Buwan ng Wika ngayon kaya hayaan nyo akong managalog. Nais ko lamang bisitahin ang mga pagbabagong patuloy kong itinatala dito sa'king talaarawan. Marahil ay nagsasawa na kayo sa patuloy kong pagbida ng mga pagbabago sa aking pisikal na kaanyuan mula nang ako'y huminto sa bisyong nagpagupo ng aking sistema, nagpalugmok sa'king pag-asa at tuluyang nagpahina sa aking paniniwala sa magandang bukas. Ngunit wala akong hangarin kundi nawa'y makapagbigay lamang ng inspirasyon at paghuhugutan ng positibong pananaw ng mga katulad kong maraming beses nang tumingin sa salamin ngunit naging bulag sa katotohanan ng tunay nilang imahe sa kasagsagan ng kanilang pagkahumaling sa bisyo. Maniwala kayo sa akin o hindi, wala sa dumi o linis ng salamin ang basehan ng tunay nating kaanyuan. Ang imaheng maaaninag, malabo man o malinaw ay repleksyong nagkukubli ng sari-saring digmaang patuloy nating dinadanas sa ating mga sarili. Subalit ang persona na nasa iyong harapan, natanong mo na ba kung may silakbo sa kanyang damdamin na ibsan ang digmaan o manatili na lang na talunan ng kanyang kahinaan?
Isandaan at apatnapung araw ng aking iwaksi ang alcohol at buksan ang aking mga mata sa katotohanang ako'y hindi pumapaimbulog, bagkus ay patuloy na bumubulusok sa bangin ng paghihinagpis at kabalintunaan. Pawang mga pasakit at pagdurusa lamang ang mga litratong naiipon ko saking balintataw sa tuwinang ako'y titingin sa salamin. Mataba, wari'y namamaga ang katawan at laksa-laksa ang iniindang karamdaman sa parehong pisyolohikal at mental na aspeto ng aking pagkatao. Maraming beses akong sumubok na magbago, itapon ang maling gawi ngunit ganun din kadami ang bilang ng kabiguan na aking tinamo. Ngunit ika nga ni Martin Luther King Jr. "Huwag mong tingnan ang buong hagdan. Magpokus ka sa unang baitang at magsimula kang humakbang". Kung uubusin mo ang oras sa kakaisip pero walang ginagawa, wala kang masisimulan. Kaya naman sa unang araw ng pag-alab ng aking pagnanasa na kumawala sa kadena ng bisyong ito, ang tangi kong ginawa ay masdan ang pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito na ang aking labi at lalamunan ay tuyo at hindi nalapatan ng serbesa o alcohol.
Ngunit hindi sapat na ako'y hihilata lamang at uulitin ang pagmamasid sa pagpalit ng petsa at ngingiti sa tagumpay laban sa alak. Ang laban ay hindi mapagwawagian kung anumang oras ay maaaring atakehin ng tukso ang iyong kahinaan. Sa muli kong pagtingin sa salamin ay umalagwa ang taba sa paligid ng aking tiyan na wari'y nagsusumamong lamnan ko sya ng serbesang nakagawian. Ako'y mariing tumanggi at tangan ang kapirasong lakas na unti-unti ko nang naiimpok sa pitumput dalawang oras na walang alak saking sistema, inihakbang ko ang aking mga paa...mabagal at pabilis nang pabilis. Ilang sandali pa'y halos madapa ako sa kongkretong daan pagkat gusto pa ng isip ko ngunit ang aking mga paa'y hindi na makahakbang. Pulikat at hindi ko maipaliwanag na hapdi ng kalamnan ang aking naramdaman. Tumabi ako at pinagmasdan ang mga batang naglalaro habang naliligo sa pawis na matagal ko nang hindi narasanan. "Kung kaya ko lamang bumalik sa kahapon na tulad ng mga kabataang ito, hindi sana ako mukhang uugod-ugod sa sulok na wari'y matandang kulang na lang ay tungkod" wika ko saking sarili. Isang malalim na buntong hininga kasabay ng pagkusot sa matang pinasok na ng maalat na pawis. Sinilip ko ang aking sarili sa camera ng aking telepono at napansing sa likod ng mukhang hapo at naliligo sa pawis ay may ningning na wari'y nakikiusap na pakawalan. Tumayo ako at buong giting na tinanggap ang hamon. "Ito na ang simula!" sigaw ko sa king isipan.
Muli akong humakbang. Inisip kong ang sakit ay nasa isip ko lamang at kakayanin ko ang tatlong kilometrong aking minithing takbuhin nang dapit hapon na iyon. Ilang sandali pa'y binalot na ng manhid ang aking mga binti at patuloy na ito sa paggalaw. Ngunit ilang minuto pa'y wari'y nanlabo ang aking paningin at hindi na ako makahinga sa pagod. Sa aking tagiliran ay may kung anong kirot din na hindi ko maintindihang patuloy na tumutusok na animo'y patalim, makirot at alam kong tiyak ang aking pagbagsak sa matigas na semento kung hindi ako hihinto. Tumingin ako sa kanluran at ang kulay dugong araw ay handa nang magpaalam sa petsang ito. Sayang sapagkat hindi nya nasaksihan ang aking tagumpay na tapusin ang itinakda kong distansya sa unang araw ng aking pagtakbo. Di bale, buong giting kong ipagmamalaki sa buwan ang isa na namang pagkakataon na sya'y sumikat na ako'y hindi nagalaw, hindi nalango ng alak at mananatiling matatag sa noo'y panatang unti-unti nang tumitibay.
Buong giting kong tinapos ang aking itinakdang distansya ng pagtakbo ng gabing iyon. Lakad, takbo man ang naganap ay masaya kong tinanggap ang katotohanan na ito ay prosesong nangangailangan ng panahon. Tumingin ako sa salamin at ang dati'y malaking tiyan na sanhi ng aking lungkot ngayo'y mistula nang gasolina sa aking matinding mithiin na magbawas ng timbang at taglayin ang pisikal na anyo na huli kong tinaglay nung 2016.
Sa pagdaan ng panahon at mula sa kalunos-lunos na tagpong iyon sa unang araw ng aking pagpapakasakit tungo sa pagbabago, sa wakas ay unti-unti nang nagbubunga ang aking pagsusumikap. Tanging galak at sigla ang aking nakikita sa repleksyon sa salamin. Patuloy, hindi ako humihinto at lalo pang nag-aalab ang aking mithi para sa pagbabagong noo'y inakala kong imposible. Sa ika-365 na araw na syang bilang na aking itinakda na walang kahit isang patak ng alak na makakapasok saking katawan...magiging salamin ko na ang mga mata ng mga taong naniwala maging ng ilan na nagtangkang humila saken pababa sa mithiin kong ito. Sapagkat kahit ang maduming salamin ay hindi magsisinungaling sa imaheng kanyang ipinapakita. Ikaw, ako, tayong lahat ang magtatakda ng sarili nating repleksyon.