December 2023, madaling araw na nun. Malakas ang ulan at halos hindi ko na maaninag ang daan habang ako'y nagdadrive. Walang masyadong tulog nang nakaraang gabi at eto't kargado ng litro-litrong red label at redhorse. Good! Death wish!. Hindi ko na alam nun kung makakauwi pa ba ako ng buhay. To make matters worst, wala na akong nakikitang liko, puro diretso na lang. Kako, oras na makakita ako ng maliit na liwanag na parang nasa dulo ng tunnel, tiyak na nasa kabilang buhay na ako. Bago pa tumakas ang natitirang katinuan sa utak ko ng mga oras na yun, nagpasya akong itabi na ang minamanehong motor at magpa-umaga na sa gilid ng kalsada.
Tumabi ako at bumaba sa motor. Wala nang lakas na natitira sa katawan ko at pabagsak akong umupo sa gilid ng highway. Sa kabila ng kalsada ay ang natatanging source ng liwanag sa area na yun mula sa poste. Wari'y nahipnotismo ako at tumitig sa liwanag na nagpatingkad sa malalaking patak ng ulan. Sa tagpong iyon, biglang nagflashback saken lahat ng dahilan kung bakit ba ako napunta sa ganitong sitwasyon at kung safe pa ba akong makakalabas dito. Hindi naging mabait saken ang taong 2023 at sinisi ko lahat ng pwede kong sisihin kung bakit ang dami kong pasanin nun. Basang basa ako at naghalo na ang tubig ulan at luha sa mukha ko. Luhang hindi ko na napansin na umaagos sa aking matabang pisngi.
Natulala ako ng ilan pang sandali mula sa pagkakatitig sa ilaw hanggang sa napagpasyahan kong tumayo mula sa kinauupuan. Nalimutan ko na na nasa kalsada ako at anytime ay pwede ako mabundol ng rumaragasang sasakyan kung tangkain kong tumawid. Determinado akong marating ang poste at mas makita ang liwanag nito sa malapitan. Animo'y isa akong gamu-gamo na hayok na hayok sa liwanag at gagawin ang lahat malapitan lang ito kahit...maging mitsa pa ito ng kapahamakan ko. Bakit nga ba ako gutom na gutom sa liwanag?
Gamit ang natitira ko pang lakas, inihakbang ko ang aking mga paa. Napakabigat ng katawan ko na overweight at marahil ay composed of 80% percent alcohol (dinaig ko pa ang Green Cross). Sa dahan-dahan kong paghakbang ay ang walang tigil pa ring pag-agos ng luha ko. Nasa punto ako ng sinasabing lowest point ng buhay at wala akong makitang paliwanag o solusyon sa mga problema ko. Alak at tanging alak lang ang laging sumasama saken. Alak lang ang pumapawi ng lahat ng sakit na dinadamdam ko sa kaibuturan ng puso ko. Pero sa mga oras na yun, tila hindi ko na kaya at gusto ko nang sumabog. Pinaralisa na ng alak ang buo kong katawan pero ang puso ko'y patuloy pa ring dumudugo at wari'y nakikiusap na tapusin ko na ang lahat ng hapdi na yun...dahil hindi na nya kaya. Marahil, kung kaya't pilit kong inaabot ang liwanag sa poste ay dahil sa laksa-laksang katanungan sa isip ko na ibandona ko na at piniling kandaduhan ng alak tuwing sila'y sabay sabay na nagpupumiglas at nais kumawala. Although this time, sobrang taas na yata talaga ng tolerance ko at hindi na magshutdown ang utak ko na usually ay easy na nalulunod ng alak.
"Hindi ko na kaya..." mahinang sambit ko sa sarili.
Pumaimbulog sa kalawakan ang mahaba at matalim na guhit ng kidlat at sinundan ng dumadagundong na kulog. Galit na galit ang panahon at hindi na ko nagdalawang isip na sabayan ito. Buong lakas kong isinigaw ang mga hinanaing ko habang patuloy ako sa paghakbang. Paulit-ulit sa hindi ko na alam kung gaano katagal binato ko ng panaghoy, sigaw at hindi ko na maipaliwanag na tindi ng emosyon ang meron ako sa mga oras na yun ang inosenteng ilaw sa poste. Walang ibang tao sa bahaging iyon ng kalsada at malayo ang mga kabahayan. Tanging ako lang, ang street light at ang negatibong enerhiya mula sa aking paghihinagpis ang bumabalot sa buong lugar. Ilang sandali pa'y waring bumibilis ang pag-ikot ng paligid. Tumingin akong muli sa ilaw ng poste at animo'y gumagalaw na ito, paikot at umiikid na parang ipu-ipo.
"Holy shit. I'm so drank..." ang nasambit ko na lang sa sarili sa gitna ng pinakamalalang pagkalasing na dinanas ko sa buong buhay ko.
Unti-unti nang humihina ang ulan pero lalo pa ring umaakyat ang tama ko. Traydor ang red label na nuon lang sumirit ang tama. May ilang ilaw na akong nakikita at di ko alam kung hallucination na ba yun. Ang alam ko lang, malapit na ko matumba at mawalan ng malay. At hindi nga ako nagkamali, tuluyan na kong nabuwal. Hindi ko na nagawang lumakad pa pabalik sa gilid ng kalsada, sa ligtas na lugar. Wala na akong lakas. Dito na ko matutulog...goodnight. Kung magigising pa ba ako? Hindi ko na alam.
"Nunoy sino ka baga? Kaninong anak ka?" ang tinig na gumising saken ng umagang iyon.
Alas singko mahigit na at nagsisimula nang magliwanag. Goodmorning sa aking namimitig at namamanhid na braso mula sa pagkakapatong sa mesa na nadadaganan ng ulo ko, nakatulog ako sa ganung posisyon. Kung paano ako napunta sa kubong iyon, hindi ko rin alam. Tumulala ako ng ilang segundo sa napakagandang bukid na medyo nababalot ng hamog.
"Ulap! Asan na ako?! Fu**k, nasa kabilang buhay na yata ako." bulong ko sa sarili habang nalilito pa rin at parang binibiyak ang kaluluwa sa hang over.
Habang kinakamot ang ulo kong puro buhangin ay naalala kong tinatanong nga pala ako ng matandang babae. Nagpakilala ako kay nanay na sumaklolo saken. Sa probinsya, sabihin mo lang sa kanila ang apelyido at kung hindi pa yun sapat, sabihin mo kung anong bansag sa angkan nyo at makikilala ka nila. Pero, hindi pa din nakakaproud na napulot nila akong wasted at wasak na wasak sa alak sa gitna ng kalsada. Alam kong makakarating ito sa nanay ko at hindi ako magiging masaya. Kinakabahan ako sa nanay ko pero mas kinakabahan ako sa tita ko. Kumbaga sa bagyo, yung tita ko yung bawi, mas malakas at mas malaki ang damage. Pero bakit ba ako nag-aalala sa pagsabon na gagawin saken ng mga matatanda ko? Heto't buhay ako at nagkaroon ulet ng isa pang tsansa.
"Ay nunoy maigi't nakita ka nung kotse at hindi ka nasagasaan. Nasa gitna ka ng kalsada natulog. Ay bakit baga naman at dun ka natulog? Hesus, Hesus Maryosep. Ikaw baga ay magpapakamatay na? Maigi pa yung motor mo at nakatabi. Grabe naman ang kalasingan mo nunoy ko." ang litanya ng matanda saken na instant nagkaroon ng lisensya na sermonan ako ng malamang kababata nya ang nanay at tita ko.
Ipinaliwanag ko naman sa kanya na hindi ko na talaga kinaya ang kalasingan at humingi ako ng dispensa at taos pusong nagpasalamat sa kanila lalo na sa driver ng kotse na hindi ako sinagasaan at inihingi ako ng tulong sa kanila para madala sa safe na lugar. Bagama't tumindig pa rin ang balahibo ko sa posibilidad na baka hindi ko na nasilayan ang magandang umagang iyon kung minalas at nagulungan ng sasakyan. Main road ang kalsadang napili kong gawing kama at sinuwerte akong malayo sa kurbada na dahilan para makita agad ako ng paparating na sasakyan. O sadyang hindi ko pa talaga oras?
Umuwi akong tangay ang hindi malilimutang karanasan na yun at araw-araw ko yung pinagbulay-bulayan maging pagbalik ko sa Manila. Malaking dahilan ang insidenteng yun para magpasya akong tumigil na sa pag-inom ng alak. Nabigo ako nun na tawirin ang kalsada upang malapitan ang liwanag sa poste sa hindi ko pa rin maipaliwanag na dahilan. Ngunit iyon pala'y simbolo ng kagustuhan ko din na maintindihan ang nangyayari saken at makatagpo ng liwanag na syang magpapahinto ng aking bisyo at mag-aalis saken sa kadiliman. Subalit sa proseso ng paghanap natin ng kasagutan, may tamang lugar, panahon at kondisyon ng pag-iisip ang dapat isaalang-alang. Sa tulong ng mga mahal sa buhay, natawid ko ang kalsada at nabagtas ang daan patungo sa liwanag. It so happened na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya mong mag-isa. Sa buong paglalakbay ko dito sa paghinto sa pag-inom ng alak, (na seryoso kong nilalabanan araw-araw), nandyan yung mga tao na bukas ang pusong sumuporta at umalalay. Kapag hindi mo na kaya at gusto mo nang gumive up, magtap-out ka pero bumangon ka at subukan mo ulet magsimula. Kung nanghihina na ang mga paa mo at pakiramdam mo'y hindi mo na kayang humakbang para sa pag-asa, alalahanin mong hindi ka nag-iisa, magpatulong ka, wag kang mahiya. Wag ka matutulog sa gitna ng kalsada, wag mong sirain ang buhay mo, wag mong tapusin ang buhay mo...masyado itong maganda, masyado itong precious para ibasura mo lang.