Wednesday, January 28, 2015

Right Love at the Wrong Time

I know people na nasa ganitong sitwasyon at talagang masasabi ko na sobrang hirap nito. Yung tipong kahit mga bituin sa langit ay hindi nag-aagree na posibleng maging kayo or maging kayo man pero parang "you and me against the world" ang magiging tema nyo. Sa panahon pa naman ngayon na parang lahat ng bagay ay di na makapaghintay, napakahirap i-manage ng uri ng pagmamahal na yan (na sinasabing mali) at sa napakastressful na mundong ito, matinding suffering ang pagdadaanan ng kahit sino na mapupunta sa ganitong sitwasyon.

Sabi nga, napakapowerful daw ng love. Kaya nitong magwasak ng mga damdamin at gawing miserable ang buhay ng isang tao. Pero sa mga taong nakatagpo ng tunay na pagmamahal sa gitna ng kumplikadong sitwasyon, ibayong sakripisyo ang kelangan nyang isaalang-alang. Magiging makasarili ba sya at susundin ang nararamdaman kapalit ng pagkawasak ng damdamin ng iba o mananatili syang walang ginagawa pero hindi masaya? Oo, madaling sabihin na mag-take time hanggang ok na ang lahat pero ang amount ng damage na ginagawa mo sa sarili mo ay lalong lumalaki habang tumatagal at ang matinding kalungkutan mula sa hindi mo pagsunod sa puso mo ay halos bawian ka ng katinuan. Ang nangyayari, naghihintay ka ng tamang oras at the same time, sinasayang mo rin ito.

Hindi ko naman sinasabi na maging sobrang bilis na para bang puso mo na lang ang sinunod mo at hindi man lang gumamit ng utak. Pero kung naniniwala ka na natural lang na labanan mo ang lungkot at pasakit para lang pigilan ang sarili habang nasa proseso ka ng pagja-justify at pagbabalanse ng magiging desisyon mo, gawin mo. Pero tandaan mo, sa prosesong yun, hindi ka nagsasayang ng oras dahil alam mong may patutunguhan. Ang desisyon mo ay magiging "the best" ayon sa dikta ng puso, isip at konsensya mo pero ito ay dapat na hindi maging produkto ng pagiging padalos-dalos kung ayaw mo magsisi sa huli.

Ipaglaban daw kung ano ang nararamdaman pero isaalang-alang din kung mag-isa ka lang bang nakikipaglaban o kung meron kang katuwang. Kung naghahanap ka ng kalayaan para lamang sa isang tao, maaaring mag-isip isip ka pa. Ang cost ng kalayaan ay hindi ganun ka-cheap at hindi mo itatapon ang sarili mo para lamang mabigo ulet. Kung ipaglalaban mo man ang kalayaan mo para sa tiyak na tao, mas maganda kung dalawa kayo ng taong yun na magtutulungan para makamit ito.Kung wala kang makuhang tulong mula sa tao na dapat ay dahilan ng iyong paglaya, wag umasa na hindi lang ang taong hihingan mo ng kalayaan ang masasaktan dahil posibleng pati ikaw ay manghinayang.

Right love at the wrong time. Kung gaano man ito ka-right sa pagkakataong iyon at sa tingin mo ay ganun ka-wrong ang iyong sitwasyon para dito, pag-aralan kung paano mo gagamitin ang TIME para gawing kasangkapan at gawing "right love at the right itme" ang sitwasyon mo. At wag kalilimutan, oras na kumalas ka sa isa pa, tiyaking alam mo na ang halaga nya, mawala ka man o magstay sa piling nya.

Tuesday, January 20, 2015

Lucia


Naniniwala ako sa succubus. Yung babaeng demonyo/espirito/elemental na animo'y nakikipag talik sa isang lalaki sa paraan na tila panaginip pero gising ang taong ginagawan nito.

Nung 1st year college ako, taong 2006. Madalas mag-isa lang ako sa bahay lalo na sa gabi. Call center agent kase ang ate ko na sya lang kasama ko sa bahay. Hindi ako pala-labas at wala rin akong barkadang pwedeng samahan. Im a total loner na kuntento na sa mga books, TV at video games. Sa kalahatian ng semester, mag-uumaga nun ng una ko tong maranasan. Hapong-hapo ako sa magdamag na laro sa playstation at nagpasyang matulog ng bandang alas kwatro ng madaling araw. Wala pang 30 minutes akong nakahiga nang may maulinigan akong boses ng babae na nagsasalita ng ibang lengguwahe. Mabilis sya magsalita at sa boses ay parang nasa late 20s ang edad nya. Naisip ko na siguro sadyang pagod lang ako kaya di ko masyado maintindihan pero baka sya na ang ate ko na kararating lang galing trabaho at galit yun pag matagal ako magbukas ng pinto. So bumangon ako at tumakbo sa may pintuan. Pagbukas ko ng pinto, walang tao kahit saan at naramdaman ko ang malamig na hamog ng umagang iyon ng Oktubre 2006. Bumalik ako sa higaan na parang walang strange na nangyari. Back in Bicol nung doon pa kami nakatira (nasa Pasig na ako nang 2006), nakakaexperience na rin ako ng mga ganito sa malaking bahay namin at halos normal ang mga ganun saken. So bumalik na ko ng higaan at siguro'y wala pang sampung minuto ng makaramdam ako ng tatlong sunod, sunod na palo ng kamay sa pwet ko na parang may pagnanasa, mahalay. Narinig ko na naman ang boses ng babae. Parang katutubo ang salita nya na gamit ng sinaunang Pilipino. Duon na ako naalarma at kinumpirma na may kababalaghang nangyayari saken. Itinuloy ko pa rin ang pagtulog hanggang sa nakita ko ang imahe ng babaeng nakatalikod habang nakaupo sa gilig ng higaan ko. Napakahaba ng buhok nya at itim na itim. Hindi yun ang first time ko na makakita ng white lady dahil nakakita na ko nun nung 8 years old ako pero hindi kasing klaro ng nakikita ko nung time na yun ang nakita ko nung bata pa ko. Patuloy sa pagsasalita ang babae hanggang sa kusa itong nawala. (Habang sinusulat ko to ay kinikilabutan pa rin ako).

Nakakwentuhan  ko ng araw na yun ang kapitbahay namin na nakapalitan namin ng ate ko ng apartment at sinabi nya na nakita nya rin ang babaeng yun. Buti na nga lang daw at pumayag kaming makipagpalitan dahil nagkakasakit ang mga anak nya sa unit na yun. Fair lang naman dahil mas mura ang nilipatan namin pero sabi ko sa sarili ko, pag nagpatuloy ang kababalaghan na yun, mapipilitan akong umalis.

Nang sumunod na gabi, maaga ako natapos magplaystation. 1 am pa lang ay patulog na ko at hindi usual saken dahil commonly, nanunuod pa ko ng cable until 3 am. Pero parang may kung anung pwersa na humatak saken para matulog agad sa kabila ng sangkatutak na kape na ininom ko mula sa school pa lang. Paglapat ng katawan ko sa higaan at makalipas pa lang ang ilang minuto, nakaramdam na ko ng parang mabigat na bagay na nakadagan saken. Kasunod nuon ay naramdaman kong may nakayakap saken at ilang sandali pa ay madiin at mapusok na halik ang naramdaman ko sa labi ko. Hindi hinding ko iminumulat ang mata ko dahil baka di kayanin ng katinuan ko kung sakaling makita ko sya. Alam kong gising na ko ng mga sandaling yun pero hindi ko maigalaw ang katawan ko. Napaka-sekswal ng mga sunod na nangyari pero hindi ko yun nagustuhan dahil sinong matinong tao ang magugustuhan ang ganung kakilabot na pakikipag-intercourse sa isang ispiritu o kung anupaman. Unti-unti syang nawala at gumaan na ang pakiramdam ko. Bumangon ako sa higaan at umupo at hinahabol ang hininga ko. Nasa state of shock ako nun at di na ko nakatulog hanggang mag-umaga.

Hindi ako mahilig mag-kwento ng mga bagay tungkol saken lalo na't bago pa lang ito nangyari. Ipinag kibit balikat ko lang ang experience na yun na inakala kong hindi na mauulet. Mas lalo pa akong naging busy sa pag-aaral at part time job ko. Nung mga time na yun, wala akong tropa, wala akong kaibigan at lalong wala akong girlfriend. I felt so alone with my life pero sadyang ganun talaga ako nun at ang mag-isa ang tangi kong kaligayahan. Anyway, isang gabi lang ang pinalipas ng succubus na pinangalanan kong si Lucia nang muli syang umatake. Wala pa kong idea sa succubus nun at nalaman ko lang yun after 2 weeks na sunod sunod ko nang naexperience ang nakakapangilabot na paranormal activity na yun. Habang tumatagal ay lalong nagiging detalyado saken ang mga pangyayari pero isa lang ang hindi ko tinangkang gawin at yun ay ang imulat ang mata ko. Siguro sa pangpitong gabing naexperience ko to nung naglakas loob akong magsalita habang ginagawa nya yun. "Bakit mo to ginagawa?" Yun ang nasabi ko habang nasa kalagitnaan kami ng weird na activity na yun. Muli kong narinig ang boses at lengguwahe na yun na hindi ko maintindihan. Mabilis syang nawala pagkatapos kong itanong yun.

Nagresearch ako about sa succubus at nalaman ko na umaatake sila sa mga taong punong-puno ng deppression at masyadong isolated. Nung mga time na yun, galit na galit ako sa father ko at halos anti-social na ako dahil feeling ko, hindi ako belong sa kahit anung grupo. Lahat nang negativities sa loob ko ang naging dahilan para maattract ko ang succubus na yun at maranasan ang mga nakakakilabot na mga gabing yun. Isang pagpapasya ang nabuo sa isip ko, kelangan ko nang magbago.

Sinimulan ko sa mga klasmeyts ko ang pakikipagkaibigan. Nagstart na ko magkwento sa kanila ng mga bagay sa buhay ko. Nagstart na rin ako makinig ng mga stories nila. For days, naramdaman ko kaagad na hindi ako alone. Ipinagpatuloy ko yun hanggang sa dumalang na ang pagdalaw ni Lucia. Finally, inopen-up ko ang tungkol sa kanya sa mga profs at kaklase ko. Sinabi ko rin ito sa ate ko na agad nag-freak out pero hindi naman masyado naapektuhan dahil hindi naman sya nagsstay sa bahay ng gabi. Pinayuhan ako na magdasal at tumawag sa Diyos pero sadyang di ako madasalin kaya di ko yun nagawa. Bagkus tinuloy-tuloy ko ang pakikihalubilo sa iba't ibang tao hanggang sa hindi na nagparamdam si Lucia.

Although nakakaramdam pa rin ako ng mga ganitong experience mula nung 2011 hanggang 2014, hindi na yun ganun katindi na di katulad nang kay Lucia. At yun yung mga time na nasa great depression ako. Ang tanong ko lang, si Lucia pa rin kaya ang nagpaparamdam saken na bumabalik-balik tuwing makakahanap sya ng oportunidad?

Friday, January 9, 2015

Buking

Bumisita ang nanay sa tinutuluyan ng kanyang anak na lalaki. Napansin nyang may kasama ang kanyang anak na isang babae na diumano ay "roommate" lang. Sabay sabay silang naghapunan nung gabing yun.

Habang kumakain, hindi mapigilan ng nanay na kilatisin ang babaeng kasama ng kanyang anak. Di nya lubos maisip na kashare lang sa bahay ang napakagandang babaeng ito. Siguradong girlfriend ito o ka-live in ng anak nya.

Nahalata na sya ng anak nyang lalaki at nagsalita. "Ma, hindi kami. Friends lang talaga kami at nagsheshare lang kami sa apartment."

Isang lingo nakalipas, nagtaka si babae kung bakit nawawala ang isa sa mga mamahaling plato nila. Sinabi nya to kay lalaki. "Siguro naman hindi dinala ng nanay mo yung isang plato natin di ba?"

Para kumpirmahin, tinext ni lalaki ang nanay nya:

"Ma, nawawala isang plato namin dito mula nung nag-dinner tayo. Pasensya na pero baka aksidente mo nadala dyan sa bahay natin. Pakicheck pls."

Nagreply ang nanay nya at ito ang sabi:

"Anak, ilang araw na ang nakakalipas mula nang mawala ang plato nyo. Kung natutulog ang babaeng yan sa sarili nyang kama, unang gabi pa lang, matutuklasan nyang nasa ilalim lang ng unan nya yung plato..."

Share