Thursday, September 3, 2015
Mga Payo para maka-move on mula sa Break-Up si Juan
Ang title ay napaka specific. Ito ay para sa mga Noypi o sa maskuladong Pinoy na walang klarong paraan kung paano mag-move on mula sa pagkasawi sa isang relasyon. Naniniwala ako na hindi universal ang paraan ng pag move on o pag-cope up mula sa break up at mukha mang madali sa mga Kuya natin ang maghandle ng ganitong sitwasyon, ang totoo'y mas mahirap para sa kanila maka-move on kesa sa mga babae. Isa sa mga dahilan ng mataas na mortality rate o kaso ng pagkamatay ng mga lalaki ay ang pagkasawi sa pag-ibig kaya hindi dapat balewalain ang isyung ito. Kaya basahin ang mga sumusunod para mas malinawan.
1. Ang tunay na lalaki ay umiiyak. Para saan pa ang labasan ng luha sa mga mata nating mga lalaki kung hindi naman pala natin ito magagamit? Sadyang napakataas ng ego ng ilan sa atin na ang isang tulo ng luha ay senyales na agad ng kahinaan para sa karamihan. Mali. Hindi lang bentilador ang nangangailangan ng outlet para umikot, tayo ding mga lalaki. Kelangan nating ilabas ang nararamdaman natin. Kelangan nating ibulalas ang nilalaman ng puso nating nadurog na parang paminta mula sa break up na yan. Umiyak sa kaibigan, umiyak sa nanay, umiyak sa tatay o kahit sa kapitbahay na madalas nakakalaro ng chess o kakantyawan sa panunuod ng PBA. Umiyak ka sa ate mo, sa kuya mo o kahit sa harap ng aso mo. Walang masama dun. Gagaan ang kalooban mo. Wag mo lang gawing libangan dahil baka madiscover ka.
2. Hindi mo bestfriend ang alak. Oo, ok lang uminom sa una o pangalawang araw pagkatapos ng break up. Pero kung gagawin mong NAWASA ang alak, may problema, dahil ang singilan dito ay buhay, hindi pera. Hindi mo bestfriend ang alak. Ang alak ay demonyong umuudyok sayo para lalong magpakagago at gawing pariwara ang buhay mo. Imbes na uminom ka ng alak, manuod ka ng youtube at tingnan mo yung mga nauuhaw sa Africa. Habang nagpapakalango ka sa alcohol, may mga tao na ni hindi makainom ng sapat na tubig sa isang araw. Nakakalimot ka ba tuwing nalalasing ka? E bakit hindi mo na lang iuntog nang malakas yang ulo mo sa semento para magka-amnesia ka. At least utak mo lang ang maapektuhan, wag mo nang idamay ang atay mo.
3. Lalong hindi mo bestfriend ang droga. O sadyang adik ka lang talaga. Wag mong gawing excuse ang pagiging broken hearted. Kung marunong ka magmahal ng iba, mas alam mong mahalin ang sarili mo.
4. Wag maghanap ng panakip butas. Maraming isda sa dagat? Bakit mangingisda ka ba? Sa kasawiang dinanas mo, wag ka na mangdamay. Hindi magagamot ng paglalaro ng damdamin ng iba ang sakit na dinadanas mo. Kahit ang amag ay nagtetake ng time bago lumitaw sa pandesal. Kung in-denial ka pa rin kahit alam mong mahal mo pa rin ang ex mo, magpakalalaki ka at matutong maghintay hanggang magaling na ang sugat mo bago ka mangalantari. Magkaiba ang pagmamahal sa panggagamit.
5. Huwag kang emo. Feeling mo ikaw ang biktima, feeling mo ikaw ang naagrabyado. So maghihiganti ka? Ikakalat mo mga pribadong pictures o videos nyo? Kung totoong may bayag ka, hindi mo yun gagawin. Hindi ka gagawa ng kahit anung ikasisira nya na ikasisira mo rin naman. Pag nagpadala ka sa bugso ng damdamin mo, wala kang pinagkaiba sa langaw na natuksong mag-landing sa kape dahil starbucks naman daw. Kapag nasa gitna ka ng matinding emosyon at dahil ikaw si Juan na hindi magpapatalo, makabubuting umupo ka muna sa sulok at mag-isip-isip dahil magpustahan tayo, lahat ng magiging desisyon mo habang emo ka ay siguradong sablay.
6. Wag mo nang kontakin. At dahil ikaw si Juan na makulit at fan ni April Boy, kokontakin mo pa rin talaga si Ate para makipagbalikan. Kung ikaw ay kaluluwa, malamang kaluluwa ka sa UP na hindi matahimik. Wag mo nang kulitin brod, wag mo nang kontakin. Minsan hayaan mo na ang kalikasan ang magreveal ng mga susunod pang kabanata. Habang nasa proseso yun, imbes na makipagcommunicate ka pa sa kanya, enjoyin mo buhay mo, gumawa ka ng ibang bagay. Mag-aral ka maggitara kung di ka pa marunong o kaya mag aral ka ng bagong tipa. O kung wala kang interes sa musika, maglaro ka ng basketbol o kung wala kang hilig sa sports, tulungan mo na lang nanay mo maglaba.
7. Ituloy ang buhay. Sa hinaba-haba ng sinabi ko, ito lang naman talga punto ko, ituloy mo buhay mo. Huminto na ba ang pag-ikot ng mundo dahil sa kanya? Alalahanin mo, Pinoy ka. Sabi nga ni Mc Arthur, "bigyan mo ko ng 1000 na sundalong Pinoy at sasakupin ko buong mundo". Brod nananalaytay sa dugo mo ang pagiging mabagsik na warrior. Kung simpleng lovelife lang ang magpapatumba sayo, hindi ka si Juan dela Cruz na laging matatag ang loob at handa sa hamon ng buhay. Kung nabigo ka man sa aspeto ng pag-ibig, siguradong magtatagumpay ka sa ibang bagay. Nasasayo na lang kung magpapalamon ka sa kasawian mo. Ituring mong history yang kabiguan na yan na nakapulutan mo ng aral at nagamit mo para lalo kang maging mature. Kung mangyari man ulet ito sayo, at least may idea ka na kung paano ito ima-manage. Basta lagi lang tatandaan, hinay hinay lang. Ikaw si Juan Romantiko pero hindi sinabi na ibigay mo lahat...magtira ka para sa sarili mo next time.