Thursday, May 2, 2024

Effective ba ang "NO RICE" diet?

 

Bakit nga ba kagaguhan ang no rice diet? Mahigit isang buwan na rin akong tumigil sa pag-inom ng alak kasabay na din ng pakonti-konting pagdiet hanggang netong couple of weeks ago ay naachieve ko na yung simple pero consistent kong diet. May kanin pa din, andun pa din yung tipikal na ulam ng Pinoy pero ano ang nabago sa nakagawian kong pagkain?

2x lang akong kumakain ng major meal a day. 2x? "Bulaan ka (sinungaling ka)" ang tanong ng Bicolano saken. Opo, 2x lang at wala naman nakakagulat dyan dahil marami namang ganyan ang ginagawa. At sa 2x na yan, isa lang dun ang may kanin. Once lang ako magkanin pero 1 to 2 rice depende sa level ng gutom na dala ng trabaho or workout at depende sa ulam minsan. Sa usapang kanin nga pala, pag madami ka kumain ng kanin, sa oras na nagutom ka, talagang gutom na gutom ka. So ano ang next? Kakain ka ng madami (kadalasan ma-carbs na pagkain) or kakain ka ulet ng kanin. So sukatin mo din yung disiplina mo sa kanin kung kaya mo magpigil lalo't sa lunch ka lang kakain nito. Kase sa mga mas bata tulad ng below 30, walang problema. Kaya pa ng metabolism nila pero past 30 katulad ko, good luck na lang sa pag-gain weight

Sa umaga, hindi ako nag-aalmusal. Nagkakape lang ako. Pagkatapos magkape, magwowork-out na ko. Either home work out or tatakbo ako or magbabike, alin lang dun sa nabanggit. I dont go to gym kase mabilisan lang pero 6x a week akong nag-eexercise. Kinda intense up to really intense workout na consistent ang strategy ko. Then yun nga, sa tanghali lang ako kakain ng kanin. Hindi consistent na one rice lang pero consistent na meat or fish at gulay ang ulam (mahirap mag-one rice sa sinigang o nilaga, sa true lang). Then tuloy ang work hanggang hapon. Pag nagutom ako (kapag nagutom lang since minsan kape lang laban na kahit 50 degrees celsius na sa Pinas), nagmemeryenda ako. Turon, banana-que, halo-halo, kwek-kwek, chicken skin etc. Pero never na higit pa sa isa sa mga nabanggit ko, kung isang camote-que, isang stick lang. Kung kape, kape lang talaga. Then iinom ako ng maraming tubig. Actually, umiinom ako ng maraming tubig araw-araw. Tapos work ulet kase energized na. Yung gabi ang medyo may drama nang konti.

Marami ako kilala na intermittent fasting ang ibinibida. Hindi ako naging fan ng sistema na yun lalo na at mine-maintain ko na wag uminom ng alak. Anong konek? Pag gutom ka, masstress ka. Or maaaring hindi naman stress, sadyang hindi ka lang happy. At bilang dating manginginom, ang laging hinahanap ng utak ko ay ang hapiness mula sa alak pag nasstress ako. Dahil karaniwan ay pagod ka pagkalipas ng maghapong trabaho, yung sense of judgement mo o decision making mo ay hindi ganun kagaling. Exposed ka sa mga tukso tulad ng pagkain o alak o anupamang adiksyon mo. Masasabi kong extreme ang intermittent fasting although di ko sya dine-discredit kase marami namang nakapagtunay na effective yun pero not for me. Kelangan ko i-maintain yung normal mood ko para hindi magrelapse. So ano naman ang kinakain ko sa gabi?

Sibuyas na hilaw! Hindi nawawala ang sibuyas sa evening meal ko. Oo may pagka mekus-mekus sya pero at least sa gabi lang at kung amoy ang problema mo, idadigest ko naman yun at ipapawis sa work-out kinabukasan bago maligo at wala naman akong kaulayaw sa gabing pusikit so di ko problema yung amoy. Kung may partner ka naman, magtoothrush and mouthwash ka para iwas amoy (though di nga ako makarelate since singular ako). Now, bakit sibuyas? Ang sibuyas ay tumutunaw ng taba lalo na ng visceral fats na tinatawag o yung taba na nadedevelop sa internal organs natin tulad ng atay. Ang nasabing taba ay biswal na makikita sa bandang tiyan o bilbil kung tawagin ng mga marites. Sa mga lasenggo naman ay beer belly ang tawag dito. Bilang dating lasenggo, sibuyas o bawang ang nilalantakan ko para tulungang mawala ang nasabing taba lalo na yung tinatawag na love handles or yung taba sa gilid ng tiyan. Plus, pag nakatira ka ng sibuyas, hindi ka rin masyado makakaramdam ng gutom so win-win situation. Hindi nga lang talaga siya para sa lahat kase merong mga ayaw nga ng sibuyas.

Hindi naman extreme na pinapapak ko ang sibuyas. Sabi ko nga, wala akong partikular na uri ng pagkain na hindi kinakain during my diet. Itlog na pula, barbeque, isaw, atay, chicharon bulaklak, dugo, pritong tilapia, sisig at iba pa na perfect sa sibuyas, yun ang kadalasan ko hinahanap. Or else kung walang perfect na partneran ng sibuyas, dun ko lang gagawing parang mansanas ang pagkain ng sibuyas. Dahil walang kanin sa gabi, kamote or nilagang saging or maraming gulay. Pag wala yung mga nabanggit na ulam, kumakain ako ng itlog na nilaga. Mga apat na itlog, solid dinner na yun. Pag feeling "Jung Kook" ako, andyan naman yung kimchi at lettuce para lang hindi magsawa sa mga tipikal na Pinoy dishes. Sa gulay andyan ang kangkong or talbos kamote. Ampalaya at iba pang gulay na mura sa palengke, tinitira ko din yan sa gabi. May prutas din syempre pero kung ano yung in season at mas mura, yun ang pinapakyaw ko. Ang idea sa dinner na ito kung bakit solid ang protina ay para sa muscles. Ayoko namang payat tapos lalayo ako sa mga aso dahil baka pagkamalan akong buto. So kumakain ako ng protein packed meal sa gabi para mametabolize sya habang natutulog at magamit sa pag-build ng muscles. Yung fats nila since less carb ako sa gabi, yun yung magiging energy ko sa work out kinabukasan.

Ang concern ng mga solid at nerd na nagdadiet e "puro fats at cholesterol ang diet mo". Ang balik ko naman ko sa kanila, "kaya nyo kumain ng rich in anti-oxidants food tulad ng sibuyas na hindi kayo mag-iinarte in a regular basis?". Dagdag pa dun, kaya nyo bang ipawis yung mga fats na-store nyo sa katawan by consistently doing exercise? May rice pa din daw, dapat daw fiber rich bread eme na lang. Asyano tayo mga kapatid, rice is life!Bakit nyo ba ginagawang academic ang pagpapapayat o paglo-lose weight na parang college student na palaging nagsusunog ng kilay (ooops..yung iba lang)? Simplehan mo lang. Yung attainable at yung achievable lang dapat na diet program. E ano naman kung hindi perfect? Kesyo mas madami yung calories in ko kesa sa calories out. Hindi naman for perfection ang pag-diet e. Opinyon ko lang, kung sumablay ka sa routine mo sa pag-diet, make sure na babawi ka next time. At please wag masyado magastos. May pa-salad salad ka pang nalalaman. Brown rice ka pa at mga non-fat foods na pauso. Wag kang humiwalay sa norms o nakagawian ng nakakarami para lang masabi mo na kase dedicated ka, disiplinado ka at lahat na nang adjectives na bubuo sa pagka-narcissist mo. Tapos pag nakuha mo na yung result na iniintay mo at nakapagpost ka na sa social media, ano na next? I-consider mo din yung social life mo tulad ng kung hindi talaga maiwasan kumain dahil lumalantak sa handaan ang family or friends mo, maki-join ka. Act normal at ipakita mong kasama ka nila. Then if thats a cheat day, bawian mo ng work out next time tapos balik ka sa normal diet routine mo.

Para saken, ang pagdadiet ay hindi dapat maging punishment sa sarili. Food is a reward to ourselves. Kaya nga tayo nagtatrabaho para may pangkain. Ang dami-daming nagugutom sa mundo tapos ikaw, sinusupress mo sarili mo para sa figure at appearance na minimithi mo. Easyhan mo lang. Kontian mo lang yung kain tapos maging active. Or kung active ka na at sapat naman yung pag-burn mo ng calorie, bakit ka magpapaka baliw sa pagdiet? Mga construction workers, magsasaka at iba pa na highly demanding sa calorie, wala naman silang diet program na sinusunod pero bakit bato-bato katawan nila? Kung hindi naman pisikal yung routine mo araw-araw, bakit ka magko consume ng madaming carbs? Yun pala e gusto mong mag weight loss, bakit tamad ka mag-exercise? Yung excuse, hindi ka naman papapayatin nyan e. Tsaka sa kaka-excuse sarili mo lang din naman niloloko mo.

Sa point of view ko na to, pasensya na sa tatamaan. Hindi naman talaga tayo pare-pareho ng mindset sa subject matter na to and I respect our differences. Personally, ang main goal ko talaga ay tulungan ang atay ko maka-recover mula sa dating alcohol abuse ko through diet and exercise. Pero hindi ko ibe-ibetray ang kanin kahit kelan kaya rice is life pa din pero in moderation syempre. Mahirap paniwalaan lalo na ng mga anti-rice people dyan yung mga changes sa physical appearance ko sa kabila ng pagiging rice lover ko pero I post pics sa socials from time to time and judge nyo na lang (dyan naman kayo magaling. char). With rice or no rice, its up to you. Kung alin yung feeling mo e effective sayo, go lang. All in all at ang mahalaga, magdiet ka at mag-exercise para sa health mo at hindi para maging angat ka sa iba at maging center of attraction.

Share