Tuesday, September 6, 2011

Mahirap nga bang kumuha ng NBI Clearance?


Kanina, 3 am, tumunog ang alarm clock ko. Muntik ko nang ihalibas ang inosenteng orasan sa pagkabwisit ko. Kelangan kong bumangon ng maaga para kumuha ng sinasabi nilang "NBI Clearance". Isang buwan na kasi ang nakakaraan mula ng i-require ito sa trabaho ko pero hindi ako makakuha ng pagkakataon para sundin ito dahil sa takot ko na mahirap talagang kumuha ng nasabing clearance. Nagprepare pa rin ako para sa isa sa mga pinakamahabang araw sa buhay ko at kaagad na tinungo ang Robinsons Galeria kung saan ginaganap ang pagtotorture sa mga kumukuha ng NBI Clearance.

Nang marating ko ang Gale, andun na ang 202 na katao na parang sasalang sa gas chamber dahil sa pagkasimangot ng kanilang mga mukha. Sumalubong sakin ang gwardya na mala-NAZI ang dating pero parang pari ang bunganga dahil sa walang tigil na pagsermon:

Gwardya: Ang iba sa inyo ay pumipila hindi para makakuha ng NBI Clearance kundi para makakuha ng iphone, ipod at wallet. Kung sino man sa inyo ang may balak na gumawa ng krimen dito, magdalwang isip kayo dahil binabantayan namin ang kilos nyo.
Ang mga iihi na lalaki ay maaring umihi sa urinal, wag sa pader!
Ang mga iihi na babae ay maaaring gamitin ang CR ng simbahan. (Pag isipan nyo kung kaya nyo gamitin ang urinal ng lalaki)
Yung mga proxy dyan na nagpapabayad! Wala lang magsusumbong na proxy kayo, yari kayo. OK?
Blah, blah, blah....

Pang 203 ako at nasa dulo ng ika sampung linya. Hindi pa ko nag-almusal nun at uhaw na uhaw ako pero mind over matter lang, kinaya ko yun. Ilang beses din akong nakipaglaban sa posisyon ko para wag masingitan at pinalad naman akong magwagi palagi. Ang tanging kapiling ko nun ay ang "Rolling in the Deep" na rendition ni John Legend at cover ng Linkin Park. Paulit ulit yung tumutugtog at sumasakit na ang eardrum ko pero...umaga na at 2 hours na ang nakakalipas...mamimigay pa lang ng number.

Umusad ang pila alas siyete ng umaga. Masaya ang lahat dahil nakagalaw na sila dahil kung hindi ay baka na-stroke na ang ilan o inatake ng rayuma. 200 ang kailangan para sa unang makakapasok sa mall. Binilang ko ang mga nauuna sakin at narealize ko na hindi pala ako pang 203, pang 199 ako. Lubos akong nagalak dahil masasayaran na ng aircon ang katawang lupa ko. Malapit na sa entrance ng ihinto ng gwardya ang pagpasok. Pang 203 pa rin pala ako at naghallucinate lang ako nung una kaya nagkamali ang bilang ko. Pinabalik kami ng 10 am dahil 200 lang daw ang maaacomodate ng venue sa loob ng mall. Tinanggap ko ng buong puso ang numero ng pag asa at mabigat ang paa na nilisan ang main entrance ng Rob Gale.

Tinungo ko ang pinakamalapit na jollibee para mag-agahan. Badtrip na talaga ako nun at ipinangako ko sa sarili ko na kapag hindi ngumiti sakin ang counter person ay magwawala ako. Buti na lang at ngumiti siya kaya tinanggap ko ng matiwasay ang inorder ko at nilantakan sa bandang gilid ng dining area. May laman na ang storage ko at handa na ulet sa pakikibaka.

Bigla akong nakaramdam ng pagkamiserable kaya napagpasyahan kong pasyalan ang kapilya. Halos dekada na ang nakalipas mula nang huli akong pumasok sa simbahan. Medyo naguilty ako kaya nagdasal ako ng konti. Hindi ko na alam ang sunod na nangyari, ang naalala ko na lang ay nasa isang lugar ako na mala-paraiso sa ganda at nakikipaghabulan sa mga paru-paro...nakatulog ako habang nakaluhod. Akala ko ay pawis lang, laway ko na pala yung tumulo kaya dali dali ko itong pinahid ng jacket ko (ewwww). Nagsorry ako sa kanya at dali-daling nilisan ang simbahan.

Sumapit ang 10 am at nakapasok na ko sa Rob Gale. Madilim ang mukha ng mga taong dinatnan ko at siguradong lahat kami ay iisa lang ipinaghihimutok. May mga nangahas at nagbakasakali na makabilang sa pila kahit 10 am na sila dumating pero well trained ang mga gwardya at hindi sila pinayagan. Pinaupo kaming may mga nakuhang number na hanggang limandaan. Maganda ang lugar na itinalaga para gawing waiting area...hagdanan. Kulang na lang ay magkutuhan kami para hindi mabored habang pinag uusapan ang lovelife ni Jenelyn Mercado. Isang oras pa lumipas, 11 am at pinagbayad na kami para sa clearance. Isang oras pa ulet kaming pinaghintay para sa next step at totoong hindi na normal ang pag-iisip ng ilan samin. Inamin sakin ng katabi ko na ang tingin nya sa gwardya na nakaputing uniporme ay isang malaking skyflakes. Ang isang katabi ko naman ay ginawa akong diary nang ikwento nya ang talambuhay nya sa akin. Hindi ko matandaan ang drama ng isa pero palagay ko ay hindi na tatagal at bibigay na ang katinuan nya pag tumagal pa ng ilang oras ang proseso ng pagkuha ng NBI Clearance.

Mag-aala una at sinapit ko ang minimithing huling bahagi ng maalamat na pagkuha ng NBI Clearance. Ang matandang nakasabay ko ay abot tenga ang ngiti sa saya dahil matatapos na rin sya. Hindi pinalad ang babaeng nasa likuran ko dahil may kapangalan daw siyang kriminal. Ang ikinainis pa nya ay pinaniwala siya ng kanyang mga magulang sa loob ng mahabang panahon na unique ang pangalan nya at kokonti lang daw sila sa mundo na may ganung pangalan. Ang sabi ko'y malas talaga dahil kokonti na nga lang sila, kriminal pa ang isa.

Past 1pm nang mahawakan ko ang papel na nagpapatunay na wala akong pagkakasala sa batas. Natuwa talaga ako nun bagamat hindi masyadong halata. Yung pagkatakot ko na baka sobrang hirap ng pagkuha ng NBI Clearnace ay na-overcome ko. Actually, hindi mahirap kumuha ng NBI Clearance ngayong panahon na to na pumalpak ang sistema ng nasabing ahensya. Hindi siya mahirap....MALAGIM!

Share