Showing posts with label papayat. Show all posts
Showing posts with label papayat. Show all posts
Monday, January 4, 2016
13 Tips para Pumayat (Pagkatapos ng Matinding Paglamon este PagHAMON ng Pasko at Bagong Taon)
Sikaping gawin araw-araw hanggat maaari ang mga sumusunod:
1. Huwag mag grocery. Everytime na may kelangan sa bahay, tumakbo sa sari-sari store. Hindi lakad, takbo! Piliin ang malayong tindahan kahit pa tindahan ng tita mo yung mas malapit sa inyo.
2. Patayin ang aircon at electric fan. Namnamin ang natural na simoy ng abnormal na klima sa Pinas hanggang Pebrero. Tipid ka na sa kuryente, pinawisan ka pa.
3. Sumabit sa jeep. Piliin ang jeep na punuan at sumabit lang para mastretch ang mga brasong nagwawagayway nang kusa. Basta wag nang piliting sumabit kung may bakante namang upuan. Papagkamalan kang prankster pag ganun.
4. Manood ng horror na pelikula sa kalaliman ng gabi na nakatali o nakagapos sa pwesto. Sa ganitong paraan, siguradong magpupumiglas ka, maaaring magsisigaw pero wala kang magawa. Hindi ka rin makakuha ng popcorn o chichirya dahil nakatali ka nga. Magpapawis ka dahil sa takot at pagpupumiglas. Siguraduhin lang na hindi ka pipikit dahil wala namang nanunuod na nakapikit. Siguraduhin lang na walang sakit sa puso kung gagawin ito.
5. Paganahin ang utak pag malapit ng magutom. Makipagdebate sa kapitbahay tungkol sa kung sinong pumatay kay Ninoy o kung dapat nga ba manalo si Duterte. Maglaro ng chess, magsagot ng krosword at higit sa lahat, magbasa ng libro. Kung di ka pa masaya, sagutan ang algebra, trigo at organic chemistry problems na assignment mo o kung gradweyt ka na, halungkatin ang mga old assignments na di mo ginawa dahil bulakbol ka nung college at subukang gawin. Kapag aktibo utak mo, magbabawas ka ng calorie. At pag natiis mo ang initial na gutom, tiyak na malilipasan ka ng gutom. Gawin ito at least twice a week dahil hindi ito pwedeng gawin araw-araw lalo na kung dati nang malaki ang mata mo.
6. Makipagbreak sa jowa. O kung ayaw mo makipagbreak, udyukan ang partner na i-break ka. Ang sama ng loob na maaari mong maramdaman ay magko-cause ng kawalan ng ganang kumain at magrerelease ng maraming body fluid mula sa luha at sipon. Makipagbalikan kapag nakapagbawas ka na ng timbang.
7. Magkape nang magkape. Bukod sa caffeine na magko-cause ng puyat na nakakapayat, maaari ka ring maging acidic. Pag malala na pagiging acidic mo, papayuhan ka ng doktor na wag kumain ng maraming bagay. Kung may problema ka sa pagiging masunurin, wag ka na lang magkape.
8. Uminom ng alak na walang laman ang tiyan. Ang problema sa pag-inom ng standard na 8 glasses of water a day ay...boring. Sa alak at chaser, masusunod mo yan at malilibang ka pa. Plus, wala na ngang laman ang tiyan mo, susuka ka pa. Siguraduhin lang na hindi mo ito gagawin kung under 18 ka or walang pambili ng alak.
9. Magtanga-tangahan sa pagbili. Ito yung sequel sa #1. Kunyari di mo narinig yung utos ng nanay mo at toyo binili mo instead na patis. Takbo ka ulet pabalik sa tindahan. Tiyakin lang na hindi ito gagawin ng tatlong ulet para hindi panghinayangan ng parents mo ang pinang-tuition mo sa college.
10. Maglampaso ng sahig. Siguraduhing hindi linoleum ang sahig mo para magawa ito. Pero walang basagan ng trip di ba?
11. Bumyahe sa EDSA. Mga anim na balik mula North Edsa hanggang Mantrade na alternate MRT at bus. Subukan din ang ruta papuntang Cainta, Rizal. Sa mga taga Bulacan, i-try ang Bocaue exit. Papayat ka sa konsumisyon.
12. Maglaro ng "like push-up". Hindi pa naiimbento ang larong ito at baka kayo pa lang ang gumawa kung sakali. Makipagpaligsahan sa kapatid o bespren sa paramihan ng likes sa bagong upload na pic mo sa loob ng 6 hours. Siguraduhing halos magkasindami lang ang fb friends nyo. Ang may pinakakonting likes ay ima-minus ang total likes sa likes ng may pinakamaraming likes (putsa puro likes). Example: 20 likes minus 50 likes. Ang natalo ay magpu-push up ng 30. Sa ganitong paraan, nasunod nyo na ang pagiging GGSS nyo, naexercise pa kayo. Siguraduhin lang na hindi puro dummy accounts ang naglike.
P.S. Kung magkapatid kayo at walang naglike sa pics nyo, maaaring tanungin ang nanay kung ano ang problema.
13. Magpa-check up. Ang katakawan o kasibaan ay hindi lang kabilang sa 7 deadly sins (gluttony), ito rin ay psychological problem. Kaya't makabubuting komunsulta sa psychologist para malaman kung gaano ka na kalala.
Torture ang pagbabawas ng timbang o pagpapapayat lalo na kung baliw na baliw kang abutin yung standard figure mo na katulad kay Anne Curtis. Kesa utak mo naman ang maapektuhan sa kakapangarap na mag gym pero di ka naman naniniwala na "no pain no gain" (at taksil ka rin sa sarili mo dahil sa paulit-ulit na panloloko na hindi ka na mag-eextra rice), mabuti pang gawin na lang ang mga nabanggit sa itaas. Bukod sa hussle free at halos part ng normal na buhay mo araw-araw (kelangan mo lang i-exaggerate ng konti), maaaring makapulot ka rin ng aral sa mga ito. Aral na walang kasing dalisay at kasingpanatag sa kalooban ang MAKUNTENTO at maging CONFIDENT sa kung ano ka at kung anung meron ka.
Subscribe to:
Posts (Atom)