Friday, June 7, 2013

Lovesong

1 pm. Kagagaling ko lang sa school at kakatapos ko lang mag-enroll for my the 3rd sem of my MA course. Bago ko buksan ang pc ko ay napansin ko ang flash drive ko na hindi ko nagagamit mula pa nung end of the class nang nakaraang sem. Wala sa loob kong isinaksak ito sa pc at binisita ang mga files doon. Nakita ko ang mga shortcut ng mga folders na kung saan ay nakalagay ang mga pictures nya at pictures namin. Naalala kong binura ko na ang mga yun sa laptop ko pero for some reason ay natira pa rin ang mga shortcuts. Napabaliktanaw tuloy ako sa past namin. Halos di ko napansin ang isa sa pinakamalalim na buntong hininga na nagawa ko mula nung maghiwalay kami. Itinuloy ko ang pagcheck ng files hanggang sa makita ko ang “Lovesong” na kanta ni Adele, pinatugtog ko yun. Napakaganda ng sound quality ng kanta, crystal clear at talaga namang very senti ang lyric. Tuloy pa rin ako sa pagbrowse habang nagpe-play ang kanta. Nakita ko ang letter na sinulat ko na balak ko sanang ibigay sa kanya ilang araw bago nya tapusin ang lahat samin. Nasa letter na yun ang matinding paghingi ko ng tawad sa nagawa kong kasalanan sa kanya at kung gaano ako kainteresado na i-submit ang sarili ko sa kanya, sundin ang mga gusto nya at mangako na hinding-hindi ko na hahayaang maranasan nya ulet ang mga pangit na dinanas nya saken. Nalala ko pa kung gaano ako kaemosyonal nung mga sandaling yun na ginagawa ko ang nasabing sulat. Sobrang sakit tanggapin na ang taong nagbigay ng kahulugan sa buhay mo ay hindi mo na makakasama sa mga susunod pang mga araw. Isinulat kamay ko ang sulat na yun at balak kong iwan sa locker nya nang umagang yun pero hindi ko na yun ginawa nung sandaling makita kong kasama nya ang lalaking bago nyang “ka-date”.

Huminto ako saglit sa pagbalik tanaw sa parteng yun ng aming paghihiwalay na tinuturing kong isa sa pinakamahabang parusa na dinanas ko sa buhay. (Tuloy pa rin sa pag-play ang “Lovesong” ni Adele.) Balak ko nang magpahinga, matulog at baka sa panaginip ay may magandang bagay pa akong masumpungan. Nang ieexit ko na ang folder ay napansin ko ang photo icons sa loob ng isang sub-folder at nang binuksan ko ang file na yun ay halos hindi ko na mailarawan ang tindi ng emosyon na bumalot sa buong pagkatao ko sa mga sandaling yun. Hindi ko nabura ang tatlo sa pinakamemorable na pics namin. Kuha yun sa lugar kung saan paborito naming magbreakfast. Ang lugar na yun kung saan madaming masasaya (kilig moments), malulungkot at crazy things na nangyari between us. Halos doon nagsimula at nabuo ang relasyon namin. Sa lugar na yun ilang beses kaming nagkabati mula sa mga matitinding away at saksi ang lugar na yun sa hindi na namin naitangging damdamin para sa isa’t isa… Ilang minuto akong natigilan…nakatitig lang sa monitor. Ilang sandali pa ay namalayan kong umaagos na ang luha sa pisngi ko…ilang sandali pa ay humahagulgol na ko.

Halos limang buwan na simula nung kami’y maghiwalay. Pero ang sakit na idinulot nun sakin ay hindi pa rin nawawala. Parang kinukurot pa rin ang puso ko tuwing maaalala ko ang mga masasayang sandali na kasama ko sya. Hindi ako iyakin pero hindi ko ikinahihiyang sabihin na maraming beses akong naluha dahil sa tindi ng emosyon ko dulot ng paghihiwalay namin. Maaari ngang hindi nya alam at wala syang ideya kung ano ang pinagdaanan at pinagdadaanan ko pa rin dahil sa nangyari samin. Ganito talaga siguro pag mahal mo ang isang tao pero wala ka nang magawa kundi i-let go sya dahil naniniwala ka na dun sya mas masaya.

Habang sinusulat ko to ay patuloy pa rin ang pagtugtog ng napakalungkot na kantang nabanggit ko. Sobrang late na pero gising pa rin ako. Mukhang hindi na nga yata ako makakatulog. Walang ibang laman ang isip ko sa mga sandaling ito kundi sya lang. Alam kong masaya at kuntento na sya ngayon. Wala na akong balak na gambalain pa sya. Ni hindi na ako nag-iintensyon na mapansin man lang nya. Pero kung nalalaman lang sana nya kung gaano ako nahihirapan sa araw-araw na nakikita ko sya at bumabalik saken lahat ng ala-ala. Kung nalalaman lang sana nya kung gaano kahirap dalhin sa loob ang katotohanan na sya lang ang mahal ko…mahal na mahal ko.

Kung isang araw magigising ako na hindi na sya ang laman ng isip ko, masaya na kaya ako sa pagkakataong yun? Maaaring ang sagot ko ay “oo”. Pero nakasisigurado ako na darating ang araw na yun na ako ay nag-iisa pa rin…alone. Bakit? Dahil sya pa rin ang laman ng puso ko at kahit kailan…mananatili sya dito.

NoteHow ever far away, I will always love you. How ever long I stay, I will always love you. Whatever words I say, I will always love you…I will always love you…Note

Share