Sunday, May 25, 2025

Alcohol-Free Day 400: Ekis si RED

Eksena sa Tindahan

Me: Te, pagbilhan nga!

Red: Uy tol, kamusta ka na? Runner na 'yarn? Haha! Fresh talaga pag tatakbo pa lang e, 'no? Mamaya haggard ka na naman. Bonding na lang tayo—di ka pa mapapagod. Tagal na natin walang bonding eh. Di na kita kilala, tol. Seryoso na ba talaga 'yan?

Me: Sa nakaraang apat na raang araw, wala kang tinanong sa’kin kundi ‘y
an. 'Wag mo akong gaguhin sa linyang “di mo na ko kilala.” Halos araw-araw tayong nagkikita—di mo lang matanggap na di kita pinapansin.

Red: Tsss... Ang talim mo na magsalita ngayon, boi. Napaka-walang utang na loob mo. Sino ang sumama sa’yo nung down na down ka? Sino ang dumamay sa’yo nung lahat tinalikuran ka na? Sino ang nanatili sa tabi mo nung kailangan mong makalimot?!! Yumabang ka na nang husto, pare! Ganyan ka ba sa kaibigan?

Me: Hindi tayo magkaibigan, at alam mo 'yan. Lahat ng naibigay mo sa’kin, binayaran ko rin—at may interes pa. Nung one time na sinasabi mong sinamahan mo ko, asan ka nung muntik na kong mabangga ng sasakyan? Asan ka nung nagbabadya na ang gout sa mga binti ko? Asan ka nung nagrerebelde na atay ko? Asan ka nung mukha na kong butete at palaging masakit ang tiyan? Asan ka nung dugo na ang iniihi ko?

Higit sa lahat—ASAN KA NUNG BUMIBIGAY NA ANG MENTAL HEALTH KO?!!! Andito ka pa rin sa tindahan at tuloy pa rin sa pagyaya sa’kin sa letseng “bonding” na 'yan! Langya ka. Buti sana kung maisasama kita sa hukay. Pero tulad ng ginawa mo sa mga mahal ko sa buhay, sila lang ang sinundo ni kamatayan habang chill na chill ka at pinapanood ang pagpanaw nila. Tang-ina ka. Hindi tayo magkaibigan.

Red: O, bakit ako sinisisi mo? Di ako nagkulang ng paalala sa’yo—“moderately,” nga 'di ba? Nag-aral ka pa mandin, pero ang obob mo sa part na 'yan? Pare, ginawa ako hindi para demonyohin ka kundi samahan ka, at tulungan kang makalimot paminsan-minsan. Nao-offend ba ako tuwing sinasabi n'yong “naabuso ako?” Ako lang ang inaabuso na hindi nagrereklamo. HAHAHA!

Bakit ako ang mananagot sa mga naging isyu sa katawan at isip mo? Kasalanan ko ba na wala kang disiplina? Mga tropa mo, tropa pa rin kami hanggang ngayon kasi di tulad mo—hindi nila ako inaabuso.

Me: Correction—“HINDI KA PA NAAABUSO.” Nung tropa pa tayo, kabilang ako sa sinasabi mong “matino pa, kaya pa, may disiplina pa.” At alam mo na kahit unti-unti na kong napupunta sa adiksyon at pagkalulong sa’yo, sinasabi mong “moderated” pa rin ako.

Wag mo akong gaguhin. Karamihan ng tropa mo ay in denial lang! Mga nagsasabing OK pa sila kahit lulong na sa’yo. Ilang dekada mong sinabi sa’kin na OK pa ako. Nung bata pa ko at malusog, sinabi mo rin sa’kin ‘yan—na “moderate lang.”

Sinabi mo ba sa’kin na isang araw, maaaring ma-depress ako, mangailangan ako ng instrumento para makalimot, at maaaring “maabuso” kita? HINDI! Kasi naka-tadhana kang abusuhin—at alam mo 'yan! Bakit ka mao-offend sa bagay na kasama na sa paglikha sa’yo?

Red: Aba! Hindi ko hawak ang mga isip n’yo! Ako ay isa lamang instrumento na magbibigay sa inyo ng kaginhawahan ng pakiramdam, at dadalhin kayo sa lugar na wala na ang mga alalahanin n’yo sa buhay. Bakit ako ang sisisihin mo? Pare-pareho kayong may sariling utak, so bakit parang kasalanan ko?

Me: See? E di inamin mo rin. Dahil diyan, totoong ako ang may hawak ng sarili kong pag-iisip—at HINDING-HINDI na tayo magba-bonding ulit. Itaga mo 'yan sa bato. Hindi ko iko-kumpromiso ang ika-400 na araw na wala na ako sa kontrol mo.

At hayaan mong klaruhin ko sa’yo: Tapos na akong tumakbo. At itong “freshness” na sinasabi mo, kahit pagod ako—ay dahil matagal na kong NAG-QUIT sa’yo!

Red: Ok. Ang akin lang naman e... miss na kita, pare. Isa ka sa mga madaming masasayang memories na nakasama ko. Mga wacky moments mo na ako lang ang nakakaalam. Pero kung ayaw mo talaga—well, good luck.

As you can see, wala na akong laman ngayon. Meaning, may mga tropa pa rin ako na tumatangkilik sa’kin. Di ka kabawasan. HAHAHAHA!

Ate: Hoy! Kanina ka pa nakatitig d’yan sa bote ng Red Horse. Bibili ka ba? Haha!

Me: Ay, sorry te. Pagbilhan lang ako ng katol. Pwede akin na lang ‘tong basyo ng Red Horse mo? Gagawin kong stand ng katol.

Ate: Sa dami ng deposito ng bote na hindi mo na kinuha sa’kin noon, ‘yong iyo na 'yan. Haha!

Red: Stand ng katol, ampotah...

Me: Oo, pre. Magkaroon ka naman ng silbi.

Share