Nagiging entertainment na saken ang mga encounters ko. "Spooky first of August" na matatawag ang gabing ito para saken. Nagpasya akong pumunta ulet sa zen room tulad nang nabanggit ko sa last post ko. Paghiga ko pa lang, alam kong may kakaiba nang mangyayari. 10 pm, 3 minutes na kong nakahiga, nakikiramdam pero lumipas ang sampung minuto, walang mabigat na kung ano akong naramdaman at wala ring humihila ng damit ko. Nakabaluktot ako nun na parang armadillo na dumidepensa sa panganib. Di ko alam kung bakit yun ang posisyon ko pero siguro gusto ko lang yakapin ang sarili ko at magself-rescue kung sakaling maging worst ang gabing ito.
Nakaidlip ako sa ganung posisyon at dun na ako nanaginip. Nakita ko ang sarili ko sa panaginip na nakabaluktot at nakapulang hoody (suot ko sa mga oras na yun). Unti-unting umikot ang lazy boy ko, mabagal, pabilis nang pabilis hanggang maging sobrang bilis na parang ikot ng elesi ng electric fan. Hindi ito ang gusto kong panaginip at feeling ko binabangungot na naman ako. Iginalaw ko ang pinky ko kasunod ang paa. Nagmadali ako sa pagmulat ng mata at HOLY S**T! Isang klarong imahe ng braso ang tumambad saken. Alam kong hindi ko yun braso dahil nakalong sleeves ako. Mga ilang segundo kong tinitigan ang brasong iyon na parang nakakapit sa ulunan ng lazy boy na hinihigaan ko. Maputi at mabalahibo ang braso at halos dumikit na sa mukha ko sa sobrang lapit. Dahil nakabalukot ako nun, malapit sa mukha ko ang tuhod at nakita ko ang kupas na maong ko, walang anino ng kung sino man knowing na dapat ay nahaharangan nya (kung tao man yun na nakatayo sa tapat ko) ang konting liwanag na tumatagos sa zen room. Kumisap ang mata ko at sunod na nakita ko ay tuhod ko na lang, wala na ang kamay na kanina’y nakaharang. Ano pa ba ang ibig sabihin nito? Hindi ako nabigo at isang “friend” na naman ang naencounter ko this time.
Gusto ko nang lumabas ng zen room, nagsimula na kong kilabutan. Sapat na siguro yun ngayong gabi at sa ibang gabi naman yung iba. Mga ilang minuto akong natulala, sobrang tahimik sa loob ng zen room. Ang nakakabinging katahimikan ang nagdala sakin sa tatawagin kong “closing remark” ng bawat experience ko sa lugar na ito, ang “mala-insidous” na panaginip. Bumangon na ulet ako sa higaan pero alam kong tulog pa rin ako nun. Pagbukas ko ng pinto palabas ay bumulaga agad sakin ang isang bata na hindi ko masyadong madescribe kung babae o lalaki pero medyo mahaba ang buhok nito, nakahandusay sya sa sahig katabi ng trash can na aluminum (weird lang kase wala namang trash can na ganun sa building namin) at di sya gumagalaw. Nasa bandang kaliwa ko ang batang ito na siguro ay nasa edad 5 or 6 at pagtingin ko sa kanan ay isa namang babaeng may headband na nakapormang parang pang 90's at tandang tandang ko ang itsura nya dahil nakatingin sya sa akin. Palagay ko ay edad 23-26 ang babae na may fair na pangangatawan. Tumakbo ako sa madilim na hallway at bago ko marating ang internet kiosk na usual kong dinadaanan sa lahat ng panginip ko, nakita ko ang dalawa pang bata na hindi nalalayo ang edad sa una kong nakita. Tingin ko ay babae’t lalaki ang mga bata na nakaupo naman at may katabi ring aluminum na trash can. Tumunog na ang orasan ko bago pa man ako makarating sa dalawang bata at pagkagising ko, hindi ko maexplain kung nabitin ba ako o dapat ba akong magpasalamat dahil natapos agad ang isa na namang nakakakilabot na panaginip.
Lumabas ako ng zen room (totoo na dahil gising na ko this time) na nahihilo pa dahil sa biglaang gising. Lumabas ako at nakita ko ang TL ko sa lung center (smoking area). Matagal na sya sa opisina namin kaya tinanong ko sya kung sino na nga ba yung nagpaparamdam sa buong building. At sinabi nya na si “Lenlen” isang bata ang madalas na nangungulit sa opisina. Napangiti na lang ako. Tingin ko ay may friends pa itong si Lenlen.
Abangan ang susunod ko pang post.