Wednesday, August 26, 2020

Holdaper ng Puso

Holdaper ng Puso

 

“Meron ka bang kandila?” tanong ko sa kanya.

“Baket?” pagtataka nya.

“Ititirik ko lang sa puso kong patay na patay sa’yo”. reply ko naman.

 

Yun na ang huling palitan namin ng txt nung gabing yun ng October 2009. Tuluyan nang natangay ng mga adik ang Nokia 3230 na pagmamay-ari pa naman ng kapatid ko. Kung bakit kase alam ko nang maraming kriminal sa paligid ng RTU Pasig nung mga panahon na yun ay di pa rin ako natinag para i-txt sya. Ganun ba ako kainlab nung mga time na yun? Maholdap na mahoholdap makapagreply lang?

 

Kagagaling ko lang nun sa ospital pagkatapos dalawin ang kaibigan ko. Sumisipol sipol at kumakandirit pa ko habang naglalakad sa kalye sa tapat ng campus (buwan ng wika ngayon so alamin mo kung ano yung kandirit). Nagpupuso-puso ang screen ng nokia ko dahil sa palitan namin ng messages ng tawagin na lang natin sa pangalang…Gina. Mangyari ay nasa kasagsagan ako ng pagbibinata noon at complex ako kung ma-infatuate, kaya’t wala syang text na hindi ko nireplyan at ganun din sya sa akin kahit sinasabi nya na hindi nya ko gusto dahil muka akong manloloko. Sabi ng mga babae, plus points daw pag masipag magreply or magmessage ang guy kase it shows concern and effort. That time, nagsisi ako na naniwala ako sa thought na yan.

 

Dalawang mama ang nakatayo sa poste ng ilaw sa di kalayuan. Tantya ko’y mga teenager lang yun pero dahil sa shabu tiangge sa Pasig, dinaig pa ang faceapp sa bilis ng transformation ng itsura doon. Di ko pinansin at tuloy lang ako sa pagtxt.

 

“Kumain ka na ba?” tanong ko sa kanya.

“Ano naman sayo kung di pa ko kumain?” reply nya.

“Nagtatanong lang masama ba?” follow up ko.

“Oo. Nakakaoffend e. Alam mo naman kahit kumain ako ng sandamukal di pa rin halata”.

“Sorry naman. Yaan mo bubusugin na lang kita sa pagmamahal.” YUCK!!!!

 

Nagpatuloy ang nakakadiring palitan na yun ng txt hanggang makarating ako sa sumunod na poste ng ilaw na hindi namalayan ang dalawang lalaki na nakasunod na sa akin. At sakto nga pagsend ko ng huling banat tungkol sa kandila ay inakbayan na ko at tinutukan ng patalim sa leeg.

 

“Brod bigay mo na lang selpon mo. Hindi kita gigripuhan.” ang opening spiel ni holdaper 1.

“Mga tol taga dito lang din ako. Kaninong tropa ba kayo? Prank ba to?” kalmado lang ako nun pero may konting kaba na kase medyo bumabaon na yung kutsilyo sa leeg ko.

 

Nang hindi agad sumagot ang holdaper ay bigla akong pumiglas hanggang sa matumba ako sa kalsada. Narealize ko na nun na hindi prank ang nangyayari. Ito yung mga eksena sa mga pelikula ni Gerald Anderson na puno ng kasinungalingan pero ang nangyayari noon saken ay hindi scripted. Natumba man ako pero alerto ako at ng akmang sasaksakin ako ay buong lakas kong sinalubong ng  magkalive in na sipa ang holdaper. Siguro dahil sa sobrang high nya ay ganun na lamang kabagal ang galaw nya kaya’t tumayo ako para atekehin siya lalo na’t nakita kong tumilapon na ang patalim na nahiya lang ng konti sa itak ang haba. Isang matinding flying kick ang pinakawalan ko habang tumatayo sa pagkakahiga ang kriminal pero di ko namalayan na nakahulagpos na sa kamay ko ang selpon at tuluyan nang nakuha ng isa pang holdaper. Nang nakitang nagawa na nila ang pakay, tumakbo na rin sila at sinubukan kong habulin habang may tangan na isang malaking bato sa kanang kamay ko. Nagsisisigaw ako “Tulungan nyo ko! Habulin nyo!” pero walang pumansin sa akin. Its so happen na pangkaraniwan na ang ganung eksena sa Floodway at hindi na yun bago sa kanila. So ayun, wala ngang tumulong.

 

Mga ilang metro pa ang itinakbo ko hanggang tuluyan nang nawala sa eskinita ang dalawang holdaper at hindi ko na sinundan dahil di ko alam kung sino pa ang nakaabang sa eskinita na yun. Nafrustrate ako dahil wala man lang nagtanong saken kung anong nangyayari maski si Johnny na akala ko pa naman ay tutulungan akong habulin ang mga kriminal.

 

“Ano nangyari sa’yo bro?” tanong ni Johnny.

“Hinoldap ako pre.” sagot ko naman na talagang labis ang panlulumo.

“Kala namin may kaaway ka. E hindi ka naman sumigaw na hinoldap ka e di sana naharang namin yung holdaper.” paliwanag nya.

 

Oh good. Oo nga pala. Sa Floodway, kelangan mo i-specify kung anong ginawa sayo para hindi ka mapagkamalan na nag-aamok lang. Kelangan sundin mo ang mga technicalities. Its an understandable reason mula kay Johnny na talagang dun na lumaki sa lugar na yun. Ganunpaman, hindi sya nag-atubili na samahan akong ipaalam kay Master Bryan ang facts ng mga pangyayari.

 

“Bry naholdap si Nyer. Kala namin nag-aamok lang e hinahabol pala yung mga nangholdap sa kanya kaya di namin narespondehan agad” ang bungad ni Johnny kay Bryan.

“Tanga yan e. San ka naholdap kupal ka?” ang napakasympathetic na tanong saken ni Bryan.

 

Si Bryan ay isang interesanteng karakter. Laging kalmado, laging compose at mas pinapagana ang utak sa mga krisis kesa sa emosyon. Isang nilalang na syento porsyentong kabaliktaran ko dahil labis man ang pagsirit ng adrenaline ko sa holdapang nangyari at naipagtanggol ko ang sarili ko, di ko na napigilang magbreakdown at halos himatayin sa tension sa thought na paano kung napuruhan ako? Tuloy ang pagtatanong ni Bryan sa detalye ng pangyayari habang pinapakilos ang mga koneksyon nya sa lugar para tukuyin ang pagkakakilanlan ng salarin. Ilang sandali pa’y niyakag na rin nila ako para magpablotter sa baranggay. Nanginginig akong sumama at  wala sa sarili.

 

Marami nang nasaksihan na krimen si Bryan at Johnny at pangkaraniwan lang sa kanila  ang pangyayaring yun. Pero virgin ako sa ganung karahasan kaya tuloy tuloy ang presensya ng shock sa pagkatao ko isang oras pagkatapos ng krimen. Habang naglalakad papuntang baranggay ay naisip ko kung anong sasabihin ng utol ko dahil naiwala ko ang pinakamamahal nyang selpon na hiniram ko lang para sa school project namin. At ano ang sasabihin ni Gina dahil di na ko nagreply? Iisipin nya na pinagtitripan ko lang sya at hindi talaga ako seryoso. Afterwards, babastedin na nya ako kase hindi na ko nakapagmessage. Mga walang kakwenta kwentang thoughts na naisip ko after magpasalamat na hindi ako namatay at tuluyang tinirikan ng kandila. Seriously? Life and death situation naisip ko pa rin yung kalandian? Ang kati ko.

 

Nang matapos ang pagpapablotter sa baranggay na mostly si Johnny at Bryan lang ang sumagot sa mga tanod dahil nga wala ako sa huwisyo, ay umuwi na rin kami sa bahay. Nanghiram ako ng phone para iinform si Gina na naholdap ako na pasensya na dahil hindi ko na sya nareplyan.

 

“Talaga ba? Kaya pala iba na yung mga reply saken.”.

 

“Sana puntahan mo ko bukas dito sa bahay dahil sobrang paralisado ako. Di ko alam kung paano pa ako magpa-function kung di pa rin magiging tayo.” rektahan na ang naging pahayag ko sa kanya dahil sa puntong yun, naisip ko na maiksi lang talaga ang buhay kaya dapat nang maging ambisyoso.

 

“Sira ka. Puntahan kita dyan bukas. Wag ka na masyado mag-isip. Sasamahan kita.” tugon ni Gina na aware sa mga scam.

 

Dumating ang umaga at pinuntahan nga nya ako sa bahay. Naibsan ang tensyon ko nang makita ko palang ang kakapiraso nyang anino. Kinomfort nya ko buong araw although social distancing pa rin dahil di pa naman kami. Pero bakit ganyan kayo mga girls? Sobra na kayo magpakita ng care pero ayaw nyo pa rin i-confirm ang label? Ang labo nyo!

Sumapit ang gabi at nag-aya si Bryan na magreport din kami sa pulis bago pa lumampas ng 24 oras yung insidente. Ayaw ko sana sumama dahil moment na namin yun ni Gina pero dahil sa ngalan ng hustisya, kelangan kung kumilos at isakripisyo ang moment na yun. Thankfully, nagpasya si Gina na magstay at hintayin ako hanggang matapos ang pagpablotter sa pulis na akin namang ikinatuwa.

 

Intense ang mga sumunod na pangyayari dahil kaagad nagkasa ng operation ang mga pulis Pasig. Pinagalitan pa nga kami dahil late na namin inireport. Daglian kaming pumunta sa crime scene at sa tulong nga mga koneksyon ni Bryan at Johnny, natukoy ang holdaper na positibo kong kinilala. Ang hinayupak  ay hindi pala taga Floodway at animo’y tumutupad lang sa right of passage or parang welcome ritual ng gang nila at ako ang malas na nabiktima. Sobrang confident nya na walang follow up operation kaya’t ni hindi nagtangkang tumakas kaya’t natiklo sya pero hindi nya ikinanta ang kasama nya na sa wari ko’y menor de edad.

 

“Ilang taon ka na?” tanong ng pulis pagkatapos ng mga ilang ulit na suntok sa sikmura.

“17 po.” umiiyak na tugon ni Boy Munggo.

“17? Ang lalaki ng bagang mo 17?” at halinhinang pinagsusuntok sa sikmura ng lahat ng pulis ang kawawang kriminal.

 

19 y/o na si Boy Munggo noon kaya’t pwede na syang makulong sa city jail. Nadisappoint si Bryan nang makita kung panu ko sinuntok sa simukra ang tangang magnanakaw. Tinawag nya itong “suntok bakla”. Di na ko nagpaliwanag. Wala akong tulog dahil sa anxiety kaya wala akong lakas. At sa tingin ko biktima lang din si Boy Munggo ng peer pressure sa sirkulo nilang mga kriminal. Medyo naawa din ako sa kanya habang hilahod na dinadala sa piitan. Pero naexcite ako dahil makakauwi na kami at maitutuloy na namin ni Gina ang naudlot na landian.

 

Bumuhos ang malakas na ulan at sadyang mahirap na talaga umuwi kaya’t wala nang nagawa si Gina kung di magpalipas ng gabi sa place ko. Mga ilang oras lang akong nakatulog nuon pero hindi nakatulog si Gina kahit saglit, binantayan nya ko. Dumagsa ang mga langgam ng mga oras na yun dahil sa kasweetan nya. Inabot kami ng umaga na puro kwentuhan lang hanggang sa naging seryoso ang usapan at mapunta sa status naming dalawa.

 

“Lam mo ba, tingin ko second life ko na to. Is this a sign na tayo na hanggang sa huli?” tanong ko sa kanya

“Hindi pa nga nagiging tayo e.” tugon nya.

“O e ano pang hinihintay mo? Sagutin mo na ko”. kinapalan ko na mukha ko pero tanging “Tse!” lang ang nareceive ko sa kanya. Pa-hard to get am*#*%#*.

 

Eventually, sinagot din ako ni Gina. Actually ang naging monthsary namin ay yung mismong petsa na dinamayan nya ko maghapon dahil sa sinapit ko. Nang tanungin ko kung bakit di pa nya sinabi saken nun, katwiran nya, alam nyang mahal na nya ako pero kelangan nyang magpaka-PBB teens. Anyway, nag-anniversary kami bisperas ng pistang patay. Yun yung petsa na nanghingi ako sa kanya ng kandila isang taon na nakakaraan na natupad naman sa anniversary namin. Sangkatutak na kandila sa sementeryo at harap ng mga tahanan ng mga namatayan ang nagsulputan na parang sinasabi “Oh para yan sa puso mong 1 year na sanang patay ngayon dahil sa kalandian mo hindot ka”.

 

Fast forward 2011, sentensyado na si Boy Munggo. Pumayag ako  sa arraignment na pababain ang charges sa kanya pagkatapos naming magheart to heart kaya di sya gagawa ng Boysen commercial sa kulungan. Wala na ko pakelam kung gawa gawa nya lang yung kwento pero isa lang ang katotohan na nagresulta para magawa nya yun at yun ay ang laganap na kahirapan at kawalan ng social equality. Idagdag pa ang solid na loyalty nya sa kaibigan na hindi nya talaga ikinanta anumang mangyari na nagpaimpress saken. Wala syang pinagkaiba sa mga kaibigan kong sadista pero di ako iiwanan.

 

“Pre salamat pala sa pagpayag na ibaba yung kaso saken. Malaking utang na loob ko pa rin yun sayo.” ang nasambit ni Boy Munggo ilang sandali bago dalhin sa Muntinlupa

 

“Wala yun tol. Magbago ka na paglaya mo. Madami ka pang pagkakataon para baguhin ang takbo ng buhay mo.” pangaral ko sa kanya.

 

“San na pala pre yung jowa mo? Kayo pa rin ba?

 

“Nagbreak na rin kami tol. Pero salamat sayo dahil yung ginawa mo sa akin ang naging daan para kahit paano ay lumigaya ako.” sagot ko.

 

“Sinayang mo pre. Ang lupit pa naman ng mga reply ko dun para mainlab lang sayo ng tuluyan.”

Share