Friday, August 5, 2011

Kwentong "Sperm" Cell

PAALALA:
Ang kwentong ito ay kapupulutan ng aral at pwede ring basahin ng mga may edad 18 pababa.

"UTOL"

Sa kung saan ay matatagpuan ang mga sperm cells, may magkapatid na sperm na palagi na lang nag-aaway. Ang isang sperm cell ay masyadong gahaman at makasarili. Gusto nya lahat ng protina ay kanya para daw lalo syang maging malakas at mabilis lumangoy. Hindi na raw kasi sya makapaghintay na maging ganap na sanggol at maging tao. Sa kabilang banda, meron namang sperm cell na mapagbigay at ang protina na isusubo na lang nya ay ibinibigay pa nya sa mga kapatid nya. Dahil sa magkaibang character ng dalawa ay palagi silang nagtatalo. "Mauuna akong lumabas sa'yo at sisiguraduhin ko na mas magiging maganda ang kapalaran ko sa labas ng mundo kesa sa'yo" ang sabi ni sperm 1 kay sperm 2. "Tama lang na maging maganda ang kapalaran mo dahil siguradong mamamatay ka sa inggit kung mapupunta sakin ang magandang kapalaran na yun" sagot ni sperm 2. Isang gabi habang natutulog ang lahat, nagkaroon ng matinding lindol. Nagising silang lahat at huli na nang mapagtanto nila na oras na pala yun para mamaalam sila sa isa't isa. Mabilis na lumangoy si sperm 1 at kaagad nyang natanaw ang liwanag sa dulong bahagi ng lagusan. Dahil siya'y malakas, mahusay at mabilis lumangoy, siya ang pinalad na makayakap kay itlog (egg cell). Ang milyon milyon pa nyang mga kapatid ay naiwan na luhaan at tinanggap na lang ang kanilang kapalaran. Ang ilan sa kanila ay napunta sa large intestine at ang iba'y napunta sa lalamunan at stomach. Hindi magkandatuto sa katatawa si sperm 1 sa sinapit ng kanyang mga kapatid. Si sperm 2 ay hindi pinalad na makasama sa batch ng mga lumabas dahil siya'y nanghihina kaya nagparaya na lang.

Siyam na buwan ang lumipas at ganap nang sanggol si sperm 1. Pinangalanan siyang Willie. Lumipas ang mga taon at si Willie ay malaki na. Isa syang matalino, mautak at tusong bata. Palagi siyang nangunguna sa klase at hindi lang siya kilala sa kanilang school kundi pati na rin sa iba pang school. Mahal na mahal siya ng kanyang mga magulang sa kabila ng katotohanan na siya ang dahilan kung bakit nakatuluyan ng kanyang ama ang kanyang ina. Tama, dahil pinikot lang ng kanyang ina ang kanyang ama . Marangya ang pamumuhay ni Willie at sunod lahat ng layaw nya.

Sa kabilang banda, isang batang gusgusin at nakatira sa squatter ang busying busy sa paggawa ng kanyang homework habang talamak sa sipon ang kanyang t-shirt. Siya ay patpatin, sipunin at hindi katalinuhan. Mahirap lang sila at wala siyang ama. Ang sabi ng nanay niya ay hindi nya inakala na iiwanan sila ng kanyang ama pero hindi nya ito masisisi dahil naging biktima ang kanyang ama ng makasariling babae. Ang batang ito ay may pangalang Noel. Mabait si Noel at mapagbigay sa kapwa. Hindi man siya ganun katalino, masipag naman siya at matulungin. Hindi rin siya nanlalamang at laging iniisip ang kapakanan ng iba.

Lumipas ang panahon at si Willie ay ganap nang matagumpay na abogado. Sa kabila ng pagiging tarantado ni Willie at pagbubulakbol sa pag-aaral ay nagtagumpay ito dahil na rin sa pagiging tuso at paggamit ng impluwensya. Naging presidente kasi ng Pilipinas ang kanyang ina na naging madali dahil sa pandaraya. Ilang panahon pa ang lumipas at kahit hindi gusto ng mga tao si Willie, nanalo ito bilang senador ng Pilipinas. Katulad sa kanyang ina, kabi-kabilang iskandalo din ang kinaharap nito dahil sa pandaraya.

Hindi gaanong pinalad si Noel. Bata pa lang siya ng una nyang masaksihan ang kalupitan ng gobyerno nang walang awa nitong idemolish ang squatter na kanilang tinitirhan. Sa kabila ng dagok na yun sa buhay nila ng kanyang ina, buong tapang pa rin nyang hinarap ang mga pagsubok at hindi siya nawalan ng pag-asa. Hindi na nag-asawa pang muli ang kanyang ina dahil umaasa pa ito na mabubuo muli ang kanilang pamilya. Bagamat maramot sa impormasyon ang kanyang ina tungkol sa kanyang ama, nirespeto na lang nya ito at nagfocus na lang sya sa kung paano siya magtatagumpay sa buhay. Dahil sa sipag at tiyaga, nakatapos ng pag-aaral si Noel at naging isa ring abugado. Dahil sa kabutihang loob ni Noel at sa dami ng maralita na kanyang natulungan ay naging matunog ang kanyang pangalan hanggang sa hirangin siyang pinuno ng isang malaking organisasyon na sumusuporta sa mga mahihirap o kapuspalad. Hindi na napigilan ang kasikatan ni Noel at mismong taong bayan na ang nagtulak sa kanya na tumakbo bilang pangulo ng bansa.

Samantalang, dahil anak ng dating pangulo at noo'y bise presidente ng republika, ano pa nga ba ang kasunod kundi ang pagtakbo ni Willie bilang pangulo ng Pilipinas. Sa puntong iyon ay makakatunggali nya ang tunay na people's choice na si Noel. Dahil nananalaytay sa dugo ni Willie ang pagiging ganid at makasarili, hindi siya papayag na siya ay matalo sa botohan. Pinakilos niya ang mga makinarya at pinili ang iligal at maruming pamamaraan ng pulitika upang manalo. Hindi nabigo si Willie dahil nagtagumpay siya at hinirang na Pangulo ng Pilipinas.

Mapait man at totoong hindi makatarungan ang sinapit na pagkatalo ni Noel, sinubukan pa rin niya itong tanggapin ng maluwag sa dibdib. Lumipas ang dalawang taon at matiwasay na namumuhay si Noel bilang isang karaniwang mamamayan. Isang gabi habang mahimbing na natutulog si Noel, dinalaw siya ng kakaibang panaginip. Siya raw ay isang sperm cell at ang pinakahinahangaan ng milyon milyon niyang mga kapatid. Ngunit may isa daw sperm cell na walang pakialam at ang tanging iniisip ay sarili. Nauna nga daw lumabas ang sperm cell na ito kesa sa kanya dahil ito'y malusog at mabilis na nakakapit sa egg cell. Halos mawalan na daw siya ng pag-asa na makakalabas pa para maging isang tao hanggang siya'y sorpresahin ng milyon milyong sperm cell na nagkasundo na hindi na sila lalabas at tanging siya na lang ang hahayaang lumabas para siguradong makakapit siya sa egg cell at mabuo bilang isang tao. Ayaw pa niya nung una dahil ito ay unfair para sa kanyang mga kapatid na mas may potential na maging isang produktibo at malusog na tao hanggang kausapin sya ng pinakamatalino at pinakamarunong na sperm cell sa kanilang lahat at ito ang sinabi sa kanya "Kapatid, ginulpi ang ating ama at hindi pinalad ang mga kapatid natin sa kabilang ibayo kaya iisa na lang ang sperm tank ng ating ama. Limitado na lang sa dalawa ang pwede niyang maging anak at dahil nauna nang nakalabas ang isa nating kapatid na gahaman, napagkasunduan ng lahat na ikaw ang sunod na lumabas at pigilan ang ating ganid at makasariling kapatid na maghasik nang kademonyohan sa mundo. Pumayag ka na dahil ikaw na lang ang pag-asa." Saglit syang natigilan at tinanong ang kanyang kapatid na bakit hindi na lang siya (ang matalinong sperm) ang lumabas dahil kailangan ng mundo ang tulad niyang henyo para tumuklas ng mga kapaki-pakinabang na bagay sa mundo. O di kaya ay ang kapatid nilang napakabait na maaaring mangaral at maghayag ng mabuting balita sa sanlibutan. Ngunit alam ng kanyang kapatid na henyo na kung siya ang lalabas ay maaaring maimbento nya ang isang bagay na makakasira sa kalikasan at sa mga tao. Narinig din ng tinutukoy nyang napakabait na sperm cell ang kanilang usapan at sinabi nito na ayaw niyang makisali sa alin man sa  magugulo at baluktot na mga relihiyon sa mundo kaya gugustuhin na lang nyang maging isang sperm cell habang buhay. Nakumbinsi siya at maluha-luha nyang tinahak ang landas patungo sa pagiging ganap na tao.

Nagising si Noel at sinariwa ang kanyang napanaginipan. Maaaring tama ang mga sperm cell na siya nga talaga ang pag-asa ng bansa. Tinipon nya ang kanyang mga kasama upang iparating na handa na siyang tumayo upang labanan ang baluktot na pamamalakad ng administrasyon. Isiniwalat nila ang pandaraya, katiwalian partikular na ang korapsyon sa pamahalaan sa ilalim ng pamumuno ni Willie. Dahil na rin sa pwersa ng masa at salamat sa lahat ng naniwala kay Noel, nagtagumpay sila. Nakulong si Willie at doon ay napagtanto nito ang lahat ng kamalian na kanyang ginawa. Nagsisi ang corrupt at gahaman na si Willie.

Isang araw ay dinalaw si Willie ng kanyang ama. Matandang matanda na ito at mahinang mahina na. Ang lalong gumimbal sa kanya ay ang kasama ng kanyang ama, ang pumalit sa kanya bilang pangulo ng Pilipinas...si Noel. "Ano ang ginagawa ni Noel dito? Pumunta ba siya dito para laitin ako? Ipamukha sa akin ang lahat ng kasamaan ko at mga pagpapahirap na ginawa sa bayan?" yan ang mga tanong na nabuo sa kanyang isipan sa pagdating ng hindi inaasahang bisita. Ganunpaman ay handa na siya na tanggapin ang mga pang uusig na yun dahil ganap naman na nya itong napagsisihan. Laking gulat ni Willie ng bigla siyang yakapin ni Noel ng buong higpit. Labis siyang nagtaka at bago pa man siya makapagtanong ay nagsalita na ang kanyang ama, "Magkapatid kayo". Sunod na dumating ang kanyang ina kasama pa ang isang matandang babae at inihayag nilang lahat ang katotohanan tungkol sa kanilang pagkatao , tungkol sa pagiging magkapatid nila na itinago sa kanila sa loob ng apatnapung taon. Humingi din ng tawad sa kanila ang kanilang mga magulang sa paglilihim na yun ngunit humiling ang mga ito na sana ay maintindihan sila kung bakit nila ito nagawa. Maimpluwensya ang naging ina ni Willie dahil ito ay galing sa angkan ng mga kilalang tao sa lipunan. Inibig nito ang kanilang ama at sapilitang inagaw sa kasintahan nito, ang ina ni Noel. Nilasing ng ina ni Willie ang kanilang ama at sila'y nagtalik pagkatapos. Huli na nang mapansin ng kanilang ama na may nangyari na sa pagitan nila ng babaeng hindi nya mahal. Puno ng bantay ang palibot ng resthouse pero nagpasya pa ring tumakas ang kanilang ama. Hinabol siya ng mga bantay at minalas na mapalo ng matigas na bagay ang pagitan ng kanyang hita. Dahil dun ay nanghina siya at nahuli. Dahil matapang at buo ang loob (kahit wasak na ang isang itlog) nanlaban siya at tuluyang nakatakas. Dali-dali syang sumugod sa tahanan ng naging ina ni Noel at sila'y nagtanan. Subalit masungit ang panahon at hindi sila makaalis sa nayon kayat nagpasya sila na palipasin muna ang gabi na magkasama at magkasiping. Nasundan pa rin ang kanilang ama sa kinaroroonan nito at muling dinampot at siniguradong di na makakatakas. Sapilitan itong ipinakasal sa babae na naging ina ni Willie samantalang ang ina ni Noel ay pinagbantaang papatayin kung hindi lalayo at lilisanin ang nayon. Natulala si Willie na huli nang nakaalam sa kwento at ilang sandali pa ay hindi nito namalayan ang nangingilid na luha sa kanyang pisngi.

Nagyakap ang magkapatid at halos hindi matapos ang kanilang iyakan at ang paghingi ng tawad at pagsisisi ni Willie. At dahil walang kasingtamis ang pagpapatawad, lahat sila kasama ang kanilang mga magulang ay nagkapatawaran at napagkasunduang gawing masaya ang natitira pang sandali ng kanilang buhay sa piling ng isat isa.

Naaprubahan ang absolute pardon para kay Willie dahil na rin sa sinseridad nito sa ginawang pagsisisi at paghingi ng tawad sa bayan. Ibinalik din nya ang lahat ng kanyang kayamanan sa taumbayan at namuhay ng simple kasama ang kanyang pamilya at kapatid na presidente na si Noel. Isang araw habang sila'y nagcecelebrate ng kanilang birthday sa loob ng isang class na restaurant, napansin nila na magkamukha pala talaga sila kaya bigla silang nagtawanan. Ilang sandali pa ay may pinag-uusapan sila tungkol sa panaginip na kapwa din nila napanaginipan. Lingid sa kaalaman nilang dalawa, mula sa hindi kalayuan ay kanina pa sila pinagmamasdan ng isang obispo...

Share