Friday, June 24, 2011

Isang Kwentong Jeepney


JEEPNEY LOVE RIDE
"Ang makilala ka ay perpektong aksidente..."
------------------------------------------
Dear Mr. Love,

Tawagin mo na lang ako sa pangalang Cathy. Isa akong call center agent. Napaka busy ng buhay ko at ang tulog ay isang bagay na masasabi kong pinakamahalaga para sa akin sa mga panahong ito. Sa sobrang kulang ko po sa tulog ay kung saan saan na lang ako naiidlip dahil sa sobrang antok. Antukin po kasi talaga ako. Hindi ko nga mainitindihan kung bakit pagiging call center agent pa ang napili kong trabaho. Pero siguro ganun talaga lalo na pag graduate ng nursing, andami-dami kasi naming ito ang piniling tapusin na kurso. Sa sobrang dami namin, parang mas marami pa kami kesa sa mga taong may sakit at nangangailangan ng aming serbisyo.

Anyway, kaya pala ako sumulat dahil gusto ko i-share ang isang di ko malilimutang karanasan sa isang lalake. Ito po ay nangyari sa jeep. Hindi po ito bastos at walang halong malisya. Isang umaga, habang nakasakay ako sa jeep, nanggaling po ako nun sa trabaho. Ok pa ko nung una habang nakangiti at binibilang ang mga MMDA na nadadaanan. Akala ko dahil hindi naman tupa at mga buwaya naman yung binibilang ko ay hindi ako makakatulog sa byahe. Ayaw ko na talaga ulet makatulog sa byahe dahil minsan na ko nadukutan. Mabuti po sana kung pwede mag self detonate ang mga gadget na madudukot satin para patas lang at madala ang mga masasabugang mga adik na mandurukot (wag po sanang mao-offend ang mga mandurukot na hindi adik). Balik po tayo sa kwento, in short nga po ay nakatulog ako. Dinig na dinig ko ang awit ng mga ibon sa aking panaginip at feeling ko daw ay ako yung babae sa commercial ng care free na tumatakbo-takbo pa habang nilalanghap ang sariwang hangin ng kalikasan. Hindi ko po alam nung una pero parang ang gaan gaan ng pakiramdam ko at para lang akong nasa sarili kong kama. Maya maya ay biglang may lapastangan na sumigaw ng malakas na "PARA!!!". Biglang lumipad ang paruparo na nakadapo sa kamay ko sa aking panaginip at ako'y nagising. "Miss ok ka lang?" tinig yun ng isang lalaki na kaboses ni Dingdong Dantes. "Oo, ok lang ako" sagot ko naman. "Ah ok. Sige sandal ka lang sa akin. Mukhang antok na antok ka na kase talaga" sambit nya. "Huh???" dun ko lang napansin na nakasandal pala ako sa balikat nya at ang kumportableng feeling na naranasan ko sa nakalipas na 40 minutes ay utang ko sa kanya. Dahan dahan kong inangat ang ulo ko at tumingin sa lalake. Muntik na ko mapakanta ng Jolina sa nakita ko... "Kung ikaw ay isang panaginip, ayoko ng magising."


Isang lalaking "fresh" ang tumambad sa harapan ko. Nasa 5'10 yata ang height, maganda ang built ng katawan at lalo yung naenhance sa suot nyang white shirt at dog tag. Ngumiti sya sakin at halos nakalimutan ko ang pangalan ko sa ganda ng kanyang dimple. Inalis ko ang tingin ko sa kanya bago pa ko mamagnet ng kanyang maamong mga mata. Hindi ako makatingin sa kanya dahil sa sobrang hiya ko na natulog ako sa jeep at ginawang unan ang balikat ng isang lalaking hindi ko kilala. Pero sobrang natouch ako sa pagiging thoughtful nya at lalo akong naimpress sa kanya dahil hindi man lang sya nagtake advantage sakin. Hindi sya tulad nung mama na nakasakay ko nung isang araw na napapikit lang ako ng konti ay nakadampi na agad ang palad sa hita ko. Kaya naman dinampian ko rin ng palad ko ang mukha ng mamang yun...pak!. Pero ang lalaking nasa harapan ko sa mga oras na yun ay lalaking cute, gentleman, maalalahanin at masasabi kong sweet. Ang sarap po siguro nyang maging boyfriend. Nasa ganun akong tagpo ng bigla na namang may sumigaw na wagas sa sobrang lakas, "Antipolo na!!!". Yung driver yun ng jeep na tumira yata ng anesthesia kaya manhid at hindi napansin na inches lang ang layo nya sa akin sa driver's seat. Mga 5 seconds akong napaisip bago ko nalaman na merong mali. "OMG! lampas na ako!" bigla kong sigaw at pinara ko ang jeep. Nagbigay daan si Mr. Gentleman para makalabas ako ng jeep dahil sya yung nasa may bandang pintuan nung driver's seat. Inalalayan pa nya ako pababa at once again ay nasilayan ko ang kanyang kagwapuhan. Medyo pinapungay ko ang mata kong puro eyebag habang nagpapasalamat kay guy sa pagiging gentleman niya at ang pag-offer ng balikat nya para aking masandalan habang natutulog sa jeep. Sinabi nya na ok lang yun at naiintindihan nya talagang puyat ako. Nakita nya siguro sa ID ko na suot-suot ko pa ang pangalan ng company namin kaya nya nalaman kung anung trabaho ko. Maya maya pa ay umandar na ang sasakyan at ilang sandali pa ay tanging makapal at maitim na usok na lang ng jeep na yun ang aking nakita. Namiss ko agad ang ngiti, concern at pagiging thoughtful ni Mr. Gentleman. Sana lahat ng lalaki ay ganun. Sa mga oras na yun ay bigla kong naramdaman ang kalungkutan ng isang single, walang boyfriend at walang ka "in a relationship" sa facebook. Hindi na ako nagtaka sa sarili ko ng maramdaman ko ang matindi kong pagnanais na makita muli si Mr. Gentleman at kahit makarating pa ko sa dulo ng Pilipinas basta siya ang aking katabi, dedma lang ako kahit gaano pa kalayo ang paglampas ko sa talagang babaan ko.

Sa mga oras na ito Mr. Love, ang tanging palatandaan ko lang ay ang nakasulat na initials sa kanyang dog tag. RV iyon at kung meron man akong pagkakataon na makita at makilala sya...lubos ko po yung ikaliligaya. Hindi man po masyadong kapanipaniwala pero mag iisang buwan ko na po syang namimiss. Simula nga po nung nakasakay ko sya sa jeep ay hindi na po ako ulet nakatulog habang nasa byahe dahil iniisip ko po na baka bigla sya lumitaw one day at makita akong nakasandal sa kung kanino man. Pero hindi naman mangyayari yun dahil kahit sino man ang mag-offer na maging sandalan ko sa byahe kapag di ko na kaya ang antok, si Mr. Gentleman pa rin talaga ang gusto ko at sa kanya lang ulit ako papayag sumandal. Mr. Gentleman, namimiss na kita. Hindi na ako natutulog sa byahe dahil hindi naman ikaw ang katabi ko. Haisst...Sana makasakay ulet kita sa jeep..

Salamat Mr. Love sa pagbasa ng aking munting karanasan and more power to you.

Lubos na gumagalang,
Cathy
---------------------

Dear Cathy,

Napakaganda ng iyong ibinahaging kwento sa araw na ito. May napansin lang ako, halos parehong pareho kasi ang naging karanasan mo sa naranasan ko din sa jeep habang katabi sa upuan ang isang babae mag iisang buwan na nakakalipas. Nagkamali ako nun ng sinakyan na jeep at nagpasya na lang na enjoyin ang byahe. At isa pang dahilan kung bakit itinuloy ko ang byahe ay dahil nag alala ako dun sa girl na katabi ko dahil sobrang antok na sya at nag worry ako na baka pag biglang preno ng bulok na jeep na yun ay mabukulan ang maganda nyang noo. Sana nga hindi sya nagalit na paminsan-minsan ay inaalalayan ko ang ulo nya para lamang maging maayos ang pagkakasandal nya sakin. Buti na nga lang mukhang naging kumportable ang byahe nya. Ang babaeng iyon ay may mala-anghel na mukha at lutang ang ganda kahit simple lang ang pananamit. Alam mo kung ako ang driver nung jeep, di ko na sya sisingilin ng pamasahe ...kasi tama na nyang ipambayad sakin yung napakatamis nyang ngiti. Sayang nga lang at hindi ako nagkaroon ng chance na makilalala man lamang sya o maitanong man lang sa kanya ang facebook ad nya. Tsk... Namimiss ko na rin ang girl na yun at kung alam ko lang kung paano ko sya makakasabay ulet sa byahe sa jeep, sasakay ako palagi sa byaheng iyon kahit hindi naman ako papunta sa lugar na destinasyon.

Maraming salamat din Cathy sa pagtangkilik ng programa ko. Matagal na rin sa ere ang aking programa at naiintindihan ko na marami nang fans ang gusto akong makita at maging friend sa facebook. Please add me at facebook.com/Mr. Love. I hope to see you there.

Best regards,
Mr. Love

Share