Friday, November 21, 2014

Paano kung nagmula ang Tao sa mga ASO at hindi sa mga UNGGOY?

Sabi sa evolution theory, nagmula ang tao sa apes o mga unggoy. Kilala ang mga unggoy na handang makipagpatayan lalo na kung feeling nila ay tinethreat ng hindi nila kagrupo ang kapakanan ng grupo nila. Fix ang konsepto nilang ito at walang room sa negotiation o communication. Kung sino ang dominante at malakas ay magwawagi. Isa lamang ito sa mga characteristic nila na namana ng mga tao kaya tingnan mo naman magpahanggang ngayon, may hindi pa rin pagkakaintindihan at nagkakagulo pa rin ang mga bansa.

Paano kung sa mga aso naman tayo nagmula o nag evolve? May advantages at disadvantages yan. Basahin ang sumusunod:

Advantages:

1. Mas loyal- Pagdating sa mga kaibigan, magiging sobrang loyal tayo. Hindi natin sila iiwan at kung tayo ang iwan nila sa kung anumang dahilan, maghihintay pa rin tayo at hindi magbabago ang turing natin sa kanila tulad ni Hachiko. Siguro magiging loyal din tayo sa mga partners natin at hindi na magkakaroon ng mga show na tulad ng "My Husband's Lover" at "The Other Woman". Hindi na rin magkakaroon ng show si Jerry Springer at wala nang gagayahin ang "Face to Face". Pati ang mga pulitiko natin ay maglilingkod ng tapat sa bayan at magiging boring ang buhay ng mga bantay sa kulungan nila Bong Revilla at Jinggoy dahil hindi naman sila nangurakot para makulong. 

2. Mas maituturing na bestfriend- Imagine kung lahat ng tao ay bestfriends. Nauna nang nabanggit na loyal at siguradong hindi mangbe-betray o mangbaback-stub. Hindi na mangyayari na ipagkanulo ni Singson si Erap na dahilan para hindi na maupo sa pwesto si GMA na dahilan para hindi mangurap ng bilyon si Mike Arroyo. Hindi na rin kekwustiyonin kung sinong nagpapatay kay Ninoy dahil hindi naman sya papatayin at mananatili ang pagkakaibigan nila ni Makoy. Higit sa lahat, hindi na rin mag-aaway si Heart at Marian at pareho silang makakasal sa mga partners nila nang matiwasay.

3. Mas matapang at palaban- Magiging mas matapang tayo at hindi maduduwag sa pagsisiwalat ng mga katotohanan. Hindi masusushulan ang media at sasabihin ang talagang nangyayari para sa kapakanan ng taumbayan. Hindi siguro umabot ng 300 years ang naging pananakop sa atin ng mga Kastila dahil handa ang mga pangil natin na sagpangin ang sinumang kumanti sa ating kalayaan. Magkakaroon na rin ng lakas ng loob na magreklamo at magprotesta ang mga tunay na naaagrabyado tulad ng mga karaniwang manggagawa at hindi ang mga nabayaran lang ng pulitiko ang makikitang nagrarally sa EDSA. Siguro ay hindi na uulit-uliting ipalabas ang buhay ni Rizal dahil lahat ay bayani.

4. Mas masunurin- Siguro, magiging masunurin ang mga tao sa kanilang lider katulad ng pagiging masunurin ng aso sa kanyang amo. Pero dapat ay may skills din ang isang lider kung paano pasusunurin ang kanyang nasasakupan para mangyari yun. At worth it naman dahil una nang nabanggit ang loyalty na magiging prize nya kung sakaling mapasunod nya ang taumbayan sa mga magagandang bagay na gusto nyang mangyari na pabor sa nakararami at hindi para sa sarili lamang. Siguro, ay magiging masunurin si Billy Crawford sa gustong mangyari ni Nikki Gil na dahilan para mas magsama pa sila ng matagal at hindi siguro magugulpi o maco-Condo punch si Vhong Navaro kung sumunod sya sa payo ng nanay nya. Hindi na rin siguro uulitin ni Jinggoy ang nangyari sa erpat nya kung nakinig at sumunod lang sya sa payo ng ngayo'y Mayor ng Maynila. Hindi na siguro naging asawa ni Kris si James kung sumunod si Kris sa konsensya nya at hindi na sana tinawag na albularyo si Daniel Padilla kung sinunod nya ang tunay na fashion nung 80's. Kung sinunod ni Chief Justice Corona ang utos ng tungkulin nya, hindi na sana sya maiimpeach. Higit sa lahat, hindi na sana naiiskandalo si Binay kung sinunod nya ang sarili nyang pangaral tungkol sa good governance.

5. Mas mapagmahal at mapagmalasakit- Siguro iisipin din natin yung kapakanan ng iba at hindi lang puro sarili natin. Malamang hindi sila masisilaw sa kinang ng pera kapalit ng pagkakalam ng sikmura ng nakararami. Malamang ay hindi nakakulong at di dinugo si Napoles kung may malasakit sya sa kapwa. Siguro hindi nangyari ang Maguindanao massacre. Siguro walang rice hoarders at wala ring mga ganid at sakim na malalaking kumpanya ng produktong petrolyo na walang puso sa pang-aabuso ng presyo ng langis at lpg. Siguro walang mga walanghiyang taxi driver na grabe tumaga ng pasahe sa pasahero na para bang sila lang ang naghahanap buhay (kasama na ang mga jeepney drivers na nagpapanggap na may alzheimers at nakalimutan ibigay ang sukli). Mas iisipin ni Imelda na bigyan ng kabuhayan ang mga sapatero (na kayod kabayo pero maliit lang ang kita) kesa maging number one shoe collector sa mundo. Mas iisipin ni Binay ang kaawa-awang kalagayan ng mga sinalanta ng Yolanda kesa pamumulitika sa pamamagitan ng paggamit sa kalamidad bilang campaign material. Hindi siguro magiging hobby ni Palparan na pumatay ng tao at papayuhan nya si Lacson na wag ring gawin yun. Hindi na rin ipapatupad ng Mandaluyong City ang weird na anti-riding in tandem policy nila na nagpapahirap sa mga bromance natin dyan na gusto lang naman magmotor nang magka-angkas...with feelings. Siguro wala ng dancing inmates ng Cebu dahil kung bawat isa nagmamahalan, wala nang krimen at wala nang makukulong. Higit sa lahat, siguro wala nang katulad ni Jennifer Laude na katulad ng mga straight, tao rin at deserving tratuhin at mahalin bilang tao ang tulad nyang kasapi ng LGBT.

Disadvantages:

1. Hindi ganun katalino- Compare sa mga unggoy, mas higher IQ nila sa mga aso kaya maaaring hindi maging ganun katalino ang mga tao. Hindi o sobrang tagal bago maimbento ang internet at facebook. Mas matagal pa maiimbento ang iphone at android phones. Hindi ganun kaorganize ang komunidad at gobyerno at lalong hindi maka-calculate ng maayos ang tunay na presyo ng City Hall ng Makati. Baka hindi rin lumabas ang Math genius na bata na magaling sa square root kasama ng hindi paglabas ni Ernie Baron at Kuya Kim. Pero aanhin mo ang sobrang talino? Kung sapat naman ang kapasidad ng tao para matuto sa buhay, bakit kakailanganin mo pa ang labis na talino? Sana kung hindi sobrang talino ng tao, wala rin si Hitler, Stalin, Lenin, Mao Tse tung at Pol Pot (si Marcos pa pala). Sana hindi nangyari ang madugong Pearl Harbor at D-day pati ang Bataan Death March. At kung hindi sobrang talino ng tao, sana hindi naisip ni Einstein ang nuclear na nagpahirap sa Nagasaki at Chernobyl at tahimik rin sana ang buhay ni Tesla. Higit sa lahat, sana hindi naimbento ni Zuckerberg ang facebook na hindi ko magugustuhan mangyari pati na rin ng mga kabataang walang laman ang utak kundi status update ng mga crush at kalandian nila.

2. Dugyot- Hindi ako sure kung anung specie ng ape ang pinanggalingan ng Pinoy pero kung sa aso tayo nanggaling, siguro mas dugyot ang Metro Manila katulad ng sinabi ni Lady Gaga. Pero aanhin mo ang kalinisan ng paligid kung ang budhi ng mga tao ay inuuod dahil sa kasalanan? Siguro hindi ganun kalawak ang konsepto ng tao sa kalinisan at sanidad pero kung paano nabuhay ng matagal si Methuselah kahit walang safeguard, tide at joy na antibacterial pati na rin ng mga kung anu anong gamot, siguro kaya rin yun ng mga modernong tao. Aanhin mo ang kalinisan kung pati ang natural resources ay unti-unting nalilinis dahil sa pagiging OCD ng mga tao na kung anu-anung kemikal ang natutuklasan na syang dahilan para magdalawang isip ang Pasig Fery potential passengers na bumyahe sa Ilog Pasig? At tsaka magkakaroon pa rin ng ebola at lalabas pa rin ang makulit na tulad ni acting Health Secretary Janette Garin kahit gaano kalinis ng kapaligiran.

3. Population problem- Siguro, hindi kikita nang malaki ang mga motel kase kahit saan ay pwede na. Pwede sa sleeping quarters ng call center, pwede sa loob ng urinal ng MMDA, pwede sa may tindahan ni Aling Puring habang sumisipsip ng malamig na coke, ewwwww... (at ihihinto ko na ang examples sa part na to). Dahil nga dito, mas lalaki ang populasyon. Hindi na magiging endorser ng Trust si Robin Padilla dahil hindi na rin iimbentuhin ang trust. Hindi na magiging aging population ang Japan pero sila ang magiging porn capital ng mundo. Magdidiwang ang simbahang Katoliko pangalawa ang Iglesia ni Cristo dahil madaming miyembro at makapagpapatayo na naman ang huli ng superdome sa bandang SLEX naman this time. Mas madalas makakasabay maglunch ng Pope ang mga Pinoy dahil sa Pinas magkakaron ng pinakamalaking populasyon ng Katoliko sa buong mundo. Eventually, marerealize ni Nene Pimentel na kailangan na ang two child policy pero mamumroblema sya dahil common ang manganak ng quintuplets. Buti na lang, kokontrahin ng susunod na number ang sinasabi ko dito tungkol sa relihiyon.

4. Maaaring wala nang relihiyon at labis na pulitika- Aanhin pa ang relihiyon kung ang bawat isa ay naniniwala sa kapwa nya na katulad nya ay specie na may karapatang mabuhay sa mundo nang matiwasay at mapayapa? Maaaring hindi mabuo ang konsepto ng deity at pagiging banal dahil kampante ang bawat isa sa mundong ginagalawan nila. Mas mangingibabaw ang humanism at pilosopiya na ang ayaw mong gawin sayo, wag mong gawin sa kapwa mo. Kung pagmamasdan mo ang mga aso, sapat na sa kanila ang loyalty at pagmamahal sa amo nila para masatisfy sila sa buhay. Hahanapin mo pa ba ang paraiso kung nandito na yun sa lupa na ginagalawan mo habang nabubuhay ka? Although alam nang lahat na mahalagang parte ng kasaysayan at sibilisasyon ang relihiyon bilang syang naghubog sa mundong meron tayo ngayon, pero hindi natin to naachieve kung hindi sa pamamagitan ng karahasan at pagdanak ng dugo. Hindi rin maidedeny na nabuo ang gobyerno particulary ang demokrasya na ineenjoy natin ngayon (naeenjoy nga ba?) kung hindi dahil sa relihiyon. At aminin natin o hindi at mapapatunayan yan ng mga lolo kong sina Genghis Khan at Alexander the Great na pulitika ang naging susi para lumawig ang kultura na shine-share natin ngayon. Sa kabilang banda, para saan pa ang mga pulitiko kung nagtitiwala at loyalista ang bawat isa sa kapwa nya? Hindi man natin maachieve ang sibilisayon sa kasalukuyan, at least naging maka-aso este makatao tayo sa isa't isa at hindi natin kinailangan i-supress at icompromise ang buhay ng marami para sa isang ideolohiya.

Kung nangyari na sa aso nga tayo nagmula, mas maeenjoy natin ang mundo. Simple ang kaligayahan ng bawat isa, simple ang mundong ginagalawan ngunit yun nga lang, maagang mag-e-extinct ang mga pusa.

Pahabol: Hindi Star Spangled Banner ang magiging national anthem ng USA kundi Teach Me How to Dougie pag nagkataon. 

:D :D :D

Share