Thursday, October 8, 2015

Ang Mga Buhay na Ala-ala

Credit to my student Ian Angelo D.V. Umali

“Ang Mga Buhay na Ala-Ala”
By: Ian Angelo D.V. Umali
 (Ang Mapag-isa)

Kakayanin ko pa bang magmahal muli?
Sinubukan kong magmahal ng iba ngunit alam kong ito ay mali
Sinubukan kong ika’y palitan ngunit kaligayahan ay hindi nakamit
Pagkat ang iyong pagmamahal lamang ang nais kong makamit

Iyong binasag ang katahimikan ng aking buhay nang ika’y aking nakilala
Ito ang bagay na mananatili at hinding-hindi mabubura sa aking ala-ala
Iyong binigyang kulay ang aking buhay
Iyong binigyang kasiglahan ang katauhang matamlay

Nagkakilala, naging magkaibigan, at nagturingang magkapatid, magkarelasyon, mag-asawa
Pinaramdam sa isa’t-isa ang pagmamahal na walang sawa
Nagdadamayan sa tuwing may problema, Pinapalakas ang loob sa tuwing pinanghihinaan
Pagkat nais nating dalawa na tumagal at tumatag ang ating pagmamahalan

Sa loob ng halos dalawang taon ng ating pagsasama
Marami tayong pinagdaanang pagsubok na ating hinarap ng magkasama
Ngunit may mga bagay talagang hindi natin maiiwasan
Na magbibigay sa atin ng kasawian

Isang araw bago dumating ang araw ng mga puso
Iyong inamin sa akin na may isang lalaking nagpahayag sa iyo ng kanyang nararamdaman
Buong araw kong itinatanong sa aking sarili at sa iyo
Ngunit nanatiling tikom ang iyong bibig at hindi inisip ang aking mararamdaman
  
Iyong tinuro sa akin na kailangan natin ang salitang “tiwala”
Ngunit bakit iyong pinaramdam na ang iyong tiwala sa akin ay nawala
Lubos akong nasaktan dahil sa iyong ginawa
Ngunit umpisa pa lamang pala ito ng aking kasawian

Araw ng puso nang aking makita
Na ika’y may ibang lalaking kasama
Ang akin sanang surpresa sa iyo ay hindi na nagawa pa
Dahil sukdulan na ang sakit na aking nadama

Isang lingo ang lumipas at sumapit na ang aking kaarawan
Ika’y aking inimbita ngunit iyong tinanggihan
Yaong araw sana kita ipapakilala sa aking mga magulang
Ngunit ito ay iyong binale-wala lamang

Isang buwan ang lumipas, araw na ng ating pagtatapos
Hindi ko malilimot ang araw na iyon sapagkat iyon ang araw na tayo ay nagka-ayos
Ika’y nasa aking likod at iyong kinukulit sa mga panahon ng mga pagbati sa mga magtatapos
Ako’y lubos na nagpapasalamat sa Ama para sa araw na iyon pagkat ang ating problema ay tuluyan nang natapos

Ang lahat ay bumalik na sa dati
Muling nanumbalik ang tiwala
Ating relasyon ay lalong tumatag kaysa dati
At umaasang ang pagmamahala’y hindi na muling mawawala


Ngunit ang pagsubok kailanma’y hindi mawawala
Tayo’y muling sinubok bago pa man sumapit ang ating ikalawang taon
Ika’y aking sinama sa lakad ng aking barkada
Tayo’y nagkaroon ng oras para mag-usap ngunit ibang tao ang palaging laman ng iyong mga kwento

Akin ipinagtapat sa iyo ang aking nadarama
Na ako’y nagselos sa lalaking laman ng ating usapan sa buong araw nating pagsasama
Ika’y hindi na sumagot pa at ilang araw ang lumipas
Aking nakita ang inyong mga larawang puno ng saya

Akin pang naaalala sa larawang ito
Ang huling araw na tayo ay nagkasama at naging masaya
Patuloy kong pinagsisisihan na sana ay hindi na lamang sinabi sa iyo
Ang nadaramang panaghili sa kaniya

Ngunit wala na akong magagawa pa
Dahil ang mga bagay ay nangyari na
Hindi ko na muling maibabalik pa
Ang mga pangyayaring binura mo na sa iyong ala-ala

Batid kong masaya ka na sa kaniyang piling
Na ito naman ang aking palaging hiling
Na kahit wala na ako sa iyong piling
Ay patuloy mong makamit ang iyong mga hinihiling

Ako ay mananatiling iyong kaibigan
Na handa pa ring ika’y damayan
Huwag kang mag-atubiling ako’y lapitan
Pagkat ako’y darating kaagad sa panahon ng iyong pangangailangan
  
Maaaring isipin ng ibang tao na baliw ako
Ngunit wala na akong magagawa dahil ito ang totoong ako
Handa pa rin akong maghintay sa iyo, Mahal ko
Dahil sa iyo nabuo ang aking pagkatao

Hindi man naging tayo
Ngunit ikaw pa rin ang aking naging inspirasyon sa aking pag-aaral
Dahil dati kong pinangarap na magkaroon ng magandang kinabukasan
Na magiging daan ng magiging buhay natin bilang mag-asawa

Sa iyo ko lamang pinangarap na magka-pamilya
Pamilyang magsisilbing panibagong inspirasyon
Pamilyang magbibigay ng lakas ng loob sa iyo na harapin ang mga pagsubok
Pamilyang susuporta sa iyo sa lahat ng bagay na iyong ginagawa

Kung aabutan man ako ng panahong magpapantay na ang aking mga paa
Na hindi natupad ang aking mga pinangarap para sa ating dalawa
Itong aking tulang ginawa habang ako’y isang binata pa
Ay nais kong i-alay sa iyo at sana ay iyong madama

Na hanggang sa aking huling hininga ay Ikaw pa rin ang aking minamahal


Saturday, September 26, 2015

Heneral Luna: Review para sa pinaka may sense na pelikulang Pinoy for 2015


PUTANG-INA! Hindi lang isa kundi maraming beses binanggit ang mga kasinglutong ng chicharong Baliwag na mga murang yan sa pelikulang Heneral Luna. Walang bahid ng kaipokrituhan ang pagkakagawa ng pelikulang ito at nakapasa sa R-13 kahit obvious na explicit ang mga katagang binitawan. Bakit mo nga naman irerestrict pa ang mga profanity na to sa mga kabataang Pinoy na bukod sa paglalaro ng mga online games ay kasama sa konti nilang nalalaman ang pagmumura sa pinaka murang edad na pwede mong ma-imagine. Napakaganda ng daloy ng dialogue at maiisip mo kung gaano ka ginawang stupid ng mga dayalogo sa Amaya at sa iba pang retro movies at TV series na ginawa ng Pinoy. Pag napanuod mo ang Heneral Luna, para ka lang nakaupo sa kabilang table sa Starbucks at nakikinig sa diskusyon ng mga nasa kabilang table, sobrang natural. Mahusay ang pagkakaarte ni Cesar Montano sa Jose Rizal pero legendary ang acting ni John Arcilla at ito ang klase ng acting na hindi kayang gawin ng mga lousy na artista na produkto ng mga talent search (at kamag-anak ng mga dati nang artista) na puro wala naman talagang talento.

Sa graphics, cutting edge ang mga edits na ginawa dito at hindi ko malilimutan ang pagsabog ng ulo sa isa sa mga sundalo na kino-command ng character ni Archie Alemania na nuon ay high sa nginunguyang nganga. Ang galing ng mga effects at musical score.

Pero may konting duda ako sa pagkapili kay Ketchup Eusebio para gumanap sa karakter ng kupal na opisyal mula sa Kawit. Dapat ang kinuha nila yung mas maangas ang itsura. Other than that, ok naman ang casting. Walang duda ang husay na pinakita ni Mon Confiado at talagang naipakita nya ang superiority ni Emilio Aguinaldo. Bagay na bagay ang mukha ni Epi para kay Mabini pero hindi sya mukang ganun katalino para sa karakter. Medyo hindi rin ganun katandang tingnan ang nanay ni Antonio Luna at nagfail ng konti ang mga make up artists sa part na yun.

Ang setting ng pelikula ay mas maiimprove pa kung sakali. Di naman ako especialist sa cinematography pero siguro kung inemphasize pa nila yung space para makita kung gaano naiiba ang paligid noon kesa ngayon, mas ok. Halos puro kwarto o loob lang ng bahay kase ang nandoon. Hindi rin ganun kaimpressive ang battle scene although kwela at naipakita ang tipikal na ugali ng Pinoy in times of crisis na kaya pa ring tumawa kahit malapit nang mamatay.

Historically correct ang mga events at makikita mo ang transparency. Maoffend na ang maooffend at syempre yun yung mga nabubuhay na kamag-anak ng mga karakter tulad nila Felipe Buencamino at Pedro Paterno, pero nais lang isalaysay ng pelikula ang kagaguhan ng gobyerno natin at ng mga taong nagpapatakbo nito.

All in all, maganda ang pelikula at kung irerate ko to, 8 out of 10. Naiimagine ko nga, kung mas pinondohan ng malaki to, kahit Hollywood maaangasan sa pelikulang to. Isang menshae ang dapat marealize ng mga Pinoy sa Heneral Luna at ito ay ang, "Hindi pa talaga naipapanganak ang tunay na gobyerno na nababagay sa bansa natin at ipinakita ng Heneral Luna kung paano ito na-abort nung panahon nya at kung ikukumpara natin ang naging kapalit ng Republican Government ni Aguinaldo, maihahalintulad sa isang sanggol na ipinanganak na kulang sa buwan at sya nating pinagtitiisan sa ngayon."

Share