Wednesday, November 20, 2013

Kwentong Volunteering

1460043_555248791219127_974168327_nNaranasan mo na ba magbuhos ng oras at pagod na walang hinihintay na kapalit makatulong lamang sa mga nangangailangan? Eto ang kwento ko.

Linggo, ika-17 ng Nobyembre, boring, nakakatamad at parang gusto kong mahiga na lamang. Dapat ay papunta ako sa Villamor Airbase pero naging malabo ang usapan sa plano kong samahan na grupo kaya pinasya kong mag stay na lamang sa bahay kasama si G at magpakabulag sa sangkatutak na movies sa PC ko. Biglang nagtxt si G para tanungin kung anung gagawin sa araw na yun. Ito ang reply ko: “Maglalaboy tayo…indefinitely.”

Pagkatapos magfoodtrip, tulog naman. Ipinahinga ko ang hapo kong katawan sa isang linggong trabaho, aral at puyat. Gabi na nang marealize kong hindi pwedeng walang mangyari sa araw na ito. Nagpasya kami ni G na tumungo sa Resorts World Manila. Bakas sa mukha nya ang malalim na tanong kung ano ba talaga ang gagawin namin. Lakad, lakad at lakad pa sa loob at labas ng mall na yun. Hanggang sa maisip ko na bat di kaya dumiretso na kami sa Villamor Airbase at kumuha ng pics ng mga dumarating na survivors sa Manila. Tapos uwi na din. Sunod na napansin ko, nasa Villamor Airbase na kami.

Suot ang makasaysayan kong rubber shoes, pantalon at Pilipinas shirt, nagpalakad-lakad na naman ako kasama si G na nakaredshoes at white pants pa na akala ay magsstroll lang kami kung saan. Umakyat kami sa Grandstand ng airport at tumambad saken ang kalunos-lunos na itsura ng sangkatutak na survivors na inaasikaso ng volunteers at DSWD. Dun ko na niyaya si G para magparegister…para magvolunteer…para makiisa sa pagod na dinadanas ng mga nais makatulong.

Napunta kami ni G sa counseling team na kung saan ay in charge kami sa pag-stress debriefing ng mga typhoon survivors. Nagdoubt pa nga ako sa kapasidad ko sa task na ito dahil malayong kamag-anak lang ng Psychology ang course na tinapos ko unlike kay G na Psychology talaga ang background nya. But equipped with pure heart, spirit and determination na makatulong sa mga nasalantang ito…magiging adventurous ang gabing ito, nasabi ko sa sarili ko.

Halos hindi ako makapagsalita sa unang pamilya na inassist ko. Halos hindi ko mahagilap ang mga dapat kong itanong sa kanila. Nang lumabas sa bibig ko ang unang tanong sa unang survivor na nakausap ko (“Kumusta po kayo?”) halos bumulwak ang luha sa mga mata ko sa kanyang isinalaysay. Dalawang araw na pumila para makasakay sa eroplano papunta sa kamag anak sa Manila. Sa dalawang araw na ipinila nila, gutom, puyat  at hindi masukat na stress ang kinaharap nila. Hindi sila nakakatulog ng maayos pero habang nasa pila, tulog man sila o gising ay paulit-ulit na inaatake sila ng bangungot na dulot ng bagyong Yolanda. Paulit ulit na hinahagupit ng mapait na ala-ala ang mga puso at isip nila tuwing babalik sa gunita nila kung panung sa mismong harapan nila ay tinangay ng malakas na hangin ang bahay nila at nilubog ng baha ang kanilang kabuhayan. Ginawa ko ang best ko para ibahagi sa kanila ang mga bagay na alam kong dapat nilang gawin para malagpasan ang krisis na yun lalo sa aspetong psychological. Pagkatapos ng stress debriefing, walang kasing-rewarding ang makita ang mga ngiti na para bang papasikat na araw na unti-unting gumuhit sa kanilang mukha. Tumaas ang energy ko at tulad ng orasan na walang pagtigil sa pag-ikot, ginamit ko ang bawat sandali para makapagbigay ng kapanatagan sa iba pang mga survivors.

1452518_555249454552394_1722451197_nPagod na ang lampas kalahati ng mga volunteers at staffs ng DSWD nang maghahatinggabi. Pero walang tumitigil sa pagkilos. Habang kumakain ang mga kararating lang na mga survivors, tumulong na rin ako sa mga marshalls na magbigay sa mga tao ng mga pangangailangan nila mula sa mga donations. Katawan at utak ko na ang magkasamang napapagod pero wala akong regret, nag-eenjoy ako sa ginagawa ko. Sa kabilang banda, ang aking si G ay walang complain, tuloy din ang pagkilos.

Mula sa pagtulong sa isang hindi alam kung panu hahanapin ang kaanak sa Manila hanggang sa pagcomfort sa batang pati tunog ng eroplano ay kinatatakutan, hindi ako pumili ng kahit sinong nangangailangan ng assistance dahil lahat sila ay biktima. Hindi ko malilimutan si Ana, isang 10 year old na batang babae na bakas na bakas ang matinding anxiety sa kanyang mukha. Hindi alam ng kanyang ama ang gagawin sa bata. Sobrang payat na nito at bahagya lang kumain. Kinausap ko sya at inalam kung anung nangyari. May mga kalaro syang napasama sa 4,000 na mga namatay at kahit ang pagkakataong makumusta man lang ang mga kaklase at teachers nya ay hindi nya magawa. Pero gustuhin man nyang makasama ang mga kaibigan, pinili na rin nyang sumama sa Maynila dahil ayon sa kanyang ama, baka hindi makarecover agad ang anak nya habang nasa lugar na kung saan ay naganap ang matinding trauma sa buhay nila. Pagkatapos kong kausapin ang kanyang ama, bumalik ako kay Ana at sa paraang maiintindihan nya ay ipinaliwanag ko sa kanya ang mga nangyari at kung panung ang isang tulad nya ay makakaraos sa krisis na iyon. Positive ang response nya. Napansin kong may pagkafashionista ang batang ito at ang ending? Naging counselor/fashion consultant ako ng kanina lang ay puno ng lungkot na si Ana at ilang saglit pa ay naghahanap ng fitting room sa gitna ng airport/evacuation area. Salamat pala sa mga nagdonate ng mga damit, sa ganda at quality ng mga damit na idinonate nyo, baka magmula pa sa mga taga-Samar ang susunod na Next Top Model. Ooops..wala nga pala ako alam sa fashion so maaaring ako pa ang naturuan ni Ana sa part na yun. Ahehe..

1465182_555249021219104_909525656_nTumatakbo ang oras at 6 hrs, nonstop na kami ni G na nagvovolunteer. Lagi ko syang tinatanong kung kaya pa at kaya pa naman daw. So sige, tuloy ang aksyon. Isang pamilya naman ngayon na galing sa Brgy. Guian sa Samar ang inassist ko. Iba na ang approach ko ngayon sa pakikipag-usap. Mas cool na at ewan ko kung standard pero effective din pala ang mag-crack ng mga jokes na para bang nasa tindahan lang kayo ni Aling Puring at umiinom ng malamig na sopdrings na nasa plastik.

Me: Ate kumusta kayo? Mukang nastress kayo ng konti. Sori dahil di natuloy shooting nyo sa Tacloban dahil sa bagyo.

Ate: (sa salitang War-log=Waray+Tagalog) Ay anu ka ba. Di naman ako artista.

Me: Ay sori kala ko si Marian Rivera ka po na nagulo lang ng konti ang hair.

Hagalpakan ng tawa. Pagkatapos ng tawanan ay naisalaysay nya saken ng buong buo ang nangyari at parang soap sa TV, may iyakan din na nangyari…pero walang malisya yakap ko sa kanya ha. Para macomfort lang (wag judgmental ok?)

Isa pang klasik:

Me: Boy ikaw ba ay nakapag-paalam sa girlfriend mo?

Boy: Hindi nga po kuya e.

Me: Ikaw ba ay magiging loyal sa gf mo ngayong nandito ka na sa Maynila?

Boy: Ay oo naman kuya. Ay san po pala pwede makigamit ng cp kase nasira po cp ko, sim lang naisalba ko.

(Sinamahan ko sa libreng tawag at text booth)

Boy: Kumusta ka na dyan Yolly? Andito na ko sa Manila.

Me: Anug pangalan ng gf mo?

Boy: Yolly po.

Me: Short for?

Boy: Yolanda

Me: Nagpramis ka ha. Hindi mo iiwan yan.

Boy: Opo.

Me: Magaling kung ganun.

Another one:

Sa CR habang pila-pila ang gumagamit. May lumapit saking babae. Nakiusap kung pwede gumamit ng CR ng lalaki dahil blockbuster nga yung sa babae. (Ako ngayon ay counselor/fashion consultant/utility) Go lang ate. Ako bahala. Nagkekwentuhan pa kami ni Ate habang nasa loob sya ng cubicle ng dumagsa ang mga lalaki at kanya kanyang pwesto sa urinal. Ang iba ay naghihintay mabakante ang cubicle. Nagpapawis na ko ng gamunggo dahil ako lang ang naka-ID ng volunteer sa CR at alam ng mga lalaki na ako nag nagpapasok sa babae. Paglabas ni Ate sa cubicle, mistulang dinaanan ng Yolanda ang mga lalaki sa urinal sa lakas ng patak ng ihi dahil sa pagmamadali. Nang makalabas na kami ni Ate ng CR, nagpasalamat sya saken habang ang ibang lalaki ay chinecheck kung tamang CR ba talaga yung napasukan nila. At least walang nabitin sa pag-ihi at lahat ay nakaraos.

Hindi lang sa mga survivors nagkaron ng nakakatawang experience kundi pati na rin sa mga co-volunteers ko.

Sa clothing section:

Me: Bro damit naman para kay lola please.

Bro: (Iniaabot saken ang evening gown)

Me: Ahmmm… Hindi pa nya kayang dumiretso ng party after nito pre. Magpapahinga muna daw sya. Pwede yung mejo pambahay lang?

Bro: Ay sori pre.

(At saglit naging comedy bar ang clothes section na dahilan para mawala ang antok ng mga puyat na volunteers.)

1461205_555249284552411_192942033_nNang almost 10 hrs na kaming nakaduty ni G, lumabas na ang mga signs na talagang pagod na kami. Pero dahil napakarami ng nangangailangan ng assistance, di pa rin kami humihinto. 1390470_555249151219091_2039513140_n (1)Pagkatapos kong isakay ang isang pamilya sa taxi na hindi sinuwerteng makatyempo ng volunteer na maghahatid (mula sa Oplan Hatid na talaga namang napakalaking tulong sa mga survivors na magtatravel sa M. Manila at karatig probinsya) bumalik ako sa airbase para kumustahin naman ang isang mag-ina na ki-nounsel ko din. Inindorse ko sila sa dalawang madre for spiritual guidance. Laking gulat ko nang maging ganun na lang ang pasasalamat saken ng mag ina at pati ng mga madre. Pinagtagpo ko ang dalawang relatives na dekada na ang nakakalipas bago muling magkita…si mother superior at si nanay. Niyakap ko ang mag-ina bago ako umalis pero humirit si Sister.

Sister: Anak, akin na ang cel number mo.

Me: Ay sure po Sister. Bakit po pala?

Sister: May opening sa seminary. Tulungan kita magpari.

Me: Di nga po. Seryoso?

Sister: Alam mo anak, kahit di mo na kami tinawag, ramdam ko ang spiritual guidance na naibigay mo sa mag-ina.

Me: (My god nag-adrenaline rush ako, naalala ko lahat ng mga verses sa bible na sinabi sa isang channel sa TV na aksidente ko lang napanuod.) Ahhmm…itutuloy ko na lang po pagiging public servant sister. Magugustuhan din naman po nya yun (sabay turo sa taas) di po ba?

Sister: Magpapari ka anak, magpapari ka. Ok?

Gisselle: (Worried)

Pagkatapos ng halos 12 hrs na volunteering works sa Villamor Airbase, pauwi na rin kami sa wakas. Magkakahalong emosyon ang naramdaman ko. Saya, tuwa at lungkot. Saya dahil sa isang hindi malilimutang experience. Tuwa dahil kahit hindi ko talaga to pinlano ay nangyari ito at higit pa sa ineexpect ko ang satisfaction na naramdaman ko sa pagkakawangawa. Lungkot dahil sa napaikling panahon na nakasama ko ang mga kapwa ko Pilipinong buong tapang na hinarap ang malaking hamon na ito sa kanilang buhay…saglit ko lang silang nakasama at mawawalay na ko sa kanila. Mabuhay ang mga mga survivors ng typhoon Yolanda! Hinding hindi ko kayo makakalimutan.

1452064_555249201219086_520123428_n

Share