Tuesday, August 23, 2011
Ano ba talaga ang totoong gusto ng babae?
Yosi time. Stressful na araw para sa isang college student na nagsstruggle para sa mga final exams kaya makikita sila sa isang spot kung saan mahihiya ang mga bulok na jeepney sa kapal ng usok ng sigarilyo mula sa mga nagyoyosi. Ito ang eksena nung araw na yun sa campus na pinapasukan ko nung college pa ko. Karaniwan nang makikita ang tropa namin sa labas ng campus na nagyoyosi at nagkekwentuhan tungkol sa mga walang kwentang bagay. Pero sa araw na yun, isang may kwentang usapan ang magaganap. May problema ang isang tropa, problemang lovelife. Nagtatanong siya kung bakit sa kabila ng ginagawa na nya ang best nya para maging MAGANDA ang relasyon nila ng girlfriend nya, parang kulang pa rin at hindi nya nakikitang masaya ang girlfriend nya sa piling nya. Alam ng lahat kung paano tratuhin ni Bugoy ang gf nya at obvious din na masyado siyang authoritative at palaging pinangungunahan ang mga gusto ng gf nya. Sa tingin nya ay tama lang yun dahil para naman sa kapakanan ng gf nya ang ginagawa niya. Pero hindi nya talaga malaman kung ano pa ba ang gusto ng girlfriend nya. Ininom ko muna ang hawak kong buko juice na nasa plastik bago pumosisyon para sagutin ang kanyang katanungan na sisimulan ko sa isang malupit na intro. Bwelo muna...inhale...exhale...
"Pare, nung unang panahon, ang matapang na si King Arthur ay na-ambush ng mga kalaban habang nakasakay sya sa kanyang kabayo. Tiyak na ang kamatayan niya pero binigyan pa siya ng tsansang mabuhay ng kaniyang kalaban. Ito ay sa ilalim ng kondisyon na kung masasagot nya ang tanong na ibibigay ng kalabang hari, ibibigay sa kanya ang kalayaan at hindi gagambalain ang kanilang kaharian. Ang tanong ay "Ano ba talaga ang totoong gusto ng mga babae?". Binigyan sya ng isang taon na palugit para sagutin ang tanong at pag hindi nya nasagot ay papatayin sya. Bata pa sya nun at aminadong malakas ang kalaban. Kaya't kahit alam niyang napakahirap sagutin ng tanong at kung hindi niya makukumbinsi ang kalabang hari sa kanyang sagot ay buhay nya ang magiging kapalit, napagdesisyonan nyang hanapin ang sagot sa tanong kesa mamatay.
Pinabalik sya sa kanyang kaharian para magsaliksik at hanapin ang sagot sa tanong. Tinanong nya ang lahat kasama ang pari, ang mga philosopher pati ang mga nagtitinda ng popcorn sa sidewalk pero bigo sya at wala ni isang nakapagbigay sa kanya ng convincing na sagot. Isa na lang ang hindi nya natatanong at yun ay ang witch na nakatira sa yungib. Pero ayaw niyang tanungin ito dahil although madaming nagsasabi na totoong marunong ang witch at reliable ang magiging sagot nito, baka hindi kayanin ni King Arthur ang cost ng hihinging kabayaran ng bruha. Parang hindi kasi realistic ang halaga ng hinihinging kabayaran ng witch sa mga komukonsulta sa kanya.
Isang araw na lang at mag iisang taon na ang binigay na palugit kay King Arthur. Dahil wala talagang nakalkal na sagot ang hari, kinonsulta na nya ang witch. Ang nangyari, pumayag ang witch na sagutin ang tanong nya sa isang kondisyon, kelangang pakasalan ni Sir Lancelot na bestfriend ni King Arthur (at ang pinakapogi at hottest guy sa kaharian) ang mabaho, kuba at puro pimples na witch! Hindi pumayag ang hari at ninais pang mamatay kesa ipaasawa ang nag-iisang bestfriend sa isang ambisyosang, pangit na witch.
Nalaman ng bestfriend ng hari na si Sir Lancelot ang kondisyon na hinihingi ng bruha sa kanyang bestfriend. Agad syang kumilos at hinikayat si King Arthur na pumayag nang ipakasal siya sa bruha. Ayon kay Sir Lancelot, aanhin nya ang buhay na masaya sa piling ng babaeng maganda, sexy at may breeding kung mawawalan naman sya ng nag-iisang bestfriend na halos itinuring na nyang kapatid. Kaya't kung ito man daw ang magiging pinakamalaking sakripisyong gagawin nya sa buong buhay nya ay gagawin nya pa rin ito, alang alang sa ikaliligtas ng kanyang kaibigan.
Kinasal nga ang witch kay Sir Lancelot at bumuhos ang luha mula sa mga mata ng libo libong babae na nagpapantasya sa royal blooded na ginoo. Pagkatapos ng kasal ay agad sinabi ng bruha ang sagot sa tanong ni King Arthur. Ayon sa bruha "Ang totoong gusto ng babae ay magkaroon ng kalayaan sa pagdedesisyon para sa kanyang sarili." Dali-daling tumungo si King Arthur sa kabilang kaharian para sabihin ang sagot sa tanong na sinabi ng witch.
Nakumbinsi ni King Arthur sa kanyang sagot ang hari na dapat ay tatapos na sa kanyang buhay. Nuon din ay nangako ang malupit na hari na hindi na nito gagambalain ang kaharian ni King Arthur at lalong lalo na, hindi na ito magiging threat sa buhay ng batang hari.
Sa kabilang banda, hindi malaman ni Sir Lancelot ang gagawin sa kanilang unang honeymoon ng asawa nyang bruha. Iniimagine nya ang amoy kanal na hininga ng witch at ang labi nitong walang kasinggaspang na nahalikan nya nung sinabi ng pari ang katagang "you may kiss the bride". Hindi na talaga siya mapakali at napagpasyahang maglasing na lang hanggang mawalan ng malay at pagkatapos ay bahala na ang witch kung anuman ang gusto nitong gawin sa kanya. Pumasok ng kastilyo si Sir Lancelot para kunin ang pinakamatapang na alak sa buong mundo na nakalagay sa kanyang kwarto. Pero pagbukas pa lang ng pinto ng silid ay nagulat na sya sa kanyang nakita, isang babaeng napakaganda at aaminin niyang ito na ang pinakamagandang babae na nakita niya sa tanang buhay niya. Chineck nya ang sarili kung nakainom na ba siya pero imposible dahil kukunin pa nga lang nya yung alak nung time na yun. No wonder at inamin din ng magandang babae na sya nga ang nakakadiring witch na pinakasalan ni Sir Lancelot.
Ayon sa witch turned beauty queen, naappreciate nya ang kagandahang loob ni Sir Lancelot at dahil dun ay napagdesisyonan nyang baguhin ang kanyang anyo at maging napakagandang babae sa loob ng 12 hours a day. At dahil 12 hours lang sya pwedeng maging maganda, kelangan magdecide si Sir Lancelot kung anung schedule ang gusto nya para sa transformation ni witch wife. Kelangang mamili ng ginoo kung type ba nyang maging maganda ang bruha sa araw o sa gabi? Napa isip si Sir Lancelot. Kung sa araw, pwede nyang ipagyabang sa tropa ang maganda nyang asawa pero paano naman sa gabing malamig na kelangan nya ng maladyosang asawa na pwedeng yakapin? Kung sa gabi naman, maeenjoy nya ang bawat gabi kapiling ang kanyang maladyosa sa gandang asawa pero ano na lang ang sasabihin ng mga taong makakakita pag araw?"
Sa point na yun ay saglit akong tumigil para bigyang daan ang isang malalim na hitit sa yosi at para tanungin na rin ang buong tropa kung ano ang choice nila kung sila ang nasa katayuan ni Sir Lancelot. Hinihintay ko din nun ang sagot ni Bugoy na siyang may problema sa kanyang girlfriend. Nasorpresa ako dahil lahat sila pati si Bugoy, ang isinagot ay isang malakas na "sa gabi!". Muntik na ko mawalan ng gana sa pagkukwento dahil nabahiran na ng kamanyakan ang takbo ng usapan. Pero ganunpaman, itinuloy ko ang kwento.
"Sa kaiisip ni Sir Lancelot sa choice na dapat niyang piliin, sa wakas ay dumating siya sa kanyang desisyon...ang payagan ang asawang witch na magdesisyon para sa schedule kung anung oras nito gustong maging maganda, kung sa araw ba o sa gabi? Alam nyo ba kung ano ang sinabi ng bruha?
"Labis akong nagpapasalamat sa napakagandang pagpapasya na ginawa mo at pinayagan mo akong magkaroon ng kalayaan na magdesisyon para sa aking sarili. At ang aking desisyon? Maging maganda sa lahat ng oras, araw man o gabi...sa piling mo mahal ko." And they live happily ever after as a perfect couple.
Ang moral lesson ng story? "Magiging PANGIT ang takbo ng relasyon kung ang iyong minamahal ay hindi mo bibigyan ng karapatang magkaroon ng sariling desisyon."
Wala akong ibang napala sa paglalahad ng kwentong ito kundi ang batuhin ng mga plastik ng buko juice. Ang mga walangya, akala siguro ay tungkol sa kamanyakan ang ikukwento ko at nadissapoint nung ito pala ay isang kwentong kapupulutan ng aral. Nagpasya na kong pumasok sa klase dahil malelate na ko nang mapansin kong may mensahe pala sa cellphone ko. Ito ang nakalagay "Pare, salamat ha. Nasagot mo ang tanong ko." At sa di kalayuan ay natanaw ko si Bugoy na kausap ang girlfriend nya at kapwa sila nakangiti.