Showing posts with label jeepney love. Show all posts
Showing posts with label jeepney love. Show all posts

Friday, June 24, 2011

Isang Kwentong Jeepney


JEEPNEY LOVE RIDE
"Ang makilala ka ay perpektong aksidente..."
------------------------------------------
Dear Mr. Love,

Tawagin mo na lang ako sa pangalang Cathy. Isa akong call center agent. Napaka busy ng buhay ko at ang tulog ay isang bagay na masasabi kong pinakamahalaga para sa akin sa mga panahong ito. Sa sobrang kulang ko po sa tulog ay kung saan saan na lang ako naiidlip dahil sa sobrang antok. Antukin po kasi talaga ako. Hindi ko nga mainitindihan kung bakit pagiging call center agent pa ang napili kong trabaho. Pero siguro ganun talaga lalo na pag graduate ng nursing, andami-dami kasi naming ito ang piniling tapusin na kurso. Sa sobrang dami namin, parang mas marami pa kami kesa sa mga taong may sakit at nangangailangan ng aming serbisyo.

Anyway, kaya pala ako sumulat dahil gusto ko i-share ang isang di ko malilimutang karanasan sa isang lalake. Ito po ay nangyari sa jeep. Hindi po ito bastos at walang halong malisya. Isang umaga, habang nakasakay ako sa jeep, nanggaling po ako nun sa trabaho. Ok pa ko nung una habang nakangiti at binibilang ang mga MMDA na nadadaanan. Akala ko dahil hindi naman tupa at mga buwaya naman yung binibilang ko ay hindi ako makakatulog sa byahe. Ayaw ko na talaga ulet makatulog sa byahe dahil minsan na ko nadukutan. Mabuti po sana kung pwede mag self detonate ang mga gadget na madudukot satin para patas lang at madala ang mga masasabugang mga adik na mandurukot (wag po sanang mao-offend ang mga mandurukot na hindi adik). Balik po tayo sa kwento, in short nga po ay nakatulog ako. Dinig na dinig ko ang awit ng mga ibon sa aking panaginip at feeling ko daw ay ako yung babae sa commercial ng care free na tumatakbo-takbo pa habang nilalanghap ang sariwang hangin ng kalikasan. Hindi ko po alam nung una pero parang ang gaan gaan ng pakiramdam ko at para lang akong nasa sarili kong kama. Maya maya ay biglang may lapastangan na sumigaw ng malakas na "PARA!!!". Biglang lumipad ang paruparo na nakadapo sa kamay ko sa aking panaginip at ako'y nagising. "Miss ok ka lang?" tinig yun ng isang lalaki na kaboses ni Dingdong Dantes. "Oo, ok lang ako" sagot ko naman. "Ah ok. Sige sandal ka lang sa akin. Mukhang antok na antok ka na kase talaga" sambit nya. "Huh???" dun ko lang napansin na nakasandal pala ako sa balikat nya at ang kumportableng feeling na naranasan ko sa nakalipas na 40 minutes ay utang ko sa kanya. Dahan dahan kong inangat ang ulo ko at tumingin sa lalake. Muntik na ko mapakanta ng Jolina sa nakita ko... "Kung ikaw ay isang panaginip, ayoko ng magising."

Share