuan sa apat na sulok ng paaralan. Tama! Natatagpuan din ito sa ibang paraan tulad ng media, internet at syempre sa aktwal na karanasan. Hindi naman ganun kaworst ang media system natin pero di ba mas maganda kung ang mga natututunan ng mga kabataan natin sa eskwelahan ay naeextend nila paglabas sa paaralan through provocative TV programs? Bakit TV program at bakit responsable dito ang mga local channels? Dahil karamihan sa mga estudyante ay walang mga cable tv sa bahay at umaasa sa impormasyong ibibgay ng free tv. Eto ang isang senaryo bago ko ituloy ang iba ko pang sasabihin:
Junior Highschool Class:
Teacher: Juan, what do you want to be someday?
Juan: I wanna be an engineer.
Teacher: Nice. Why engineer?
Juan: Coz an engineer is a professional practitioner of engineering, concerned with applying scientific knowledge, mathematics, and ingenuity to develop solutions for technical, societal and commercial problems. This way I can help the society.
Teacher: (kahit alam na memorized lang yung isinagot sa kanya at kahit alam nya kung panu tulungan pa ang bata na i-expound ang sagot, tinanggap agad ang sagot dahil bakit pa ba naman nya pag-eeffortan i-build up ang comprehension ng bata e kakarampot lang naman ang sahod nya and besides pumalakpak naman ang buong klase). Very good Juan!
Juan's Residence:
Tatay: Nak alam mo na ba gusto mo kunin sa college?
Juan: Engineering tay.
Tatay: Bakit?
Juan: (tinry ilagay sa simple words ang isinagot sa teacher pero to no avail, naisip nya na di rin nya naintindihan ang sinabi nya kanina) In demand po kase Tay.
Tatay: Very good anak. Naiisip mo na agad yang bagay na yan. Tara manuod tayo ng TV.
(Palabas sa TV: Kwento ng buhay ng isang engineer.)
Tatay: Anak, ganyan ang engineer. Ang laki ng kinikita nyan.
(Eksena: Dahil malaki ang sweldo ng engineer, puro pambababae ang ginawa, niloko ang asawa, pero nagsisi at muling binuo ang pamilya.The end)
Juan: Tay, ano ba talagang ginagawa ng...halimbawa ng chemical engineer?
Tay: Di ko alam anak. Pero ang ganda nung kwento sa TV di ba? Nakakatouch.
Juan: Tay, punta lang ako comp shop. Gagawa ako assignment (magdodota).
Example lang ang dialogue na yan at marami pang iba't ibang eksena na makikita sa school at komunidad ng Pinoy na katulad nyan. Kailan kaya matutunan ng mga writers natin na i-incorporate sa mga istorya ang realistic na function ng mga bagay bagay in a sense na maibibigay nila ang kadramahan o komedya ng isang programa at the same time ay itinuturo nila ang technical na pakahulugan ng mga simpleng bagay sa paligid natin? Hindi fiction ang sinasabi ko dito at naachieve na yan ng ibang bansa tulad ng South Korea sa entertainment industry nila. Paano mo imomotivate ang bata na maging functional na parte ng society kung ang education para sa kanya ay next to fiction at ang reyalidad at tunay na nagbibigay satisfaction sa abilidad nyang mag-isip ay ang virtual world ng computer at internet?
Sa panahon ngayon na nagrerely ang mga tao sa visual na medium ng education at hindi pagbabasa (reading? fuck! sabi nung kapitbahay kong college student), ang laki ng impact ng media sa development ng pag-iisip lalo na ng mga kabataan. Maswerte ang iilan na may means na makakuha ng quality at modern education and sorry sa majority na hindi yun kayang maavail. So sana, ang mga bagay na pinaka accessible sa common o average na Pinoy (na obviously kontrolado ng mga rational mag-isip na mayayaman sa lipunan) ay nagbibigay din ng edukasyon na magbubukas sa isipan ng marami para maging curious, maging aware at maging matalino. Pero mukhang malayo pa ito mangyari at hayaan nyong putulin ko na sa puntong ito ang isinusulat ko dahil nagsimula nang pumasok sa utak ko ang GOBYERNO at PULITIKA. Lalo itong hahaba at baka hindi mo na basahin.