Saturday, June 28, 2014

Bagong Adbentyur, Bagong Hamon

Matagal na panahon na mula nung huli akong magsulat sa blog na to. At sa mga panahong nagdaan na naiwang nakatiwang-wang ang blogsite na to, ako'y busy sa paggawa ng sari-saring mga bagay. Nariyang halos di ako natutulog para matapos lang ang mga assignments sa masteral, malasing ng todo na mala "Hangover" movie ang tema, magbisikleta ng walang humpay hanggang sa magbakbak ang balat ko sa sunburn at halos di na maigalaw ang binti sa pagod, ano pa ba? Ah basta madami. Pero ang highlight ay ang kasalukuyang pinasok ko na alam ng lahat na di biro pero dala ang sapat na lakas ng loob at determinasyon, pinasok ko ang mundo ng pagtuturo...Isa na kong instructor/lecturer ngayon sa isa sa mga kolehiyo dito sa Manila.

Feeling ko, karamihan sa mga pinagbabanggit ko sa blog na to sa nakalipas na apat na taon ay kahit paano'y nagkaroon ng katuturan. At least ngayon, hindi ko na masasabi sa sarili ko na bunga lang ng malikot na imahinasyon ko ang mga nalikha ko sa blog na to. Dahil araw-araw, sa loob ng apat na taon, iba't ibang uri ng tao ang nakasalamuha ko. Nandyan ang mga katrabaho ko sa call center, mga kaklase ko sa masteral course, mga propesor, abugado, duktor, atleta, taksil na ex, adik, kriminal at libo-libong kawawang taxpayers at marami pang iba. At lahat nang natutunan ko mula sa karanasan at mga istorya ng iba't ibang mga tao na yan ay naibabahagi ko sa klase ko. Ang mga positibo at negatibong aspeto ng mga leksyong napulot ko ay maingat kong hinimay para maibahagi saking mga estudyante upang nang sa ganun ay mairelate nila sa tunay na buhay ang mga itinuturo ko.

Hindi madaling magturo ng social science at iba pang subject discipline na relevant sa field of specialization ko. Kelangan mong maideliver ang klarong picture ng tunay na buhay habang iniingatang hindi maalis ang application ng science sa bawat piraso ng impormasyon o konsepto na nakapaloob sa bawat lecture. Bagamat may mga pagkakataon nagiging hadlang ang emosyon sa pagpapalaganap ng mga kaalamang iyon, lagi akong bumabawi upang wag ma-stuck ang discussion sa iisang topic lamang. Hindi ko rin hinahayaan na hindi marinig ang boses ng mga kabataang inihabilin sakin ng institusyon upang gabayan sa kanilang edukasyon. Oportunidad para sakin ang marinig ang kanilang mga ideya dahil gaano man kaliit,kalaki, kakitid o kalawak ang mga ideya nila, mahalagang magkaroon ng makikinig at uunawa sa kanila.

Ang isang educator para saken in a general sense ay taong hindi naqualify mula sa mga kaalamang napulot nya sa libro kundi ang taong naqualify dahil sa balanseng paggamit nya ng wisdom at knowledge. Hindi ka naman kase gagawa ng mga halimaw sa institusyon na kulang sa puso at mayaman sa utak. Ang dapat na nakikita ng isang educator ay ang isang indibidwal na nadevelop ang tamang malasakit sa kapwa at sa lipunan habang taglay ang teknikal o academic skills na napulot nya sa kolehiyo. Marahil ay wala nang kukumpleto pa sa pakahulugan ng "higher education" kung ang bawat bagay na matututunan ng isang estudyante ay tatatak hindi lang sa kanilang memorya o kaisipan kundi pati sa kanilang damdamin.

Ang bagong adventure kong ito ang itinuturing ko nang pinaextreme at marahil ay mananatiling bago hanggat ang hamon ng kasalukuyang sistema sa edukasyon ay walang pagbabago. Nagkaroon ako ng napakataliwas na pamumuhay sa mga nagdaang taon na sapat na para mabuksan ang puso at isip ko upang makita ang totoong kulay ng mundo. Malabo man at ni sa imahinasyon ay hindi ko nakita ang sarili ko na tatayo sa harapan ng mga kabataang ito upang tulungan silang labanan ang kamangmangan, hindi naging mahirap saken na tanggapin ang biglaang hamon na to dahil alam kong sapat ang kaya kong ibahagi sa kanila. Salamat sa mga mali at baluktot na pareho kong naranasan at naobserbahan sa paligid ko. Ngayon ay handa na kong maging instrumento para magapi ang numero unong kaaway ng naghihingalo nating lipunan...ang kamangmangan. Kamangmangang hindi lang nag-ugat sa kawalan ng pormal na edukasyon kundi kamangmangang dulot ng saradong isipan na nagpasalin-salin na sa bawat henerasyon.


Share