Saturday, April 4, 2015
Katniss
Ito ay hindi tungkol kay Katniss Everdeen ng Hunger Games, ito ay tungkol sa aso ko na nagcelebrate ng ika-1 taon ng kapanganakan nya. Let me tell you a story of survival and parenthood.
Kakahiwalay pa lang nya nun sa nanay nya at nagsisimula nang kumain ng pagkaing aso nang ibigay saken. Yes, sya po ay askal o aspin (asong Pinoy) kung tawagin. Kumbinasyon sya ng tatlong lahi. Ang ama nya ay half labrador-half aspin habang ang ina nya ay half japanese spitz-half aspin. Wala talaga ako balak mag alaga ng aso nun. Hectic ang schedule ko. Nagtatrabaho ako (call center agent) at nag-aaral (masteral) and mid 2014, nagpart time instructor pa ko. Naiimagine mo ba kung paano ko pinagkakasya oras ko nung mga time na yun? At may aso pa ko na ilang buwan pa lang.
Ang una kong struggle sa kanya ay yung pressure kung makakaya ko ba syang alagaan at palakihin. Dahil lagi akong wala sa apartment ko, sinubukan ko syang ilagay sa kahon dahil maliit pa naman sya. Pero parang katulad sa movie na Escape Plan, nakatakas sya. Hindi rin sya tumitigil nang kakaiyak na dahilan para humingi ako ng dispensa sa mga kapit bahay na sobrang mga understanding naman. Since di umubra ang pagkulong sa kahon sa makulit na tutang si Katniss, hinayaan ko lang sya na walang tali o anupaman sa loob ng apartment. Dun na nagsimula ang problema. Isang umaga, pagkagaling ko sa work, bumulaga saken ang ilang sirang gamit dahil nginatngat nya. Putol na wires, punit na damit at ilang papel na nagmistulang isinalang sa shredder at mga kahoy na mistulang tinira ng beaver. "Oh my god", sabi ko na lang sa sarili. Gusto ko na syang ibalik sa may-ari. Tinitigan ko sya sa mata habang pinapagalitan at para bang nakakaintindi sya at nakatitig lang din saken. Pangalawa kong naging struggle sa kanya ay ang pagdumi sa loob ng bahay. Every morning, kelangan ko mag-mop at mag alis ng dumi nya. Pero kahit ganun kahirap, tiniis ko at nag-isip ako kung paano ko mababawasan itong konsumisyon na binibigay saken ng asong hindi ko inakalang mapapamahal saken ng husto. Sinimulan ko na syang itali after a week at twice a day pagkakain nya, inilalabas ko sya. Parang bonding na rin namin yun mag-ama este mag-amo. Nung una, mahirap. Kumokonsumo sya ng time at pasensya ko. Pero since mag-isa lang ako sa apartment at walang ibang pwedeng asahan, ako lang lahat ang gumagawa. May times pa na nakakaligtaan ko sya ilabas or nagmamadali ako at alam ko na ang iexpect. So kahit masuka-suka ako sa paglilinis, wala akong choice, ginusto ko to e. Infairness naman natutunan din nya yung routine at hindi na sya dumudumi sa loob ng bahay at kasalanan ko na kung di ko sya mailabas. Naging ganun ang routine namin pero sadyang napapagod talaga ako so sinubukan kong hayaan na lang sya sa labas tutal aspin naman sya at sanay ang aspin sa labas ng bahay. Tsaka low maintenance sila at hindi kelangan bigyan ng maramig atensyon. Mali ako.
Isa't kalahating buwan nakalipas, sinubukan ko syang hayaan sa labas tuwing araw habang gising pa ako. Wala syang tali at malayang nakakatakbo sa neighborhood. Harmless naman sya at maamo sa mga kapitbahay. Pero sobrang dugyot sya at parang ayoko na papasukin ng bahay. Kumakain din sya ng mga diapers na nakalkal nya sa basurahan kasama ng isa pang aspin ng kapitbahay. Bukod pa dun, nagreklamo na ang isang kapitbahay dahil tumae sya sa mismong pintuan nila. "Shit, hindi ito maganda" sabi ko sa sarili. So itinali ko ulet sya at nakita ko kung paano sya nalungkot. Tuwing lumalabas kami, hindi na sya kasing sigla ng dati at para bang gusto nyang sabihin saken "Daddy, bakit kelangang nakatali ako? Hindi ba ko pwedeng maging katulad ni Pampu (aso ng kapitbahay) na malaya at nagagawa ang gusto nya?" Parang gusto ko naman sabihin, "Anak, hindi ko afford magbayad ng yaya para alagaan ka lalo na pag wala ako at pu*^#@%$*! wag ka nang demanding dahil aso ka lang." Hahaha... nababaliw na ko. Hindi ko alam kung dahil sa dami ng ginagawa ko at heto may aso pa ko o sadyang first time ko lang talaga mag-alaga ng aso. Nung kasama ko pa family ko, may mga alaga din kaming aso pero di ko kelangan mag-effort ng ganito dahil nanay ko naman ang nag-aalaga. Namiss ko tuloy nanay ko. Gusto ko na nga syang ipadala nun sa Bulacan para nanay ko na lang mag-alaga pero sabi ko sapat na inalagaan ako ng nanay ko at this time maranasan ko naman kung paano mag-alaga ng mistulang anak ko na kung ituring. Nasa ganung moment ako ng magdecide na alisin muna sya sa pagkakatali at once again ay hayaang magtatakbo sa neighborhood. Nakikipaghabulan sya sa mga bata na para bang feeling nya ay normal na bata din sya na kasali sa mga laro nila. Except pag nagstart na sya kumain ng diaper, ayawan na, hindi na sya kasali. Lumabas muna ako para bumili ng ulam namin (magkahalong dog food at kanin/ulam ang pagkain nya). Nakita nya ko at gusto ko syang pagalitan dahil ang dugyot na naman nya. Sumunod sya saken hanggang sa kalsada at first time yun na isinama ko sya sa labas ng compound sa kabila ng warning ng kapitbahay na baka mabanggaan sya ng sasakyan. Sabi ko naman, matalino si Katniss at hindi sya naging bida sa Hunger Games kung ganun sya katanga. Dun na nga nagsimula ang pinakamatinding dagok sa aming mag-ama este mag-amo. Nacurious yata siya kung bakit malaki ang tiyan ng mga Blue Boys (traffic enforcers ng Pasig) at gusto nyang tanungin yung isa na nasa kabila ng kalsada pero may humaharurot na single motor na waring umiiwas sa Blue Boys at nasagaan sya. Di ako nakagalaw ng mga 10 seconds habang nakikita syang nakabulagta sa gitna ng kalsada. Buti na lang at may puso yung driver nung jeep na kasunod at huminto. Naluluha na ko nun sa sobrang awa.
Nilapitan ko sya at kinarga. Sobrang lakas ng iyak nya at nakakabingi. Muntik na din nya akong kagatin pero hindi nya tinuloy nung makilala nya ko. She was in real pain! Sobrang sama na nang loob ko lalo na nung hindi man lang nag apologize yung nakabangga at nagderederetso lang. Pinalibutan kami ng mga kapitbahay at pati mga bata na kalaro nya at awang awa sa kanya. Ilang oras na lang at papasok na ko nun sa work pero hindi ko sya pwedeng iwanan sa ganung sitwasyon. Kasama ang isa kong kapitbahay, dinala namin sya sa vet at ang findings ay fractured leg pero di confirmed kung may internal organs pang nadamage especially ulo. Inabisuhan ako na kelangan sya dalhin sa animal hospital para sa lab tests at maconfine. WTF! So para talaga syang tao. Kinausap ko sya na parang sarili kong anak pagkatapos marinig ang sinabi ng vet, "Katniss, walang pera ang tatay mo ngayon dahil kakabayad ko lang ng tuition. Kung makakapaghintay ka, sweldo ko na in 2 days, madadala kita sa ospital. Pero baka may pera tita mo (gf ko) check ko din para madala ka sa ospital bukas." Parang tao na nakatitig lang sya saken, umiiyak pa rin. Hinahaplos na ng kung ano ang puso ko sa sobrang awa sa kanya. Parang ayoko muna pumasok ng trabaho dahil hindi ko sya pwedeng iwan. Gusto ko nang i-txt ang TL ko na hindi ako makakapasok pero nagpakatatag ako, naniwala akong makakasurvive sya at mabubuhay. Binili ko na ang paborito nyang tinolang manok at pinakain. Na-amaze ako sa ipinakita nyang spirit at determinasyon para mabuhay, naubos nya ang pagkain at binigyan ako ng matamis na ngiti na para bang nagte-thank you. Di ko na napigilang maiyak. Di pa ko nakaramdam ng ganun katinding emosyon para sa isang hayop sa buong buhay ko. Inilagay ko sya sa CR pansamantala para di masyado marinig ng kapitbahay ang iyak nya at di masyado makaistorbo. Pero sadyang napakasakit ng nararamdaman nya at nararamdaman ko yun habang naririnig pa rin ang palahaw nya paglabas ko ng bahay. Baon ang matinding pag-asa na mabubuhay sya, nagtrabaho ako nung araw na yun pero masyado akong emosyonal at hindi ako nakakausap nang maayos nang kahit na sino. Late in the day, medyo kumalma na rin ako nung sinabi ng isa sa mga katrabaho ko na baka may mangyayaring masama saken at na-absorb ng aso ko. Araw-araw kase ako nagbibisekleta papasok sa work at dumadaan ako sa isang lugar sa Pasig na madami nang namatay dahil sa car accident kasama ang ilang siklista nung 2014 at mga nakaraang taon. Nagpasalamat na lang din ako though hindi ako fan ng mga pamahiin.
Kinaumagahan, kasama ko ang girlfriend ko pag-uwi sa bahay. Dali-dali akong tumakbo sa restroom dahil wala na ko naririnig na ingay mula sa kanya na kabaliktaran tuwing dumarating ako sa bahay everyday dahil nasa pinto pa lang ako, naririnig ko na syang para bumabati ng "good morning po". Nakita ko syang nakalupasay sa sahig at lalong lumaki ang maga ng kaliwang kamay nya (or isa sa apat nyang paa dahil wala namang kamay ang aso). Shit patay na yata sya. Hinawakan ko sya at gumalaw sya, ngumiti at nagtry bumangon pero pumalahaw ulet nang iyak dahil sa sakit. Napangiti kami ng gf ko at nakahinga ng maluwag. Nilagyan namin sya ng splint para di nya sapilitang igalaw ang fractured leg nya. Napagkatuwaan pa namin sya at kinunan ng pictures. Mukang ok na sya at hindi na namin dinala sa ospital though may worries pa rin kami na baka may tama nga sya sa ibang parte ng katawan. Pero, tiwala lang. Naniwala kami na magiging ok sya and may the odds be ever in her favor.
Pagkatapos ng aksidenteng yun, di ko na hinayaang lumabas muli sa kalsada si Katniss. Mas inalagaan ko na sya. Binigyan ko sya ng attention at pag aaruga na hindi mo makikita sa ibang aspin owners. Kumpeto sya ng vaccines at antidotes pati pamurga at consistent ang dog food nya. Salamat sa girlfriend ko na sobrang supportive. Ang gf ko din ang nag-aalaga sa kanya tuwing wala ako sa bahay. Naaalala ko pa nung pestehen sya ng garapata. How we wish na ubas na lang yung nakadikit sa katawan nya na pwede namin pitasin at deretso isubo pero yun ay mga garapata na walang pinagkaiba sa mga tambay na walang trabaho at umaasa lang sa kung sinumang nagpapakain sa kanila. Kadiring mga garapata. Pinagtulungan naming alisin ang mga yun kahit sa kailalim-ilaliman ng tenga nya. Langya, kaya pala di sya lumalapit nung tinatawag ko dahil barado ng garapata tenga nya. At may suspetsa ako na bine-brainwash na sya ng garapata at kung anu-anong mga makagarapatang pilosopiya ang binubulong sa kanya. Later on, bumili na rin kami ng gamot para mawala ang garapata at ok lang na gumastos ako kung para naman sa kanya. Nawala ang mga garapata at back to normal sya.
Sa ngayon, healthyng healthy si Katniss though medyo hindi sya katabaan dahil conscious sya sa figure nya. Ang mga teen ager nga naman sa panahon ngayon, inuuna pa ang pagiging vain. Haha.. Well, hindi na talaga tumaba si Katniss kahit anung dami ng pakain ko sa kanya at epekto siguro yun ng aksidente nya. Pero mahalaga buhay sya. Ilang buwan pa siguro at magsstart na syang magregla at mabuntis. At isa yun sa mga nakakalungkot para saken na tulad kay Liam Neeson sa Taken 3. Syempre baby ko sya dati at magkakaroon na sya ng sariling baby. Pero bilang lolo magiging proud ako at maaaring ishare nya sa mga anak nya kung paano ko sya pinalaki at in-educate. How I wish lang na responsable ang mga lalaking aso para wala nang mga single mother na mga babaeng aso. Ang ending kase sa parents lang din ng mga babae sila aasa at panibago na namang challenge yun saken. Haissst... Ok lang. Fulfilling naman e. :)
Kelan lang nang manganak ulet ang kuya ko, I mean yung asawa ng kuya ko. Nabanggit na naman ng nanay ko yung interes nya na magkaroon na ng apo saken. Matanda na rin parents ko at gusto na nila makakita ng apo sa aken at masubaybayan siya/sila sa paglaki. Pero, sorry po, hindi pa po talaga ako handa. Sa aso pa nga lang hirap na ko, what more pa sa tao? Madami nagsasabi mas maganda magkaroon ng anak before 30 kase magkakaroon ka kaagad ng dalaga o binata habang hindi ka pa ganun katanda. I wish hindi yun ang main purpose kung bakit nagdecide agad sila magkaroon ng anak dahil karamihan sa nagsabi saken nun ay nasa uri ng buhay na hindi ko gugustuhing maranasan ng mga magiging anak ko. Hindi ako lumaking mayaman at masasabi kong mas mahirap ang pinagdaanan naming magkakapatid kesa sa average 90's babies. Ngayon na naranasan ko na ang hirap na kahawig ng pagiging isang ama at isama pa ang experience kung paano ako lumaki, hindi nyo ko masisisi kung bakit pinili kong i-delay ang magkaroon ng sariling anak. Talking about being responsible. :)