Wednesday, August 28, 2024

I'm gonna see Halley's Comet all by myself...if I still can

 

Sa 2061, ako ay ganap nang 74. Pero ipinangako ko sa sarili ko na mabubuhay ako hanggang sa edad na yan para masaksihan ang muling pagsikat ng kometang Halley's na huling nakita nung 1986, isang taon bago ako ipinanganak. Ngunit hindi talaga Halley's ang target ko kundi ang Hale-Bopp. Ang problema, libong taon pa bago bumalik ang Hale-Bopp sa vicinity ng Earth kaya hindi ko na ito maaabutan. Kaya't Halleys na lang ang aabangan ko.

Isa ako sa mga mapalad na nakasaksi ng maliwanag na kometa sa kalawakan na di kelangan gamitan ng teleskopyo. 10 years old ako nun at nasa kasagsagan ng pagka obsess sa astronomy. Matyagang pinag-aaralan ko nun ang astronomy sa munting library ng school namin gamit ang mga donated reading materials na galing pa ng NASA. Maraming nasirang mga aklat sa elementary school namin kaya't bumuhos ang mga donasyon galing sa iba't ibang bansa at swerteng napasama doon ang mga de-kalibreng astronomy books and magazines. Kung kaya nang makita ko ng personal ang kometang sa mga pictures ko lang nakikita na kuha nung 1986 sa kometang Halleys, talagang wala ako pagsidlan ng tuwa at gabi gabi akong nasa labas ng bahay para lang pagmasdan ang Hale-Bopp na sya namang nagpakita nung 1997. Kung nakarating ka sa parteng ito ng blog ko, oras na para malaman mo na ang entry na to ay hindi puro tungkol sa science sa likod ng kometa. Ito ay tungkol sa taong naging mahalagang parte ng buhay ko at patuloy kong maalala dahil sa kometa. Paano nga ba sya naging konektado sa kometa?

2020, sa kalagitnaan ng covid nang makilala ko ang itinuturing ko nang pinaka unforgettable na ex sa kasaysayan ng pakikipagrelasyon ko. Alam nating lahat kung gaanong tumigil ang mundo ng taong iyon at kung paanong nastuck tayong lahat nang matagal sa mga kinalalagyan natin. Kung kaya naman gamit ang teknolohiya, sinubukan kong makipag ugnayan sa mga taong nasa malalayong lugar hindi lang para makahanap ng potential na partner kungdi para magkaroon na din ng kausap. Don't get me wrong, palagi naman ako updated dahil sa balita pero iba pa rin pag personal na karanasan ng mga tao mula sa malalayo ang masasagap mo. Maswete naman ako na frontliner ang nakamatch ko sa dating app at alam kong hindi ako mashoshort ng impormasyon mula sa first hand experience nya sa covid pandemic. Ang natatanging babaeng ito, mula sa napakaraming naka match ang siya lamang nag-iisa na nakausap ko ng matagal at walang dull moments. Hindi ko alam kung anong meron pero kapwa mataas ang energy namin sa isa't isa tuwing kami'y magkausap sa chat or kahit sa video call. Pero isa lang ang masasabi ko, natagpuan ko na ang hinahanap ko at handa akong maghintay na dumating ang panahon na pwede nang magtravel at para mapuntahan ko na sya. Pero ano nga ba kase ang koneksyon nya sa kometa?

Marami kaming mga napag-usapan na ang karamihan ay hindi na lang tungkol sa boring at nakakastress na sitwasyon ng pandemic. Sa part ko e yung mga hilig ko like history and science habang sa kanya naman e yung araw-araw nya na buhay nya as frontliner. She was born in 1998, masyadong bata para saken pero instead na magfocus kami sa age gap, pinaramdam ko sa kanya na hindi yun hadlang and as a matter of fact, kaya kong mag-adjust para sa kanya para lang masustain namin yung relationship namin. Nakakatawa kase nung una, akala ko e parte lang ng matamis na dila ko yung mga pinagsasabi ko until marealize ko later on na seryoso pala ako. Halimbawa na lang e yung one time na nashare ko sa kanya kung panu nya namiss ang napakaganda at nakaka amaze na hitsura ng Hale-Bopp comet nung 1997 na kako e kung medyo maaga pa sya pinanganak e baka may memory pa sya ng event na yun kahit paano. Anyway, idinescribe ko sa kanya, ikinuwento ko sa kanya ang lahat ng facts tungkol sa appearance ng Hale-Bopp at ano nga ba ang mga bagay-bagay sa likod ng paglabas ng mga kometa. Sa kasamaang palad, hindi na sya makakakita ng kometa na kasing tingkad ng Hale-Bopp pero sabi ko sa kanya, magpapakita muli ang Halley's sa 2061 at may chance na makita namin yun...together. Kumbaga, just to prove my point na pambihirang experience and makakita ng kometa, handa akong maghintay until 2061 para personal na ibida sa kanya yung nasaksihan ko nung 1997. Nakakabaliw kase sa sobrang random ng mga topic namin, eto yung isa sa mga random na pinaka tumatak samen at lalong tumatak saken. Bakit kamo? Kase paano ako nakakasigurado na kami nga ang magkakatuluyan at paano ako nakakasigurado na buhay pa ko sa 2061? Pwede mong sabihin na sobrang bored na namin nung 2020 na umabot na kami sa ganitong mga topic pero siguro kase talaga, we're meant for each other and nagkakasundo kami kahit sa mga weird na mga bagay. At least yun yung expectation ko nung mga panahon na yun.

Lumipas ang mga buwan hanggang umabot ang mahigit isang taon na patuloy yung komunikasyon namin. Hindi naging madali ang lahat. Ilang beses kaming sinubok ng kung anu-anong mga pangyayari pero nanatili kaming matatag at hindi kami natinag, tuloy pa rin yung koneksyon namin. Hanggang medyo lumuwag na ang sitwasyon ng pandemic at yun na ang hinihintay namin para makita ang isa't isa. Maniwala ka o sa hindi, yung pagkamangha ko sa ganda ng Hale-Bopp comet nung 1997 ay muling nanumbalik nang finally! Finally nakita ko na sya sa personal. Marahil yun na ang pinaka extraordinary na experience ko since 10 years old nang masaksihan ang pambihirang astronomical event at heto, nasa harap ko na ang babaeng 100x na mas majestic at hindi ko ipagpapalit sa kahit anong great astronomical event na i-offer saken ng universe. Magical and surreal ang first time na nagkita kami. Hindi ko madescribe sa words.

Pero sadyang mapaglaro ang tadhana. Tulad ng pagdaan ng Hale-Bopp hanggang sa tuluyang pag lampas nito sa Earth, ganun din ang nangyari samen. Kinailangan nyang umalis at mangibang bansa. Nung umpisa'y inakala kong kakayanin namin at maghihintay ako sa muling pagbabalik nya. Pero hindi na katulad ng dati na kinaya naming maghintay, last August 2023, tuluyan na kaming naghiwalay. Lubha akong naapektuhan kase halos ibinigay ko na yung buong buhay ko sa kanya. Lahat ng pangarap ko, sa kanya ko na pinaikot. Pero sa mga dahilang masasabi kong malaki din ang naging kasalanan ko, hindi ko rin sya masisisi kung bakit sya bumitaw. Ngayon ay wala na akong nilolook forward na makasama sa muling pagpapakita ng kometa sa mga susunod na dekada. Pero isa lang ang sigurado ako, pipilitin kong mabuhay hanggang sa nasabing yugto para lang mapatunayan na...naghintay pa rin ako sa kanya.

Halos 2400 years mula 1997 ang itatagal bago muling makita sa Earth ang Hale-Bopp samantalang 75 years naman ang sa Halley's mula nung 1986. Gusto kong isipin na sana Halley's na lang sya na makikita ko pa din sa mas madaling panahon sa kanyang pagbabalik. Pero it looks like na Hale-Bopp sya at hindi ko na muling masasaksihan. Masyadong malalim at hindi na maaayos ang naging dahilan ng paghihiwalay namin na nagpasya akong hayaan na lang sya sa peace na deserve nya. Ayoko nang maging panggulo sa kanya at tama na naging part sya ng kahapon ko na maihahalintulad ko sa napaka ligayang experience nang maencounter ko ang Hale-Bopp nung 90s. Kaya naman sa taong 2061, sa pagtingala ko sa kalawakan sa isa mga gabing yun, tiyak ako na sya ang maaalala ko. 

Hindi ko sinasabi na mananatili akong single hanggang sa panahon na yun. Tao lang din ako at madami pa kong pagkakataon na mameet ang talagang nakatadhana para saken. Pero isa lang ang sigurado ako, ang event na yun sa future, ang paglabas ng kometa ay para lamang sa kanya. Mag-isa kong tititigan at sasalubungin ng ngiti ang paglitaw ng animo'y matingkad na pahabang tala sa kalawakan at hihilingin na sana'y nakikita nya rin yun. At nawa'y maalala nya na minsan sa buhay nya, ay may nameet syang isang weird na tulad ko na nagmahal sa kanya ng totoo at walang katumbas. 

Hindi matatapos ang entry na to kung hindi ko babanggitin ang sobriety journey na patuloy kong tinatahak ngayon. Patuloy ang pagsusumikap kong maging healthy at umaasang madelay ko ang aging upang mabuhay pa ng mas mahaba. Minsan na nya saken sinabi na ingatan ko ang sarili ko para umabot pa ako sa pagbabalik ng Halleys sa edad na 74 habang sya ay 63. Napakasupportive nya sa pagbigay ng mga health related stuff saken na marahil ay sadyang love language nya para lang masecure na healthy ako palagi. Pero I let her down nang malululong ako nang tuluyan sa bisyo. Sinabi ko din sa kanya na kahit naka-wheelchair na ko, kahit naka dextrose na ko, basta hawak nya kamay ko, ieextend ko ang buhay ko kahit isang gabi pa para lamang masaksihan at maipagyabang ang kwentong sinimulan ko sa kanya nung 2020. 

Kung mababasa nya to, sana malaman nya na, its never a goodbye with her. She will always be in my heart and she will never be gone. I fully support her and I respect na she's happy now. I commit on not sending her any signs that I'm still here with my heart still beating for her but rest assure...I will go on with my life with the gift she gave me. The gift of life, a second chance in life. Never again that I will threat my own life just because I fail to someone or to something. She taught me that very well and I will keep that in mind and deep in my heart.


Saturday, August 24, 2024

Nang minsang matulog ako sa gitna ng highway - Kwentong Kalasingan

 

December 2023, madaling araw na nun. Malakas ang ulan at halos hindi ko na maaninag ang daan habang ako'y nagdadrive. Walang masyadong tulog nang nakaraang gabi at eto't kargado ng litro-litrong red label at redhorse. Good! Death wish!. Hindi ko na alam nun kung makakauwi pa ba ako ng buhay. To make matters worst, wala na akong nakikitang liko, puro diretso na lang. Kako, oras na makakita ako ng maliit na liwanag na parang nasa dulo ng tunnel, tiyak na nasa kabilang buhay na ako. Bago pa tumakas ang natitirang katinuan sa utak ko ng mga oras na yun, nagpasya akong itabi na ang minamanehong motor at magpa-umaga na sa gilid ng kalsada.

Tumabi ako at bumaba sa motor. Wala nang lakas na natitira sa katawan ko at pabagsak akong umupo sa gilid ng highway. Sa kabila ng kalsada ay ang natatanging source ng liwanag sa area na yun mula sa poste. Wari'y nahipnotismo ako at tumitig sa liwanag na nagpatingkad sa malalaking patak ng ulan. Sa tagpong iyon, biglang nagflashback saken lahat ng dahilan kung bakit ba ako napunta sa ganitong sitwasyon at kung safe pa ba akong makakalabas dito. Hindi naging mabait saken ang taong 2023 at sinisi ko lahat ng pwede kong sisihin kung bakit ang dami kong pasanin nun. Basang basa ako at naghalo na ang tubig ulan at luha sa mukha ko. Luhang hindi ko na napansin na umaagos sa aking matabang pisngi.

Natulala ako ng ilan pang sandali mula sa pagkakatitig sa ilaw hanggang sa napagpasyahan kong tumayo mula sa kinauupuan.  Nalimutan ko na na nasa kalsada ako at anytime ay pwede ako mabundol ng rumaragasang sasakyan kung tangkain kong tumawid. Determinado akong marating ang poste at mas makita ang liwanag nito sa malapitan. Animo'y isa akong gamu-gamo na hayok na hayok sa liwanag at gagawin ang lahat malapitan lang ito kahit...maging mitsa pa ito ng kapahamakan ko. Bakit nga ba ako gutom na gutom sa liwanag?

Gamit ang natitira ko pang lakas, inihakbang ko ang aking mga paa. Napakabigat ng katawan ko na overweight at marahil ay composed of 80% percent alcohol (dinaig ko pa ang Green Cross). Sa dahan-dahan kong paghakbang ay ang walang tigil pa ring pag-agos ng luha ko. Nasa punto ako ng sinasabing lowest point ng buhay at wala akong makitang paliwanag o solusyon sa mga problema ko. Alak at tanging alak lang ang laging sumasama saken. Alak lang ang pumapawi ng lahat ng sakit na dinadamdam ko sa kaibuturan ng puso ko. Pero sa mga oras na yun, tila hindi ko na kaya at gusto ko nang sumabog. Pinaralisa na ng alak ang buo kong katawan pero ang puso ko'y patuloy pa ring dumudugo at wari'y nakikiusap na tapusin ko na ang lahat ng hapdi na yun...dahil hindi na nya kaya. Marahil, kung kaya't pilit kong inaabot ang liwanag sa poste ay dahil sa laksa-laksang katanungan sa isip ko na ibandona ko na at piniling kandaduhan ng alak tuwing sila'y sabay sabay na nagpupumiglas at nais kumawala. Although this time, sobrang taas na yata talaga ng tolerance ko at hindi na magshutdown ang utak ko na usually ay easy na nalulunod ng alak.

"Hindi ko na kaya..." mahinang sambit ko sa sarili.

Pumaimbulog sa kalawakan ang mahaba at matalim na guhit ng kidlat at sinundan ng dumadagundong na kulog. Galit na galit ang panahon at hindi na ko nagdalawang isip na sabayan ito. Buong lakas kong isinigaw ang mga hinanaing ko habang patuloy ako sa paghakbang. Paulit-ulit sa hindi ko na alam kung gaano katagal binato ko ng panaghoy, sigaw at hindi ko na maipaliwanag na tindi ng emosyon ang meron ako sa mga oras na yun ang inosenteng ilaw sa poste. Walang ibang tao sa bahaging iyon ng kalsada at malayo ang mga kabahayan. Tanging ako lang, ang street light at ang negatibong enerhiya mula sa aking paghihinagpis ang bumabalot sa buong lugar. Ilang sandali pa'y waring bumibilis ang pag-ikot ng paligid. Tumingin akong muli sa ilaw ng poste at animo'y gumagalaw na ito, paikot at umiikid na parang ipu-ipo.

"Holy shit. I'm so drank..." ang nasambit ko na lang sa sarili sa gitna ng pinakamalalang pagkalasing na dinanas ko sa buong buhay ko.

Unti-unti nang humihina ang ulan pero lalo pa ring umaakyat ang tama ko. Traydor ang red label na nuon lang sumirit ang tama. May ilang ilaw na akong nakikita at di ko alam kung hallucination na ba yun. Ang alam ko lang, malapit na ko matumba at mawalan ng malay. At hindi nga ako nagkamali, tuluyan na kong nabuwal. Hindi ko na nagawang lumakad pa pabalik sa gilid ng kalsada, sa ligtas na lugar. Wala na akong lakas. Dito na ko matutulog...goodnight. Kung magigising pa ba ako? Hindi ko na alam.

"Nunoy sino ka baga? Kaninong anak ka?" ang tinig na gumising saken ng umagang iyon.

Alas singko mahigit na at nagsisimula nang magliwanag. Goodmorning sa aking namimitig at namamanhid na braso mula sa pagkakapatong sa mesa na nadadaganan ng ulo ko, nakatulog ako sa ganung posisyon. Kung paano ako napunta sa kubong iyon, hindi ko rin alam. Tumulala ako ng ilang segundo sa napakagandang bukid na medyo nababalot ng hamog.

"Ulap! Asan na ako?! Fu**k, nasa kabilang buhay na yata ako." bulong ko sa sarili habang nalilito pa rin at parang binibiyak ang kaluluwa sa hang over.

Habang kinakamot ang ulo kong puro buhangin ay naalala kong tinatanong nga pala ako ng matandang babae. Nagpakilala ako kay nanay na sumaklolo saken. Sa probinsya, sabihin mo lang sa kanila ang apelyido at kung hindi pa yun sapat, sabihin mo kung anong bansag  sa angkan nyo at makikilala ka nila. Pero, hindi pa din nakakaproud na napulot nila akong wasted at wasak na wasak sa alak sa gitna ng kalsada. Alam kong makakarating ito sa nanay ko at hindi ako magiging masaya. Kinakabahan ako sa nanay ko pero mas kinakabahan ako sa tita ko. Kumbaga sa bagyo, yung tita ko yung bawi, mas malakas at mas malaki ang damage. Pero bakit ba ako nag-aalala sa pagsabon na gagawin saken ng mga matatanda ko? Heto't buhay ako at nagkaroon ulet ng isa pang tsansa.

"Ay nunoy maigi't nakita ka nung kotse at hindi ka nasagasaan. Nasa gitna ka ng kalsada natulog. Ay bakit baga naman at dun ka natulog? Hesus, Hesus Maryosep. Ikaw baga ay magpapakamatay na? Maigi pa yung motor mo at nakatabi. Grabe naman ang kalasingan mo nunoy ko." ang litanya ng matanda saken na instant nagkaroon ng lisensya na sermonan ako ng malamang kababata nya ang nanay at tita ko.

Ipinaliwanag ko naman sa kanya na hindi ko na talaga kinaya ang kalasingan at humingi ako ng dispensa at taos pusong nagpasalamat sa kanila lalo na sa driver ng kotse na hindi ako sinagasaan at inihingi ako ng tulong sa kanila para madala sa safe na lugar. Bagama't tumindig pa rin ang balahibo ko sa posibilidad na baka hindi ko na nasilayan ang magandang umagang iyon kung minalas at nagulungan ng sasakyan. Main road ang kalsadang napili kong gawing kama at sinuwerte akong malayo sa kurbada na dahilan para makita agad ako ng paparating na sasakyan. O sadyang hindi ko pa talaga oras?

Umuwi akong tangay ang hindi malilimutang karanasan na yun at araw-araw ko yung pinagbulay-bulayan maging pagbalik ko sa Manila. Malaking dahilan ang insidenteng yun para magpasya akong tumigil na sa pag-inom ng alak. Nabigo ako nun na tawirin ang kalsada upang malapitan ang liwanag sa poste sa hindi ko pa rin maipaliwanag na dahilan. Ngunit iyon pala'y simbolo ng kagustuhan ko din na maintindihan ang nangyayari saken at makatagpo ng liwanag na syang magpapahinto ng aking bisyo at mag-aalis saken sa kadiliman. Subalit sa proseso ng paghanap natin ng kasagutan, may tamang lugar, panahon at kondisyon ng pag-iisip ang dapat isaalang-alang. Sa tulong ng mga mahal sa buhay, natawid ko ang kalsada at nabagtas ang daan patungo sa liwanag. It so happened na hindi sa lahat ng pagkakataon ay kaya mong mag-isa. Sa buong paglalakbay ko dito sa paghinto sa pag-inom ng alak, (na seryoso kong nilalabanan araw-araw), nandyan yung mga tao na bukas ang pusong sumuporta at umalalay. Kapag hindi mo na kaya at gusto mo nang gumive up, magtap-out ka pero bumangon ka at subukan mo ulet magsimula. Kung nanghihina na ang mga paa mo at pakiramdam mo'y hindi mo na kayang humakbang para sa pag-asa, alalahanin mong hindi ka nag-iisa, magpatulong ka, wag kang mahiya. Wag ka matutulog sa gitna ng kalsada, wag mong sirain ang buhay mo, wag mong tapusin ang buhay mo...masyado itong maganda, masyado itong precious para ibasura mo lang.

Tuesday, August 13, 2024

Kalayaan sa Alcohol - Ika-142 Araw: Mga Imahe sa Maduming Salamin


Buwan ng Wika ngayon kaya hayaan nyo akong managalog. Nais ko lamang bisitahin ang mga pagbabagong patuloy kong itinatala dito sa'king talaarawan. Marahil ay nagsasawa na kayo sa patuloy kong pagbida ng mga pagbabago sa aking pisikal na kaanyuan mula nang ako'y huminto sa bisyong nagpagupo ng aking sistema, nagpalugmok sa'king pag-asa at tuluyang nagpahina sa aking paniniwala sa magandang bukas. Ngunit wala akong hangarin kundi nawa'y makapagbigay lamang ng inspirasyon at paghuhugutan ng positibong pananaw ng mga katulad kong maraming beses nang tumingin sa salamin ngunit naging bulag sa katotohanan ng tunay nilang imahe sa kasagsagan ng kanilang pagkahumaling sa bisyo. Maniwala kayo sa akin o hindi, wala sa dumi o linis ng salamin ang basehan ng tunay nating kaanyuan. Ang imaheng maaaninag, malabo man o malinaw ay repleksyong nagkukubli ng sari-saring digmaang patuloy nating dinadanas sa ating mga sarili. Subalit ang persona na nasa iyong harapan, natanong mo na ba kung may silakbo sa kanyang damdamin na ibsan ang digmaan o manatili na lang na talunan ng kanyang kahinaan? 

Isandaan at apatnapung araw ng aking iwaksi ang alcohol at buksan ang aking mga mata sa katotohanang ako'y hindi pumapaimbulog, bagkus ay patuloy na bumubulusok sa bangin ng paghihinagpis at kabalintunaan. Pawang mga pasakit at pagdurusa lamang ang mga litratong naiipon ko saking balintataw sa tuwinang ako'y titingin sa salamin. Mataba, wari'y namamaga ang katawan at laksa-laksa ang iniindang karamdaman sa parehong pisyolohikal at mental na aspeto ng aking pagkatao. Maraming beses akong sumubok na magbago, itapon ang maling gawi ngunit ganun din kadami ang bilang ng kabiguan na aking tinamo. Ngunit ika nga ni Martin Luther King Jr. "Huwag mong tingnan ang buong hagdan. Magpokus ka sa unang baitang at magsimula kang humakbang". Kung uubusin mo ang oras sa kakaisip pero walang ginagawa, wala kang masisimulan. Kaya naman sa unang araw ng pag-alab ng aking pagnanasa na kumawala sa kadena ng bisyong ito, ang tangi kong ginawa ay masdan ang pagsikat ng araw hanggang sa paglubog nito na ang aking labi at lalamunan ay tuyo at hindi nalapatan ng serbesa o alcohol.

Ngunit hindi sapat na ako'y hihilata lamang at uulitin ang pagmamasid sa pagpalit ng petsa at ngingiti sa tagumpay laban sa alak. Ang laban ay hindi mapagwawagian kung anumang oras ay maaaring atakehin ng tukso ang iyong kahinaan. Sa muli kong pagtingin sa salamin ay umalagwa ang taba sa paligid ng aking tiyan na wari'y nagsusumamong lamnan ko sya ng serbesang nakagawian. Ako'y mariing tumanggi at tangan ang kapirasong lakas na unti-unti ko nang naiimpok sa pitumput dalawang oras na walang alak saking sistema, inihakbang ko ang aking mga paa...mabagal at pabilis nang pabilis. Ilang sandali pa'y halos madapa ako sa kongkretong daan pagkat gusto pa ng isip ko ngunit ang aking mga paa'y hindi na makahakbang. Pulikat at hindi ko maipaliwanag na hapdi ng kalamnan ang aking naramdaman. Tumabi ako at pinagmasdan ang mga batang naglalaro habang naliligo sa pawis na matagal ko nang hindi narasanan. "Kung kaya ko lamang bumalik sa kahapon na tulad ng mga kabataang ito, hindi sana ako mukhang uugod-ugod sa sulok na wari'y matandang kulang na lang ay tungkod" wika ko saking sarili. Isang malalim na buntong hininga kasabay ng pagkusot sa matang pinasok na ng maalat na pawis. Sinilip ko ang aking sarili sa camera ng aking telepono at napansing sa likod ng mukhang hapo at naliligo sa pawis ay may ningning na wari'y nakikiusap na pakawalan. Tumayo ako at buong giting na tinanggap ang hamon. "Ito na ang simula!" sigaw ko sa king isipan.

Muli akong humakbang. Inisip kong ang sakit ay nasa isip ko lamang at kakayanin ko ang tatlong kilometrong aking minithing takbuhin nang dapit hapon na iyon. Ilang sandali pa'y binalot na ng manhid ang aking mga binti at patuloy na ito sa paggalaw. Ngunit ilang minuto pa'y wari'y nanlabo ang aking paningin at hindi na ako makahinga sa pagod. Sa aking tagiliran ay may kung anong kirot din na hindi ko maintindihang patuloy na tumutusok na animo'y patalim, makirot at alam kong tiyak ang aking pagbagsak sa matigas na semento kung hindi ako hihinto. Tumingin ako sa kanluran at ang kulay dugong araw ay handa nang magpaalam sa petsang ito. Sayang sapagkat hindi nya nasaksihan ang aking tagumpay na tapusin ang itinakda kong distansya sa unang araw ng aking pagtakbo. Di bale, buong giting kong ipagmamalaki sa buwan ang isa na namang pagkakataon na sya'y sumikat na ako'y hindi nagalaw, hindi nalango ng alak at mananatiling matatag sa noo'y panatang unti-unti nang tumitibay.

Buong giting kong tinapos ang aking itinakdang distansya ng pagtakbo ng gabing iyon. Lakad, takbo man ang naganap ay masaya kong tinanggap ang katotohanan na ito ay prosesong nangangailangan ng panahon. Tumingin ako sa salamin at ang dati'y malaking tiyan na sanhi ng aking lungkot ngayo'y mistula nang gasolina sa aking matinding mithiin na magbawas ng timbang at taglayin ang pisikal na anyo na huli kong tinaglay nung 2016.

Sa pagdaan ng panahon at mula sa kalunos-lunos na tagpong iyon sa unang araw ng aking pagpapakasakit tungo sa pagbabago, sa wakas ay unti-unti nang nagbubunga ang aking pagsusumikap. Tanging galak at sigla ang aking nakikita sa repleksyon sa salamin. Patuloy, hindi ako humihinto at lalo pang nag-aalab ang aking mithi para sa pagbabagong noo'y inakala kong imposible. Sa ika-365 na araw na syang bilang na aking itinakda na walang kahit isang patak ng alak na makakapasok saking katawan...magiging salamin ko na ang mga mata ng mga taong naniwala maging ng ilan na nagtangkang humila saken pababa sa mithiin kong ito. Sapagkat kahit ang maduming salamin ay hindi magsisinungaling sa imaheng kanyang ipinapakita. Ikaw, ako, tayong lahat ang magtatakda ng sarili nating repleksyon.

Share