Tuesday, December 27, 2011

Ako at ang 2011


Ang pinaka highlight ng buhay ko ngayong 2011 ay ang aksidenteng pagka-graduate ko sa college sa edad na 23. Oo, aksidente lang. Mangyari kasi ay 5 years kong tinake-up ang 4 year course na Pol. Sci. sa pag-aakalang masayang mag-stay sa college nang matagal. Pero nung maranasan kong bumagsak sa ilan sa mga major subjects ko ay hindi ko na ito naenjoy kaya ang nalalabing panahon sa ika-apat na taon ay ginugol ko sa pagsusunog ng kilay (pero inabot pa rin ng 5th year. tsk..). Ang maalamat na thesis ay nalampasan ko pero hindi ang trauma na hanggang ngayon ay dala-dala ko pa mula sa 3 hrs na pag-defend nito. Sa wakas, nang maakyat ko ang entablado at matanggap ang coupon bond este diploma, para ko na ring natanaw ang asul na kalawakan at ang mga anghel na nag-aawitan. Ang sabi nila'y "Booooooooo!!!!" (hindi pala mga anghel yun kundi mga tropang hindi lang makapaniwala.)

Ang sunod na challenge ay ang paghanap ng trabaho para buhayin ang sarili. Kahit konti ay hindi na ko pwede umasa sa pamilya ko. Medyo pinalad dahil ang totoo'y kaya nagkanda leche leche din ang studies ko ay dahil nahook up na ko sa pagiging call center agent. Ang ending, call center agent right after the graduation. Masaya sa call center. Araw araw ka nag-eenglish at kung baguhan ka tulad ko dati ay kakailanganin mong kumain ng maraming ampalaya para pampadagdag ng dugo. Sa kakanosebleed mo kase, baka maubusan ka ng red blood cells. Kung di ka rin yung tipong sanay sa pamorningan ay hindi ka uubra sa trabahong nabanggit ko. Ang labanan sa call center ay "matira ang sanay sa konting tulog". Pag tulad ka nung asong gumagalaw-galaw ang ulo na naka-display sa taxi ni manong tuwing sasapit ang 12:00 am onwards, ikaw ang tinatawag na "planking master" (planking na kase ang kasunod nun dahil sa sobrang antok). Pero rewarding ang pagkakaroon ng trabahong ganito dahil night differential mo pa lang, halos basic na ng ibang nasa day job. Sabi nila hindi daw ok ang maging call center agent. Sabi naman ng iba, hindi it ok sa mga masyadong mapagmahal sa sariling wika. Para sa akin, ang mga call center agents at mga call center companies ay isa sa mga big time mag-ambag ng buwis sa pamahalaan at kung hindi kokorapin, baka tabihan na ng estatwa ng malaking headset ang monumento ni Rizal sa Luneta (ano daw?).

Naging masaya naman ako sa taong ito. Financially stable naman ako kahit paano at ang totoo'y nakakapagdonate pa nga ako sa mga charity (kung gullible ka ay paniniwalaan mo ang huli kong sinabi). Ang hindi lang masyadong masaya ay ang pagkakaroon ko ng walang kasing-pangit na lovelife. Early this year ay nakipag-break ako sa gf ko sa kadahilanang hindi na ko masaya. Ang sabaw ng bulalo ay tuluyan nang lumamig at ang pagsasama namin sa loob ng halos dalawang taon ay nagtapos. Sinubukan ko magmahal muli pero pakiramdam ko ay pagod na ko sa aspetong iyon ng buhay kaya pinili ko na lang maging kasapi ng SMP (Samahan ng mga Paasa). Pero likas naman talaga akong palakaibigan at namimisinterpret lamang nila ang pagiging sobrang nice ko sa kanila. Hindi ko kasalanan kung na-inlove sila sakin at wag nila akong kamuhian kung friendship lang ang maio-offer ko. Tsaka...hindi po talaga ako pumapatol sa "gay o homosexual" :-(. Sensya na.

Eto nga at magtatapos na ang taon. Sa scale of 1-10, 10 being the highest, 8 ang grade ko sa year na to. Hindi naman ito ganun kasaya na hindi katulad nung mga early years na talagang puno ng excitement. Sabi nga ng kaibigan kong si Kai "hindi ito ganun ka-historical" compare sa mga naunang taon. Ang the best lang sa taon na ito ay dito ko unang naramdaman ang total satisfaction sa pakikipag kaibigan dahil sa pagkakaroon ng maraming friends at pagtibay pa lalo ng friendship na meron na ko dati. Although wala akong lovelife, sure naman ako na maraming nagmamahal sa akin at idagdag mo pa ang pamilya ko na hindi ko pwedeng makalimutan.

Naniniwala ako na ang buhay ay hindi katulad sa isang job contract na good for a certain period of time lamang. Hindi magtatapos ang magandang paglalakbay sa buhay na ito sa loob lamang ng isa,dalawa o tatlong taon. Ang taon na dumating,darating at nagdaan ay bahagi ng landas na iyong babagtasin patungo sa nais mong marating kaya sikaping wag maging magulo ang bawat yugto ng buhay mo. Narealize ko na sa choice lang din natin at nakasalalay sa ating mga sarili ang kahihinatnan ng buhay natin sa darating pang mga taon. Salubungin natin ang taong 2012 nang may ngiti sa labi at puno ng pag-asa. Kung ito man ay bagong simula sa tulad mong unti-unti nang naluluma...huwag kang mapapagod dahil pasasaan ba at makakamit mo din ang hinahangad mong tagumpay...

Tuesday, December 20, 2011

Sendong



Tooooot!!!
-Thank you for calling H*****. Reyner speaking. How may I assist you?
-How are you Reyner? I just need to verify benefits please.
-I can assist you with that. And oh, I'm fine. A bit bothered  about what happened to southern part of the Philippines. It's so frustrating to see hundreds of dead bodies scattered all around due to enormous flash floods.
-Oh I'm so sorry to hear that. Gotta call my friend then who's residing there to check if they're ok...

Ito yung isa sa mga call na nahandle ko kagabi. Talaga namang affected ako sa nangyari sa mga kapatid natin sa Mindanao. Hindi ko matanggap na ganun karami ang buhay na nawala sa isang mapaminsalang baha at kinukurot ang puso ko pag naiisip ko kung panu magcecelebrate ng Christmas ang mga namatayan ng kaanak at mga nawalan ng ari -arian. Tsk.. Halos buong gabi na ang trahedya sa Mindanao ang naging laman ng rapport ko sa mga callers at maging sila'y nagpaabot ng kanilang simpatya sa nangyari.

Sino nga ba ang dapat sisihin sa nangyari? Ang sabi'y wala daw dapat sisihin dahil natural disaster ito at talagang nangyayari kahit di natin gusto. May mga nagsasabi na ito daw ay dahil sa kapabayaan natin sa kalikasan at inani na natin ang bunga ng kapabayaang ito. Ang naisip ko naman, bakit kelangan madamay ang mga inosente sa naturang kasalanan? Aware tayo na ang di masawatang illegal logging ang itinuturong dahilan ng mga tao kung bakit ganun na lang kalaki ang pinsalang idinulot ng bagyo. Pero ang hindi tayo aware ay kung sino ang mga demonyong nasa likod ng naturang iligal na gawain. Naapektuhan din kaya ang mga pamilya nila? May namatay din ba silang kaanak dahil sa katarantaduhang ginawa nila? Kung sino man ang mga taong yun na walang damdamin na walang awang gumahasa sa kagubatan ng mga lugar na naapektuhan ng bagyo, HABAMBUHAY KAYONG HINDI PATATAHIMIKIN NG KONSENSYA NYO habang ang larawan ng kalunos-lunos na nangyari sa CDO, Iligan atbpng naapektuhang lalawigan sa Mindanao ay nananatili sa kasaysayan.

Ang Christmas wish ko...sana wag na maulit ang trahedyang ito. Sana dagdagan ng tao ang pagmamahal sa kalikasan, pahalagahan ito at wag gawing parang materyal na bagay na matapos pakinabangan ay ibabasura. Mahalin natin ang kalikasan...mamahalin din tayo nito.

Share